home

What are your concerns?

close
Inaccurate
Hard to understand
Other

Share


Or copy link

New

Singaw: Ano ang Dapat Gawin Upang Makaiwas Dito?

Singaw: Ano ang Dapat Gawin Upang Makaiwas Dito?

Ang mga mouth sores, o singaw, ay masasakit na sugat sa bibig. Ngunit maaari rin itong lumabas sa mga labi, dila, loob ng pisngi, gilagid, pati na sa ilalim ng bibig. Heto ang mga dapat mong malaman upang maiwasan ang singaw.

Ano ba ang Singaw?

Ang singaw ay nangyayari sa parte ng bibig kung saan nag-erode o natanggal ang mucuous membrane. Ang mucous membrane ay ang soft tissue na natatagpuan sa loob ng bibig. Posibleng maging iba iba ang hitsura ng mga ito. Kadalasan, mukha silang dilaw o maputla na ulcer na mamula-mula ang gilid.

Bagama’t hindi naman napapansin sa unang tingin ang pagkakaroon ng singaw, masakit ang pagkakaroon nito, lalo na kapag umiinom at kumakain.

Sa kabutihang palad, inaabot lang ng isa o dalawang linggo ang mga singaw. Gayunpaman, mas mainam pa rin na malaman kung paano makaiwas dito.

Ano ang Sanhi ng Singaw?

how to prevent singaw

Bago natin alamin kung paano gamutin at iwasan ang singaw, dapat nating malaman kung bakit ba nagkakaroon nito.

Canker Sores

Ang canker sores ay ang singaw na pangkaraniwan na nating nararanasan; ito ay maliliit at hindi nakakahawa. Ang hitsura nito ay parang mayroong “butas” sa mucuous membrane.

Heto ang maaaring maging sanhi ng mga canker sores:

  • Nakagat na labi, loob ng pisngi, at dila
  • Sugat dahil sa pagsisipilyo
  • Dahil sa pagkiskis ng braces o pustiso
  • Irritation sa toothpaste o iba pang ginagamit sa bibig
  • Reaction sa gamot
  • Sensitivity sa pagkain at inumin
  • Mga paso mula sa mainit na pagkain at inumin
  • Kakulangan sa oral hygiene
  • Kakulangan ng vitamins at minerals, tulad ng zinc, iron, at vitamin B12
  • Stress at sleep deprivation
  • Dulot ng bacteria kabilang ang Helicobacter pylori.

Maaari rin itong maging epekto ng ilang health conditions. Kabilang na rito ang pagkakaroon ng mahinang immune system at Crohn’s disease, na isang inflammatory bowel condition.

Cold Sores

Ang cold sore ay isang uri rin ng singaw. Ang pinagkaiba nito sa canker sore ay nakakahawa ito, at ang sanhi nito ay ang herpes simplex na virus.

Kadalasan, kapag nagkakaroon ng cold sores, nakakaranas ng mainit na pakiramdam sa bibig.

Ang mga sores rin na ito ay nagsisimula bilang mga paltos, at pagtagal ay nagkakaroon ng langib.

Ang mahalagang dapat malaman sa herpes simplex ay maaari itong manatili sa katawan ng ilang taon. Puwedeng bumalik ang mga cold sores kapag na-trigger ng mga ito:

  • Exposure sa araw
  • Stress
  • Pagbabago ng hormone levels
  • Pagkakaroon ng sakit, lalo na kung may kasamang lagnat

Gamot Para sa Singaw

Mahalagang malaman ang gamot sa mga mouth sores o singaw. Heto ang ilang gamot dito:

Para sa Canker Sores

  • Magmumog. Nag-iisip ka ba ng paraan para hindi lumala ang singaw? Subukang magmumog gamit ang maligamgam na tubig na mayroong asin.
  • Mag-ingat sa kinakain. Umiwas sa sobrang init na mga pagkain. Iwasan rin ang mga maalaat o maaanghang na pagkain, pati maasim na inumin.
  • Uminom ng gamot. Maaaring uminom ng over-the-counter na gamot tulad ng paracetamol upang mabawasan ang sakit.
  • Gumamit ng mouthwash. Umiwas sa mouthwash na mayroong alcohol. Sa halip, maghanap ng mouthwash na mayroong chlorhexidine gluconate.
  • Pumili ng tamang toothpaste. Umiwas sa toothpaste na mayroong sodium lauryl sulfate. Ito ay dahil posibleng maging sanhi ito ng irritation.
  • Gumamit ng straw. Kung umiinom ka ng malamig, gumamit ng straw. Ito ay upang hindi malagyan ng inumin ang lugar kung saan ka mayroong singaw.

Para sa Cold Sores

  • Protektahan ang iyong lips sa araw. Maaari kang gumamit ng mga lip balm o kaya cream na mayroong sunblock pati na rin zinc oxide.
  • Gumamit ng cold or warm compress. Nakakatulong ang paglagay ng warm compress para sa sakit, at ang cold compress naman ay nakakatulong sa paggaling ng singaw.
  • Uminom ng gamot. Kung sobrang sakit na ng iyong cold sores, maaaring uminom ng over-the-counter na painkillers para dito.

Paano Maiiwasan ang Singaw – Best Practices

When it comes to how to prevent singaw, here are some of the best preventive measures:

  • Iwasan ang injury sa bibig. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagsipilyo ng dahan dahan, pag-iwas sa masyadong mainit na pagkain, at dahan-dahan na pagnguya.
  • Mag-ingat sa kinakain. Ang pagkakaroon ng balanced diet ay nakakatulong upang makaiwas sa pagkakaroon ng mouth sores.
  • Alamin ang iyong food triggers. Iwasan kumain ng mga pagkain na nagdudulot ng singaw. Ito ang mga pagkain na nagdudulot ng irritation sa iyong bibig.
  • Bawasan ang stress. Dahil ang stress ay isang trigger, siguraduhin na magkaroon ka ng sapat na oras upang magkapagpahinga.
  • Panatilihin ang good oral hygiene. Ang pagsipilyo at paggamit ng dental floss ay nakakatulong upang makaiwas sa mouth sores.

Kailan Magpatingin sa Doktor?

Bagama’t hindi naman madalas kinakailangan magpatingin sa doktor para lang sa singaw, mayroong mga sitwasyon kung saan ito kinakailangan. Heto ang ilan sa mga ito:

  • Sobrang laki o kaya kumakalat ang mga singaw
  • Kapag hindi pa gumagaling ay mayroon ulit mga bagong lumalabas
  • Kung 3 linggo na at hindi pa rin ito gumagaling
  • Kapag lumagpas na ito sa iyong mga labi
  • Sobrang sakit na ang iyong singaw
  • Mayroon ka nang mataas na lagnat at mga rashes
  • Nahihirapan kang uminom, lumunok, at kumain
  • Kung lumabas ang mga ito pagkatapos mo uminom ng bagong gamot
  • Kapag mayroong mga puting patches sa taas ng iyong bibig
  • Kung mayroon kang pre-existing na health condition

Gayunpaman, hindi dapat ipag-alala ang pagkakaroon ng singaw dahil madali naman itong nagagamot. Basta’t siguraduhin na maingat sa iyong mga kinakain, at alagaan ang iyong bibig, makakaiwas sa pagkakaroon ng mga mouth stores.

Learn more about Other Oral Health Issues here.

Hello Health Group does not provide medical advice, diagnosis or treatment.

Picture of the authorbadge
Written by Lorraine Bunag, R.N. Updated 4 weeks ago
Medically reviewed by Grazielle Millo-Paderes, DDM, MSc