backup og meta

Karaniwang Sakit ng Bata sa Pilipinas: Anu-Ano ang mga Ito?

Karaniwang Sakit ng Bata sa Pilipinas: Anu-Ano ang mga Ito?

Para sa mga magulang, malaking alalahanin ang mga karaniwang sakit ng bata sa Pilipinas.

Isang halimbawa nito ay kapag unang araw ng isang bata sa paaralan. Ito ay dahil may posibilidad na sila ay masaktan, o kaya naman ay magkasakit, at wala roon ang kanilang magulang para bantayan sila.

Bukod rito, ang mga playground, classroom, jeepneys, tricycles, pati na mga upuan, ay maaaring pagmulan ng sakit. At kahit pa turuan mo ang iyong anak ng wastong hygiene, mahirap siguraduhin na hindi sila magkakasakit.

Ang mga bata ay maaaring magkasakit sa paghawak sa mga contaminated surfaces, pagkain, o kaya paglanghap ng hangin na galing sa maysakit. Isang halimbawa na lang nito ay ang COVID-19. 

Normal lang na mag-alala ang mga magulang sa mga ganitong bagay. Bilang isang magulang, mahalagang alamin ang mga karaniwang sakit ng bata sa Pilipinas, at kung paano ito maiiwasan o magagamot. 

Karaniwang Sakit ng Bata sa Pilipinas

Sa isang bansang tulad ng Pilipinas, ang mga communicable diseases, o sakit na nakakahawa, ang pangunahing uri ng sakit. Dahil na rin sa tropical environment at mahabang rainy season sa Pilipinas, mas madaling kapitan ng sakit ang mga tao. Heto ang ilang karaniwang sakit ng bata sa Pilipinas.

Pneumonia

Ayon sa Department of Health, noong 2010 ay pneumonia ang pangunahing sanhi ng child mortality sa mga batang edad 1-14. 

Ang pneumonia ay isang uri ng respiratory infection na naaapektuhan ang baga. Ubo na mayroong plema at hirap sa paghinga ang pangunahing sintomas nito. Ito ay dahil napupuno ng mucus ang air sacs sa baga. Maaaring maging sanhi ng pneumonia ang bacterial, viral, o kaya fungal infection. Mga bata na edad 5 pababa na mayroong pangunahing problema o likas na problema sa baga ay mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng pneumonia. 

Dengue

Dahil isang tropical country ang Pilipinas, ang tag-ulan ay tumatagal ng ilang buwan. Ito rin ang dahilan kung bakit ang dengue fever ay isa sa karaniwang sakit ng bata sa Pilipinas. Mas madalas magkaroon ng mga dengue outbreak sa mga lugar kung saan maraming nakaimbak na tubig, o kaya lugar na laging binabaha. Sa mga ganitong lugar nangingitlog ang lamok na Aedes aegepti at Aedes albopictus na nagdadala ng dengue.

Ang karaniwang sintomas ng dengue ay ang sumusunod:

  • mataas na lagnat
  • panghihina
  • pananakit ng katawan
  • pagsusuka at pananakit ng tiyan
  • rashes, pananakit sa likod ng mata

Kung hindi maagapan, maaaring magkaroon ng komplikasyon ang dengue tulad ng:

  • pagdurugo ng gilagid o ng ilong
  • pananakit at pagdurugo sa tiyan
  • dugo sa ihi
  • pagkawala sa sariling pag-iisip (dahil sa dengue encephalitis na pangkaraniwan sa Pilipinas)

Ang tunay na panganib ng dengue ay sa posibilidad na humantong ito sa problema sa circulatory system. Kapag nangyari ito, maaaring makaranas ng shock o kaya ay mamatay ang pasyente. 

Diarrhea

Noong 2010, ang diarrhea o pagtatae ay isa sa pangunahing sanhi ng pagkamatay ng bata sa Pilipinas. Nakukuha ito kapag uminom ang bata ng contaminated na tubig o kaya kumain ng contaminated na pagkain.

Ang diarrhea ay nagdudulot ng matubig na pagtatae, at matinding pagkauhaw. Kung hindi ito maagapan, maari itong humantong sa dehydration at pagkamatay. 

Leptospirosis

Dahil sa pagkakaroon ng mahabang wet season sa Pilipinas, karaniwan nang binabaha ang ilang lugar sa bansa. Ngunit ang pagbabaha na ito ay maaaring maging sanhi ng sakit na leptospirosis

Ang leptospirosis ay nakukuha kapag ang isang tao na may sugat, gasgas, o kahit anong opening sa balat ay nalagyan ng contaminated na tubig, lupa, o kaya mga halaman na naihian ng infected na daga.

Pinaka-at risk dito ang mga bata na may sugat, dahil madali ring mapasok ng impeksyon ang mga ito. Ang karaniwang sintomas ay paninilaw ng balat, pamumula ng mata, lagnat, chills, at pananakit ng binti. 

Bagama’t mapanganib ang leptospirosis, maraming gawin para makaiwas dito, at ito ay nagagamot. Ngunit ang importante ay masimulan kaagad ang gamutan, at magpakonsulta sa doktor kung ano ang pinakamainam na treatment.

Paano Makakaiwas sa Karaniwang Sakit ng Bata?

Mahalaga sa mga magulang ang kalusugan at kaligtasan ng kanilang mga anak. Ngunit paminsan ay mahirap itong gawin, dahil hindi naman puwedeng kasama ng magulang ang kaniyang anak 24 oras araw-araw. Kaya’t mahalagang alamin ng mga magulang kung ano ang maaari nilang gawin para maprotektahan ang kanilang mga anak. 

1. Siguraduhing Kumakain nang Tama ang Iyong Anak

Malaki ang naitutulong ng pagkain, lalo na ng prutas at gulay, sa pagpapatibay ng resistensya ng mga bata.

Ang mga citrus fruits tulad ng orange at kalamansi ay hitik sa vitamin C. Mainam na merienda ang orange, at ang calamansi juice naman ay magandang ipalit sa softdrinks.

2. Umiwas sa Street Food

Tipikal na sa mga Pilipino ang kumain ng street food sa tabi-tabi. Ngunit ang problema rito ay hindi ka makakasigurado kung ligtas ang ganitong mga pagkain. Maaaring magdulot ng diarrhea at iba pang impeksyon ang street food kung hindi ito malinis. Kaya’t dapat alam ng mga bata na hindi sila dapat kumain ng mga ganito.

3. Maghugas ng Kamay

Habang bata pa lamang ay mahalagang matuto na ang mga bata ng tamang hygiene, kabilang na ang palaging paghuhugas ng kamay. Ito ay dahil napakaraming sakit ang maiiwasan basta’t palaging naghuhugas ng kamay ang mga bata.

4. Siguraduhin na Napapanahon ang Kanilang mga Bakuna

Malaki ang naitutulong ng mga bakuna upang makaiwas ang mga bata sa sakit. Kaya dapat siguraduhin ng mga magulang na napapanahon ang bakuna ng kanilang mga anak, at wala silang nami-miss na mga bakuna, lalo na’t ang karamihan sa mga importanteng bakuna ay libre sa mga health center. Sa ganitong paraan, makakasigurado ang mga magulang na protektado ang kanilang mga anak laban sa sakit.

5. Umiwas sa Baha kung Tag-Ulan

Maraming sakit ang maaring makuha ng mga bata kapag lumulusong sila sa baha. Kaya’t hangga’t maaari, hindi dapat hinahayaan na lumusong sa baha. Kung hindi ito maiiwasan, siguraduhin na mayroon silang boots upang hindi mabasa ang kanilang mga paa.

Pagkauwi ay mahalagang maligo agad at magsabon ang mga bata, lalo na kung natalsikan sila ng tubig baha.

Karagdagang Kaalaman

Hindi maikakaila na dapat ay maging maingat ang mga magulang sa kalusugan ng kanilang mga anak. Pagdating dito, malaki ang naitutulong ng pagkakaroon ng kaalaman tungkol sa mga karaniwang sakit ng bata sa Pilipinas. At kung magkasakit ang iyong anak, huwag mag atubiling magpakonsulta agad sa doktor upang makasigurado.

Learn more about Child Health here.

[embed-health-tool-vaccination-tool]

Disclaimer

Hello Health Group does not provide medical advice, diagnosis or treatment.

Pneumonia, https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/pneumonia, Accessed 6 June 2020

Diarrhea, https://www.doh.gov.ph/Health-Advisory/Diarrhea, Accessed 6 June 2020

All About Leptospirosis, https://www.stlukes.com.ph/news-and-events/news-and-press-release/All-About-Leptospirosis, Accessed 6 June 2020

The Fight Against Pneumonia Continues, http://ritm.gov.ph/the-fight-against-pneumonia-continues/, Accessed 6 June 2020

Current Version

06/20/2022

Written by Ruby Anne Hornillos

Medically reviewed by Regina Victoria Boyles, MD

Updated by: Vincent Sales


People Are Also Reading This

Foods and Nutrients Every Growing Child Needs

Childhood Anemia: What Parents Need To Know


Medically reviewed by

Regina Victoria Boyles, MD

Pediatrics


Written by Ruby Anne Hornillos · Updated Jun 20, 2022

ad iconadvertisement

Was this article helpful?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement