backup og meta

Benepisyo Ng Serpentina, Anu-ano Nga Ba? Alamin Dito

Narito ang lahat ng dapat mong malaman sa benepisyo ng serpentina kasama na ang mga epekto nito. Ang Serpentina, Rauwolfia, o Indian snakeroot ay siyentipikong kilala bilang Rauvolfia serpentina, isang uri ng bulaklak na nauugnay sa milkweed. Native sa India ang herb na ito at ang ugat ay ang medikal na mahalagang bahagi, kaya ito ang pangalan nito.

Benepisyo Ng Serpentina, Anu-ano Nga Ba? Alamin Dito

Mga Gamit

Ang isa sa mga aktibong sangkap ng serpentina ay reserpine. Rauwolfia alkaloid ang reserpine na ginagamit sa paggamot ng hypertension, kadalasang kasama ng iba pang mga gamot tulad ng diuretics.

Nire-relax nito ang heart muscles at blood vessels sa pamamagitan ng pagharang sa nerve signals. Ang mga nakakarelaks na blood vessels ay may mas kaunting resistensya, na nagpapababa ng presyon ng dugo. Bilang karagdagan, ang puso ay tumitibok nang mas mabagal, kaya ito ay nakaka recover at nakakapag pump ng dugo nang mahusay.

Ginamit ang serpentina para gamutin ang pagkabalisa, hindi pagkakatulog, at ilang mga sakit sa isip dahil maaari nitong ma-depress ang central nervous system. Nakita na nabawasan ang episodes ng pagkabalisa, excitement,  hallucinations, at withdrawal symptoms.

Ang mga gamit at benepisyo ng serpentina ay higit pa sa pagpapababa ng presyon ng dugo. Karaniwang ginagamit sa parehong Chinese at Ayurvedic na gamot, ito ay ginagamit panggamot sa iba’t ibang uri ng karamdaman.

Tradisyonal na paggamit ng serpentina/Indian snakeroot:

  • Nagpapababa ng presyon ng dugo 
  • Nakakagamot ng schizophrenia, pagkabalisa, at iba pang mga kondisyon sa pag-iisip 
  • Nagpo-promote ng uterine contractions
  • Pinapa ginhawa ang pananakit ng kasukasuan at katawan 
  • Naiiwasan ang mga seizure
  • Bilang isang antivenom o antitoxin para sa kagat ng hayop

Magbasa pa tungkol sa ibang mga halamang gamot na makakatulong sa hypertension:

Mga pag-iingat at babala

Ang mga herbal at food supplement ay karaniwang ligtas na inumin sa katamtamang dami. Gayunpaman, hindi inaprubahan ng FDA ang mga food supplement para gamutin o maiwasan ang mga partikular na sakit. Dahil dito, walang mga inirerekomendang doses.

Sa kabila ng pag-advertise bilang “all-natural,” ang mga suplemento ay dapat ituring bilang conventional medication. Ang ilang mga halamang gamot ay maaaring may interaction sa iba pang mga gamot na iyong iniinom. Bilang resulta, pinapataas nito ang risk ng toxicity.

Para sa mga potensyal na benepisyo ng serpentina, ipaalam sa iyong doktor bago ito gamitin at kung ikaw ay:

  • Nagkaroon na ba ng allergic reaction sa serpentina o mga kaugnay na halamang gamot.
  • May history ng allergy sa ibang gamot, pagkain, o ibang mga sangkap
  • Umiinom ng iba pang mga gamot. 
  • May pinagbabatayan o dati nang mga kondisyong pangkalusugan, tulad ng:
    • Sakit sa puso
    • Mga bato sa apdo
    • Epilepsy o mga seizure
    • Hika 
    • Renal insufficiency o sakit sa bato

Kaligtasan sa panahon ng pagbubuntis at pagpapasuso

Ang Serpentina ay hindi ligtas na inumin habang buntis. Ipinakita ng mga pag-aaral sa hayop na maaari itong tumawid sa inunan at makapinsala sa sanggol. Bilang resulta, huwag inumin ang herb na ito maliban kung inaprubahan ng iyong doktor. 

Huwag magpasuso habang gumagamit ng serpentina. Gumamit lamang ng anumang preparation ng serpentina kung ang mga potensyal na benepisyo ay nagbibigay-katwiran sa mga panganib, gaya ng tinutukoy ng iyong doktor.

Side Effects at Interactions

Bukod sa pag-alam at mga benepisyo ng serpentina, mahalagang tandaan na maaaring mangyari ang mga side effect. Higit sa lahat, ang mga pagbabago sa mood at mental state, kabilang ang sedation, depression, at psychosis. Maaaring kabilang sa iba pang mga side effect ang nasal congestion, pagduduwal, pagsusuka, ubo, bangungot, ulcer sa tiyan, galactorrhea, at sexual dysfunction.

Ang Serpentina ay nagpapakita na nagpapataas ng mga antas ng prolactin. Dahil dito, maaari din nitong bahagyang pataasin ang tyansang magkaroon ng kanser sa suso sa mga kababaihan na sumailalim sa menopause. 

Bilang karagdagan, ipinakita ng mga pag-aaral na ang serpentina ay maaaring makapinsala sa mga bato.

Interactions

Upang matukoy ang mga potensyal na pakikipag-ugnayan sa gamot, dapat magkaroon ka ng isang listahan ng lahat ng mga gamot na iyong ginagamit. Kabilang dito ang mga inireresetang gamot, hindi iniresetang gamot, at mga produktong herbal. Ipaalam sa iyong doktor at parmasyutiko.

Kung nakakaranas ka ng masamang pakikipag-ugnayan, itigil ang pag-inom at ipagpatuloy ang pag-inom ng iba mo pang (mga) gamot. Ipaalam kaagad sa iyong doktor para muling suriin ang iyong plano sa paggamot. Kung kinakailangan, ang iyong dose ay aayusin, papalitan ng ibang gamot, o ititigil.

Drug interactions

Mga gamot at ang kanilang pakikipag-ugnayan sa serpentina:

  • Ang thiazide diuretics at mga antihypertensive na gamot ay maaaring mapahusay ang hypotension.
  • Ang mga monoamine oxidase inhibitors (MAOIs) ay maaaring maging sanhi ng paggulo at pagtaas ng presyon ng dugo.
  • Maaaring magdulot ng cardiac arrhythmias ang digitalis at quinidine.
  • Maaaring magpataas ng mga epekto ng sedation at bradycardia ang mga CNS depressant .
  • Ang ephedrine ay maaaring ma-inactivate ng serpentina.
  • Maaaring mapatagal ng serpentina ang mga epekto ng epinephrine.
  • Maaaring bawasan ng mga tricyclic antidepressant (TCA) ang mga antihypertensive effect ng serpentina.

Interactions sa pagkain at alcohol

Maaaring uminom ng serpentina nang may pagkain o wala. Kung nakakaranas ka ng sira ng tiyan, inumin ang gamot na may pagkain. Ito ay maaaring makaiwas sa discomfort. Mahalagang uminom ng maraming tubig.

Huwag uminom ng serpentina na may alkohol. Ang pagsasama-sama ng mga ito ay maaaring magpapataas ng CNS depression. Ang mga senyales at sintomas ng CNS depression ay kinabibilangan ng pag-aantok, sedation, pagbagal ng tibok ng puso at paghinga, at kawalan ng kakayahang mag desisyon.

Interaction sa sakit

Ang mataas na dose ng serpentina ay maaaring magdulot ng mga sintomas na tulad ng Parkinson at mga seizure. Maaari rin itong makapinsala sa mga bato. Maaari nitong bawasan ang paggana ng bato at ang pag-aalis ng maraming gamot, na nagreresulta sa toxicity. Huwag gumamit ng serpentina kung may alinman sa mga nabanggit na kondisyon.

Dosage

Disclaimer: ang impormasyon dito ay hindi isang kapalit para sa propesyonal na medikal na payo. Samakatuwid,  mahalagang kumunsulta sa iyong doktor o parmasyutiko bago gamitin ang serpentina.

Dosage sa adults 

Dahil ang serpentina ay food supplement na walang aprubadong therapeutic claim ng FDA, walang inirerekomendang dose. Kaya, para sa benepisyo ng serpentina kumunsulta muna sa doktor bago ito gamitin.

Dosage sa mga bata

Walang mga pag-aaral sa mga bata para suportahan ang kaligtasan at benepisyo ng serpentina. Walang inirerekomendang dose para sa mga bata. For safety, huwag bigyan ng serpentina ang iyong anak maliban kung inaprubahan ng isang doktor.

Available preparations

  • Powder
    • Gumawa ng tsaa o decoctions gamit ang powder.
  • Capsules
    • Available bilang 500 mg oral capsules

Sa kaso ng overdose

Panghuli, ang overdose ay bihira ngunit maaaring mangyari. Kung sakaling mangyari ito, makipag-ugnayan sa iyong lokal na mga serbisyong pang-emergency o pumunta sa pinakamalapit na ospital.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Rauwolfia Serpentina. Sweetman, S. C. (2007). Martindale: The complete drug reference. London: Pharmaceutical Press. Accessed October 31, 2020

Reserpine. https://www.mims.com/philippines/drug/info/reserpine. Accessed October 31, 2020

Human kidney proximal tubule cells are vulnerable to the effects of Rauwolfia serpentina. https://www.researchgate.net/publication/292949310_Human_kidney_proximal_tubule_cells_are_vulnerable_to_the_effects_of_Rauwolfia_serpentina. Accessed October 31, 2020

Rauwolfia in the Treatment of Hypertension. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4566472/. Accessed October 28, 2020

Kasalukuyang Version

05/19/2026

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Halamang Gamot Sa Mahina Ang Baga, Anu-Ano Nga Ba?

Halamang Gamot Sa Lagnat: Mayroon Bang Mabisang Herbal Para Dito?


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas