Kagat ng langgam ang isang bagay na nakapanghihina ng loob ng mga taong gustong magpalipas ng oras sa labas. Picnic man o paglalakad sa park, maaari kang makatapak ng pugad ng langgam. Magiging napakasakit na aral ito lalo na kapag ang natapakan mo ay pugad ng fire ants.
Karaniwan na ang kagat ng langgam. Nangyayari ito kung ang isang insekto ay nakakaramdam ng pagbabanta at sinusubukan nitong ipagtanggol ang sarili mula sa isang tao. Ang kagat ng mga langgam ay nag-iiwan ng tila tagihawat sa iyong balat. Ang mga fire ants ay maaaring mag-iwan ng masakit at makati na mga paltos sa iyong balat pagkatapos ng isang kagat. Karaniwang nawawala ang mga kagat pagkatapos ng isang linggo, ngunit posible itong magresulta sa allergic reaction.
Kagat ng langgam: Kilalanin ang fire ants
Ang isang magandang umaga sa ay maaaring maging masakit na karanasan kapag nakagat o natusok ka ng fire ant. Ito ay kadalasang nagdudulot ng agaran at matinding sakit, kasabay na ang pangangati ng balat.
Ang mga maliliit at pulang langgam na ito ay naglalabas ng nakakalason na kamandag na tinatawag na solenopsin. Ito ang sanhi ng umaapoy na pakiramdam at malamang ito ang rason kung bakit tinawag silang fire ants. Habang sakit ang dulot ng kagat nito sa karamihan, may mga taong nakakaranas ng allergic reaction sa lason na ito.
Ang sumusunod ay palatandaan ng allergic reaction sa kagat ng langgam:
- Pamamaga
- Pangangati
- Pamumula
- Kahirapan sa paghinga
- Labis na pagpapawis
Karaniwang nagtatayo ang fire ants ng kanilang pugad sa ilalim ng lupa sa mga punso. Ang mga punso ay matatagpuan sa mga damuhan ngunit di agad ito mapapansin dahil walang halatang butas sa tuktok. Madalas na natutuklasan lamang sila kapag ang isang tao ay hindi sinasadyang tumapak sa isang punso at sila ay naglunsad ng isang pag-atake.
Kagat ng langgam: paano ginagamot?
Mas mabuting iwasan ang mga fire ants bago pa man ito umatake. Ugaliin ang pagsuot ng pamprotektang damit tulad ng mahabang medyas at bota habang nagha-hiking upang maiwasan ang mga kagat.
Matutong kilalanin ang mga pugad nito kapag naglalakad sa mga damuhan. Lumilitaw ang mga ito bilang isang bunton ng dumi, at kadalasang malapit sa mga basang lugar tulad ng mga pampang ng ilog at lawa. Kung nalaman mong nakatuntong ka sa isang pugad ng fire ants, umalis kaagad sa lugar na iyon.
Home remedies sa kagat ng langgam
Karamihan sa mga tao ay hindi nangangailangan ng medikal na paggamot kapag kinagat ng langgam. Kung regular ang paghinga at hindi sigurado ng biktima kung siya ay may malubhang allergy sa lason ng langgam, ang mga sumusunod na remedyo sa bahay ay maaaring maging epektibo:
- Paglalagay ng cold compress upang mabawasan ang pamamaga
- Paggamit ng hydrocortisone cream sa balat upang mapawi ang pangangati
- Pag-inom ng antihistamine upang pamahalaan ang mga minor ay lokal na allergic reactions
- Paglalagay ng triple antibiotic ointment sa nakagat na parte upang makatulong na maiwasan ang impeksyon kapag ito ay kinamot
- Pagligo ng oatmeal para mabawasan ang pangangati
- Mahalagang pigilan ang pagnanasa na kamutin ang mga kagat
Allergic reactions sa mga kagat ng langgam
Ang mga paltos na nabubuo pagkatapos kang makagat ay allergic reactions. Subalit, may ilang mga tao na nagkakaroon ng mas matindi at seryosong reaksyon. Ang mga lugar na nakapaligid kaagad sa kagat ay maaaring mamaga, masunog, o kumati.
Hindi gaanong karaniwan ang anaphylaxis ngunit maaaring maging banta sa buhay. Ang mga taong may malubhang allergy sa kamandag ng langgam ay kadalasang nagkakaroon ng mga sintomas sa loob ng ilang minuto at ito ay isang medical emergency:
- Problema sa paghinga
- Pagkahilo
- Pamamaga ng dila o lalamunan
- Pagkalito
- Pagkawala ng malay
Tanggalin mo ang anumang fire ants sa katawan. Ang isang over the counter antihistamine tulad ng Benadryl ay maaaring makatulong sa pangangati at pagkasunog na ito. Ang mga anti-itch creams tulad ng calamine lotion o hydrocortisone cream ay maaaring makatulong upang mapawi ang makati na balat. Pero ang mas mabuting gawin ay ang pumunta sa doktor.