Ang “The Good Bad Mother” ay isang K-drama series tungkol sa isang babae na kinakailangang bumalik sa kanyang mga tungkulin ng pagiging isang ina ng isang 7-year old na bata, matapos ang car accident ng kanyang anak na lalaki na may sapat na gulang na.
Sa K-drama series na ito, si Lee Do Hyun ang gumanap sa karakter ni Kang Ho, isang kilalang prosecutor na may masamang relasyon sa kanyang ina na si Young Soon (Ra Mi Ran). Ngunit, dahil sa pagkakaroon niya ng “retrograde amnesia” bunga ng kanyang car accident, siya ay bumalik sa kanyang pitong taong gulang na sarili na sanhi naman kung bakit siya muling inalagaan ng kanyang ina.
Nakakuha ng iba’t ibang papuri at magagandang reviews, at feedback ang K-drama series na The Good Bad Mother, dahil na rin sa mahusay na pagganap ng mga artista, at maayos na portrayal ni Lee Do Hyun sa kanyang sakit na retrograde amnesia sa palabas. Kaya naman maraming netizens ngayon ang curious tungkol sa sakit na ito, at nagtatanong kung ano pa ang pwedeng maging sanhi ng sakit na ito.
Para magkaroon ka pa ng ideya sa kung ano ang retrograde amnesia, paano nagkakaroon ang isang tao nito, at paano ito maaaring gamutin, patuloy na basahin ang article na ito.
Ano ang retrograde amnesia?
Isang uri ng pagkawala ng memorya ang retrograde amnesia. Ito’y nailalarawan sa kawalan ng kakayahang ng isang tao na maalala ang kanyang mga memorya, o impormasyon na nakuha bago ang isang specific event na naganap sa isang indibidwal, gaya ng head injury.
Dagdag pa rito, ayon na rin sa mga eksperto ang lawak at tagal ng pagkawala ng memorya ay maaaring mag-iba sa retrograde amnesia. Ang ilang mga indibidwal ay maaaring makaranas ng partial retrograde amnesia, kung saan ang mga alaala bago ang kaganapan ay pira-piraso o piling nawala, habang ang iba ay pwedeng magkaroon ng mas kumpletong pagkawala ng mga alaala. Bukod pa rito, ang tagal ng panahon na apektado ng retrograde amnesia ay maaari ring mag-iba, mula sa minuto o oras hanggang linggo, buwan, o kahit taon.
Ano ang sanhi ng retrograde amnesia?
Ang kondisyon na ito ay sanhi ng pinsala sa mga region ng utak na nauugnay sa memory storage ng isang tao. Bukod pa rito, ang dahilan ng retrograde amnesia ay maaaring mag-iba sa bawat tao, at narito ang mga sumusunod na sanhi:
- Traumatic Brain Injury (TBI)
Ang head injuries resulting mula sa mga aksidente, pagkahulog, o assaults ay pwedeng maging dahilan ng retrograde amnesia. Kung saan ang severity at extent ng memory loss ay nakadepende sa specific location at extent ng brain damage.
- Stroke
Nagaganap ang stroke kapag may distruption sa suplay ng dugo sa utak, na humahantong sa brain damage. Depende sa lokasyon ng stroke, maaaring mangyari ang retrograde amnesia kung ang mga apektadong bahagi ng utak ay kasangkot sa memory processing.
- Neurodegenerative Diseases
Ang mga kondisyon tulad ng Alzheimer’s disease, Parkinson’s disease, at iba pang anyo ng dementia ay maaaring maging sanhi ng retrograde amnesia, habang unti-unti nilang sinisira ang mga rehiyon ng utak na responsable para sa memory formation at retrieval.
- Infections and Encephalitis
Ang ilang partikular na impeksyon, gaya ng herpes simplex encephalitis, ay maaaring magdulot ng pamamaga at pinsala sa utak, na humahantong sa retrograde amnesia.
- Anoxia/Hypoxia
Ang kakulangan ng oxygen sa utak dahil sa mga kondisyon tulad ng cardiac arrest, respiratory failure, o malapit na pagkalunod na mga aksidente ay maaaring magresulta sa retrograde amnesia kung ang utak ay nawalan ng oxygen sa loob ng mahabang panahon.
- Electroconvulsive Therapy (ECT)
Ang ECT ay isang medical procedures na ginagamit upang gamutin ang matinding depresyon o iba pang kondisyon sa kalusugan ng isip. Bagama’t maaari itong maging epektibo, maaari rin itong magdulot ng pansamantalang retrograde amnesia bilang side effect.
- Transient Global Amnesia (TGA)
Ang TGA ay isang pansamantalang anyo ng amnesia na nailalarawan sa biglaang pagkawala ng memorya na karaniwang tumatagal ng ilang oras. Ang eksaktong dahilan ng TGA ay hindi alam, ngunit ito ay pinaniniwalaang nauugnay sa isang pansamantalang pagkagambala ng daloy ng dugo o isang seizure sa utak.
Ano ang mga senyales ng kondisyon na ito?
Ang mga sintomas ng retrograde amnesia ay maaaring mag-iba rin depende sa kalikasan at kalubhaan ng pinsala. Kung saan ang mga karaniwang senyales na maaaring maranasan ng isang tao ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Hindi maalala ang mga pangyayaring naganap bago magkaroon ng amnesia
- Nakakalimutan ang mga katotohanan at pangkalahatang kaalaman na natutunan nila bago ang simula ng amnesia
- Hindi maalala ang mga pangalan, mukha, lugar, petsa, at iba pang katotohanan na natutunan bago nangyari ang pinsala
- Pananatili ng mga kasanayan at kakayahan bago magkaroon ng amnesia
- Naalala ang mga mas lumang long-term memories, tulad ng mga pangyayaring na naganap noong pagkabata nila
Paano maaaring gamutin ang kondisyon na ito?
Ang treatment para sa retrograde amnesia ay depende sa underlying cause nito. Sa mga kaso na ang amnesia ay dahil sa reversible condition, tulad ng pinsala sa ulo o ilang mga gamot, ang pagtugon sa underlying cause ay maaaring makatulong na mapabuti ang memory functions ng isang tao.
Ang mga rehabilitation strategies, kabilang ang memory exercises at cognitive therapies, ay maaari ring gamitin upang tumulong sa pagbawi ng memorya at makapag-adapt sa amnesia.
Kaya naman kung ikaw, o may isang tao kang kilala na nakakaranas ng pagkawala ng memorya o may mga alalahanin tungkol sa amnesia, inirerekomenda na humingi ng medikal na pagsusuri, at payo mula sa healthcare professional, upang maisagawa ang treatment na angkop sa pangangailangan ng isang indibidwal.