Sa kabila ng pagkakaroon ng tamang mga impormasyon, marami pa ring lumilitaw na maling paniniwala ukol sa sex. Isa sa mga dahilan ay ang pagdadalawang-isip ng mga taong lumapit sa mga healthcare expert tungkol sa kanilang seksuwal na kalusugan. Dagdag pa dito, na sa panahon ngayon, napakadaling magpakalat ng maling paniniwala sa pakikipagtalik gamit ang iba’t ibang social media platform. Sinoman ay puwedeng magpaskil ng impormasyong magmumukhang totoo. Sa artikulong ito, isisiwalat natin ang 7 maling paniniwala sa sex.
Bakit Mahalagang Isiwalat ang Maling Paniniwala sa Sex?
Walang maitutulong na mabuti sa iyong seksuwal na kalusugan ang maling paniniwala sa sex. Ang malala pa rito, maaaring malagay pa sa panganib ang iyong kalusugan. Halimbawa, ang paniniwalang makaiiwas ka sa sexually-transmitted diseases gamit lamang ang condom kaya’t hindi mo na naiisip ang iba pang mahahalagang hakbang gaya ng pagkilala nang lubos sa iyong sex partner o magpabakuna kontra HIV.
Dahil dyan, narito ang ilan sa mga karaniwang maling paniniwala sa sex at ang katotohanan sa likod ng mga ito.
Pitong Maling Paniniwala sa Sex
1. Nakabatay sa hymen ng babae kung virgin pa siya o hindi
Sa ngayon, may mga tao pa ring naniniwalang nakadepende sa hymen ng babae kung virgin pa siya o hindi.
Ngunit ayon sa mga eksperto, wala namang masasabing “intact” hymen. Magkakaiba ang laki at hugis ng hymen ng mga babae. Bukod dyan, kadalasang hindi nito natatakpan ang buong vaginal opening, kaya’t hindi talaga ito masasabing harang na napupunit sa unang pakikipagtalik ng isang babae.
May ilang babaeng ipinapanganak na walang hymen, at mayroon namang ipinanganak na natatakpan ang buong vaginal opening (imperforate hymen). Nangangailangan itong huli ma-operahan dahil hindi makalalabas ang vaginal discharge.
At bukod pa sa sex, maaari ding magdulot ng pagkapunit ng hymen ang iba pang matitinding aktibidad.
2. Ang virginity ay isang black and white concept
Isa sa pinakamatagal nang maling paniniwala sa sex ay masasabing virgin ang isang tao kapag hindi pa sila nakararanas ng penetrative sex.
Ngunit subjective ang konsepto ng pagiging virgin. Lahat ng tao ay maaaring magpasya kung ano ang ibig sabihin ng virginity at kung gaano ito kaimportante para sa kanila.
3. Ang pills at iba pang contraception ay nagbibigay ng mataas ng proteksiyon laban sa STDs
Isa sa mga maling paniniwala sa sex ay ang mga contraceptive, partikular ang mga condom, ay nagbibigay ng mataas na proteksiyon laban sa STDs.
Ang katotohanan dito, ang tanging paraan upang makaiwas sa STD ay sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng uri ng pakikipagtalik. Kahit ang oral sex o ang paggamit ng sex toys ay maaari pa ring mauwi sa sexually-transmitted diseases.
Dahil dito, napakahalaga pa ring maglinis ng katawan bago at pagkatapos makipagtalik, magpabakuna laban sa HIV, magpa-test para sa STDs, at magkaroon lamang ng isang sex partner upang maprotektahan ang sarili laban sa STDs.
4. Hindi ka mabubuntis kung nakipagtalik habang may period
Isa sa mga maling paniniwala sa sex hanggang ngayon ay ang paniniwalang hindi ka mabubuntis o makabubuntis kapag nakipagtalik habang may regla.
Ang totoo, kapag nakipagtalik habang may period, hindi nito matitiyak na hindi na mabubuntis ang isang babae. Depende pa rin talaga ito sa kanyang menstrual cycle. Kung nabuhay nang matagal ang sperm hanggang sa matapos ang regla ng babae at fertile siya, puwede pa rin siyang mabuntis.
Bukod dyan, hindi rin nakaiiwas na makabuntis ang ilang posisyon sa pakikipagtalik, withdrawal method, at paggamit ng douche.
5. Hindi mabubuntis ang babae kapag walang penetration
Maaaring narinig mo na ang ilang kuwento tungkol sa mga babaeng nabuntis kahit walang penetrative sex.
Ayon sa mga eksperto, posible pa ring mabuntis ang babae kahit walang penetrative sex. Puwede pa ring magdalang tao ang babae kapag nagkaroon ng contact ang sperm sa vagina. Kadalasan itong nangyayari kapag nilabasan ang lalaki malapit sa vagina o kapag dumikit ang erect penis sa area ng ari ng babae.
6. Hindi masarap ang sex kapag walang orgasm
May ilang naniniwala na kaya ka nakikipagtalik ay upang maabot mo ang orgasm (o multiple orgasm). Ngunit ayon sa mga eksperto, ang sex ay marapat ding maging physical at emotional intimacy. Maaari itong maging maganda sa pakiramdam, may orgasm man o wala.
Gayunpaman, kung nakapagdudulot sa iyo ng pag-aalala ang hindi pagkakaroon ng orgasm, huwag magdalawang isip na makipag-usap sa iyong partner o sa isang sexual health expert.
7. Ang anal sex ay para lamang sa mga gay couple
Hindi nakabatay sa sexual orientation ang sexual activities. Halimbawa, kung gusto ng straight couple ang anal sex, puwede nila itong gawin. Gayundin, kung interesado ka sa partikular na activity o posisyon, huwag mag-atubiling makipag-usap sa iyong partner tungkol dito.
May hindi ba kami naisama dito? Ibahagi mo ‘yan sa comment section upang malaman din ng ibang tao.
Matuto pa tungkol sa Seksuwal na Kaayusan dito.