Bakit mahalaga ang tamang pag-upo? Heto ang dapat mong malaman
Tamang pag-upo ang isa sa mga paraan upang magkaroon ka ng magandang postura at mabuting kalusugan. Tumutukoy ang postura sa kung paano mo iposisyon ang iyong katawan kapag ikaw ay nakaupo, nakatayo, o nakahiga. Ang iyong postura ay resulta ng mga gawi na nabuo sa paglipas ng mga taon.

Madaling mapansin ng maraming tao ang hindi magandang postura ng iba. Subalit, hindi nila napagtatanto na maaaring hindi rin maganda ang kanila postura. Karamihan sa mga nagtatrabaho sa mga opisina ay nakayuko sa kanilang mga mesa. Ngunit bakit nga ba mahalaga ang magandang postura? Ano kaya ang maaari mong gawin upang mapabuti ang iyong postura?
Ano ang ibig sabihin ng tamang pag-upo
Ang magandang postura ng katawan kahit ikaw ay nakaupo ay nagpapahiwatig na ikaw ay may tiwala at may respeto sa sarili. Ipinapahiwatig din nito na interesado ka sa sinasabi ng kausap mo, at pinahahalagahan mo ang pag-uusap na iyon.
Mahalaga ang iyong “body language” o ang paraan kung paano mo dalhin ang iyong katawan. Ito ay maaaring magsabi ng higit pa tungkol sa iyo kaysa sa iyong mga salita. Ang tamang pag-upo o pagtayo ng tuwid kapag nagsasalita ay mas makapangyarihang mga posisyon kaysa sa isang nakayukong postura. Ang pagyuko ay nagpapahiwatig ng kawalan ng interes sa ibang tao at sa kanilang mga salita.
Benepisyo ng tamang pag-upo
1. Nakakabawas sa pananakit ng likod at leeg
Ang tamang pagkakahanay ng iyong gulugod ay nagbibigay-daan sa madaling paggalaw. Ang hindi magandang postura ay maaaring maglagay ng stress sa iyong mga tendon, kalamnan, at ligaments, na humahantong sa pananakit ng leeg at likod. Kung dumaranas ka ng pananakit ng leeg at likod, obserbahan mo ang iyong postura. Maaaring magulat ka pag nalaman mo na ang pagpapabuti ng iyong pustura ay maaaring makatulong sa pagpapagaan ng iyong mga sintomas.
2. Nababawasan ang stress sa musculoskeletal system
Ang tamang pag-upo at pagtayo ay naglalagay ng mas kaunting stress sa iyong musculoskeletal system. Kapag tama ang iyong postura at hindi ka nakayuko, hindi mo pipilitin ang iyong mga balakang, balikat, leeg, likod o katawan. Bilang resulta, mas mababa ang presyon mo sa iyong mga buto, kasukasuan at ligaments. Binabawasan mo rin ang pagkakataong magkaroon ng tension headaches. Ang pagkakaroon ng magandang postura ay nagpapadali din sa paghinga. Kung kaya mas mahusay na magagamit ang oxygen na tumutulong sa iyong tumutok at manatiling masigla.
3. Tamang pag-upo nagpapabuti sa pakiramdam
Malamang hindi ang postura ang una mong maiisip kung naghahanap ka ng paraan upang mapabuti ang iyong pakiramdam. Ang iyong mood o pakiramdam ay maaaring makaapekto sa iyong postura. At ang iyong postura ay maaaring makaapekto sa iyong mood. Kapag masaya ka, maaari mong mapansin na nakaupo ka nang tuwid. At kapag nalulungkot ka, mas malamang na yumuko ka o umuupo sa isang nakadapa na posisyon. Sa susunod na mapansin mong hindi nagiging maganda ang iyong mood, subukang baguhin ang iyong postura. Mapapansin mo ang banayad na pagbuti ng iyong mood pagkatapos gawin ito.
4. Higit pang Enerhiya
Maaaring may negatibong epekto sa antas ng iyong enerhiya ang hindi maayos na postura. Kung palagi kang pagod kahit nakaupo ka lamang ng matagal na panahon, bakit hindi mo subukan ang tamang pag-upo. Maaaring makatulong sa iyong manatiling nakatutok at masigla sa trabaho ang mahusay na pagkakahanay ng katawan.
Ang pag-upo at pagtayo ng may wastong pagkakahanay ay:
- Nagpapabuti sa daloy ng dugo
- Nakakatulong na panatilihing malusog ang iyong mga ugat
- Sinusuportahan ang iyong mga kalamnan, ligament, at tendon
Ang hindi maayos na pag-upo ay nagdudulot ng pagkapagod dahil sa hindi mahusay na paggamit ng istraktura ng katawan. Nagdadagdag din ito ng mga karagdagang pagsisikap sa katawan. Mas mabilis mapagod ang mga kalamnan dahil kailangan nilang magtrabaho ng doble. Ito ay nagreresulta sa mas malaking pagkonsumo ng enerhiya.
5. Tamang pag-upo nagpapabuti sa kalusugan ng gulugod
Ang pag-upo ay nagreresulta din sa paninikip sa iyong mga hip flexors at pagtaas ng presyon sa iyong mga vertebral disc. Ang manatiling nakaupo sa matagal ng panahon ay hindi lamang nagpapataas ng stress sa iyong lumbar spine. Nagpapahina din ito ng pagsuporta sa musculature kung kaya mas madaling kapitan ng pinsala ang gulugod. Ang magandang postura kahit nakaupo ay isa sa pinaka simple at pinakamadaling paraan upang mapanatiling malusog ang iyong gulugod. Ito ay lalong mahalaga kung gumugugol ka ilang oras sa pagkakaupo sa opisina o sa bahay man.
Hindi man matugunan ng tamang pag-upo ang ugat na sanhi ng pananakit ng iyong likod, maaari naman itong makatulong na mapawi ang pag-igting ng kalamnan. Maaaring mahirap ito sa simula dahil ang iyong katawan ay nasanay na sa pag-upo sa isang partikular na paraan. Ngunit kapag nakita mo ang epekto nito sa iyong katawan at pagiging produktibo, mas mae-enganyo kang pagtuunan ng pansin ang tamang postura sa pag-upo.