Alamin: Mga Triggers Ng Anxiety o Pagkabalisa
Sa buong mundo, ang pagkabalisa ay ang pinakakaraniwang suliranin sa usapin ng kalusugang pangkaisipan. Halos 280 milyong nakatatanda ang naiulat na nakararanas ng ilang uri ng pagkabalisa. Maging ang mga eksperto ay hindi 100% tiyak sa mga sanhi ng pagkabalisa. Gayunpaman, naniniwala silang kabilang dito ay ang komplikadong set ng mga salik. Kasama sa mga ito ay ang brain chemistry ng pasyente, genetics, mga pangyayari sa buhay, at personalidad. Kung mayroon mang mabuting bagay sa usaping ito, ang pagkabalisa ay maaaring magamot at maaari mong matutuhan kung paano harapin ang mga sanhi nito.

Ang sanhi ng pagkabalisa ay maaaring iba’t ibang mga bagay. Kung ang isang tao ay nakararanas nito, kadalasan silang nababalisa o nagkakaroon ng panic attacks. Ang mga ito ay maaaring makontrol subalit kadalasan ay hindi madali. Gayunpaman, ang pag-alam sa kung paano harapin ang mga sanhi ng pagkabalisa ay lubhang makatutulong upang masolusyunan ang karamdamang ito.
Ano Ang Pagkabalisa At Kailan Ito Nagiging Problema Sa Kalusugan?
Sa kabuoan, ang pagkabalisa ay isang natural na reaksyon ng tao kung tayo ay nakararamdam ng pangamba o stress. Sinoman ay maaaring makaranas ng pagkabalisa sa mga bagay na nangyayari o maaaring mangyari. Subalit kadalasan itong nawawala kapag hindi na nakararamdam ng pangamba. Ang pagkabalisa ay maaaring maranasan sa pamamagitan ng mga saloobin, damdamin, at/o pisikal na nararamdaman.
Bagama’t sinuman ay maaaring makaranas ng pagkabalisa, ito ay nagiging malaking problema ng milyong mga tao.
Ang pagkabalisa ay nagiging problema sa kalusugang pangkaisipan kung ito ay nakaaapekto sa kakayahan ng isang tao na mabuhay nang normal. Ito ay itinuturing na suliranin kung ito ay:
- Ang pagkaramdam ng pagkabalisa ay lubhang matindi at naranasan sa mahabang panahon.
- Mas malubha ang nararamdamang takot at pagkabahala kaysa sa sitwasyon.
- Regular na nakararanas ng panic attacks at mga sintomas ng pagkabalisa.
- Ang pagkabalisa ay dahilan upang mahirapan sa araw-araw na buhay at sa mga bagay na ikinatutuwang gawin.
- Umiiwas sa anomang bagay na maaaring maging sanhi ng pagkabalisa.
Mga Sintomas Ng Pagkabalisa
Narito ang ilan sa mga karaniwang sintomas ng pagkabalisa:
- Pagkaramdam ng lubhang kaba, pagod, at hindi mapakali
- Pagbilis ng tibok ng puso
- Pagkaramdam ng papalapit na panganib, panic, at/o parusa
- Panginginig
- Problema sa pagtulog
- Hyperventilation o mabilis na paghinga
- Pagpapawis
- Pagkaramdam ng kapaguran at panghihina
- Nahihirapang kontrolin ang pagkabahala
- Nahihirapang makapagpokus
- Problema sa gastrointestinal
Maraming iba’t ibang uri ng pagkabalisa. Kadalasan, ang mga taong na-diagnose ng pagkabalisa ay mayroon ding depresyon o kaya ay kabaliktaran. Ang diagnosis nito ay isinasagawa ng isang espesyalista. Ang pag-alam sa tiyak na uri ng pagkabalisa ay maaaring makatulong upang makontrol at magamot nang mabuti ang iyong karamdaman.
Ano Ang Mga Maaaring Maging Sanhi Ng Pagkabalisa?
Ang pagkabalisa ay maraming sanhi depende sa uri ng nito na na-diagnose sa iyo.
Mga Sitwasyong Panlipunan
Halimbawa, ang sinumang may social anxiety disorder ay kadalasang nakararanas nito sa mga sitwasyong panlipunan, tulad ng pagsasalita sa harap ng maraming tao. Maging ang pakikipagkita sa isang bagong kilalang tao ay maaaring maging sanhi ng pag-atake ng sakit na ito at ng panic attacks.
Agoraphobia
Sa kabilang banda, ang agoraphobia ay kadalasang binibigyang-kahulugan bilang pagkakaroon ng takot sa mga bukas na espasyo. Subalit ayon sa NHS, ang mga taong may pagkabalisa ay takot na malagay sila sa mga sitwasyon kung saan mahirap o imposibleng tumakas kung may tiyak na sitwasyong mangyari. Sinumang may agoraphobia ay maaaring makaranas ng pagkabalisa sa pamamagitan ng pag-alis sa bahay o paglalakbay nang mag-isa.
Trauma
Ang mga taong may PTSD ay kadalasang naaapektuhan ng ilang mga bagay na nakapagpapaalala sa kanila ng kanilang trauma. Halimbawa, ang mga sundalong sumabak sa giyera at umuwi sa kanilang mga tahanan ay kadalasang nada-diagnose ng PTSD. Anumang malakas na kalabog ay maaaring makaapekto sa kanila sa pamamagitan ng pag-alala sa mga panahong sila ay nasa giyera.
Gayundin ang nararanasan ng mga taong may PSTD na biktima ng pang-aabuso. Sa tuwing nakakikita sila sa mga pelikula at palabas ng mga tagpo ng pang-aabuso at pag-atake, naaalala nila ang kanilang trauma.

Paano Magagamot Ang Pagkabalisa?
Ang unang hakbang upang magamot ang pagkabalisa ay ang pagtanggap na kailangan mo ng tulong. Dahil sa mga negatibong kaisipang nakapalibot sa mga problema sa kalusugang pangkaisipan, maraming mga taong may pagkabalisa ang binabalewala ang kanilang karamdaman at patuloy na nagdurusa sa kanilang mga takot at alalahanin. Maaaring lumubha ang sitwasyon kung hindi ito pagtutuonan ng pansin.
Kapag na-diagnose ang sakit na ito, ang therapist ay magbibigay ng gamutan para sa pasyente.
Kadalasang kabilang sa mga gamutan ay ang regular na therapy kung saan ang pasyente ay makikipag-usap sa therapist tungkol sa kanyang mga nararamdaman. Sa pamamagitan din nito ay malalaman ng therapist kung babaguhin ang gamutan.
Dagdag pa sa therapies, ang mga pasyenteng may malubhang pagkabalisa ay maaaring kailanganing bigyan ng mga gamot na antidepressants o anti-anxiety. Sa ganitong paraan ay matutulungan silang mabawasan ang nararanasang mga sintomas ng pagkabahala at depresyon. Sa ilang mga kaso, binibigyan din ang pasyente ng sedatives o beta-blockers.
Bibigyan din sila ng mga payo upang makontrol ang kanilang pagkabalisa.
Paano Harapin Ang Mga Sanhi Ng Pagkabalisa?
May mga iba’t ibang paraan upang makontrol ang pagkabalisa at upang harapin ang mga sanhi nito. Narito ang mga pinakakaraniwang payo na itinuturo ng therapists sa kanilang mga pasyente kung maranasan nila ang pag-atake ng pagkabalisa o panic attacks.
Pagiging Malay
Ang pagiging malay ay nagiging sikat na paraan upang makontrol ang stress at pagkabalisa. Epektibo ito sa pamamagitan ng paglalagay ng ating mga sarili sa kasalukuyan, at paglimot sa mga bagay na nagiging sanhi ng malubhang takot at pag-aalala. Maaari itong matamo sa tulong meditasyon at yoga.
Pagsusulat Ng Journal
Minsan kung ang isang bagay ay nagbibigay sa iyo ng sakit, sa halip na iwasan ito, ang pinakamainam na gawin upang “malunasan” ito ay ang pagbibigay-solusyon. Ang mainam na reaksyon sa pagkabalisa ay ang pagtanggap at pag-unawa rito. Habang ang therapist ay maaaring makapagbigay sa iyo ng mga propesyonal na payo, maaari mong tulungan ang iyong sarili sa pamamagitan ng pagsusulat ng iyong mga saloobin at tingnan kung ano ang sanhi ng mga ito. Maaari ding gamitin ng therapist ang iyong dyornal upang makatulong sa iyong diagnosis at gamutan.
Unawain Ang Iyong Saloobin
Madaling tayong mabitag sa ating mga negatibong saloobin. Sa tuwing nakaiisip ka ng negatibong bagay, subukan mong magkaroon ng bukas na isipan tungkol dito at tanungin ang iyong sarili, “Ang takot bang ito ay totoo? Angkop ba ang aking reaksyon sa sitwasyon? Mayroon ba akong magagawa upang mapabuti ito?” Sa pamamagitan ng paghamon sa mga saloobin at takot na ito, mas nakokontrol mo ang sitwasyon.
Pagkakaroon Ng Breathing Exercises
Ang ehersisyo sa paghinga ay nakatutulong upang matamo ang pagkakaroon ng kamalayan. Ito ay dahil nakatuon ang iyong isipan sa iyong paghinga. Ang ganitong mga ehersisyo ay kadalasang simple at maaaring gawin nang mag-isa.
Pag-Eehersisyo
Ang pag-eehersisyo ay maaaring makatulong upang mawala ang mga kemikal na lumalabas sa tuwing nahaharap ang katawan sa mahihirap na sitwasyon. Maging ang mga simpleng pisikal na gawain sa buong araw ay makatutulong upang mapakalma ang isipan.
Key Takeaways
Matuto pa tungkol sa Anxiety Disorder dito.