backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

Ano Ang Sex Addiction? At Ano Ang Magagawa Tungkol Dito?

Narebyu ng Eksperto Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy · Psychology · In Touch Community Services


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    Ano Ang Sex Addiction? At Ano Ang Magagawa Tungkol Dito?

    Noon, ang termninong sexual addiction ay hindi ginagamit bilang isang pormal na diagnosis. Subalit taong 2019, nagsagawa ng update ng World Health Organization sa International Classification of Disease (11th edition), ang pandaigdigang pamantayan para sa pag-uuri at pagkontrol ng mga sakit. Sa kamakailang update sa ICD-11, ang Compulsive Sexual Behavior Disorder o CSBD ay binigyang-kahulugan at ngayo’y kabilang sa impulse disorders. Hanggang sa kasalukuyan, may matindi pa ring debate ang pumapalibot sa diagnosis ng CSBD. Kailangan pang magsagawa ng mga karagdagang pag-aaral kung ano ang sex addiction at ang mga salik na dapat isaalang-alang sa pag-diagnose ng disorder na ito. Ngunit ano ang magagawa tungkol sa sex addiction? Alamin sa artikulong ito.

    Ano Ang Sex Addiction?

    Ang Compulsive Sexual Behavior Disorder o sex addiction ay maaaring ilarawan bilang hindi matagumpay na pagkontrol sa sarili mula sa mga sekswal na pagnanasa at pag-iisip na nagreresulta sa paulit-ulit na sexual behavior Kasama sa sexual behavior ang masturbating, panonood ng porn, at sexting. Sa paglipas ng mga taon, ang disorder na ito ay kilala sa iba’t ibang mga pangalan tulad ng hypersexuality at porn addiction. Alamin kung ano ang magagawa tungkol sa sex addiction.

    Mga Senyales At Sintomas Ng Sex Addiction

    Maraming pananaliksik ang kailangan pang isagawa ng mga propesyonal sa kalusugan upang magkaroon ng isang tiyak na kasunduan sa kung ano ang sex addiction at kung paano ito makikita sa mga indibidwal.

    Gayunpaman, narito ang ilang mga senyales at sintomas na maaaring magpahiwatig na ang isang tao ay may sex addiction:

    • Madalas na pagsasagawa ng mga sekswal na gawain. Ginagawa ang mga gawaing ito hanggang sa puntong nakasasagabal na ito sa trabaho at personal na relasyon.
    • Ang paulit-ulit na mga sekswal pantasya at ang kawalan ng kakayahang kontrolin ang sarili mula sa paggawa ng mga ito.
    • Ang paggugol ng maraming oras sa mga sekswal na gawain at pantasya hanggang sa puntong naisasantabi na ang iba pang aspeto ng buhay tulad ng trabaho, libangan, at pakikipag-ugnayan sa iba.
    • Pagsasagawa ng sexual behavior sa kabila ng tyansang magkaroon ng problema sa trabaho, makipaghiwalay sa karelasyon, mga legal na problema at pagkakaroon ng mga nakahahawang sakit.
    • Problema sa pagbuo ng desisyon.
    • Pakikipagtalik bilang isang paraan upang takasan ang mga damdamin ng kalungkutan, pagkabalisa at stress.
    • Pagsubok nang maraming beses na kontrolin ang pagnanasa na magsagawa ng sexual behavior subalit nabigo.
    • Pagiging guilty matapos magsagawa ng isang sekswal na gawain.
    • Pagsasagawa ng sexual behavior kahit na may kaunti o walang kasiyahang nakukuha mula rito.

    Ano ang magagawa tungkol sa sex addiction? Ang tanging paraan upang malaman kung ang isang tao ay may sex addiction ay ang pagsailalim sa angkop na pagsusuri ng isang propesyonal sa kalusugan pangkaisipan.

    Mga Epekto Ng CSBD

    Ang mga taong may CSBD ay maaaring makaranas ang mga matitinding problemang sosyal, pisikal, at emosyonal. Kung hindi ma-diagnose o magamot sa lalong madaling panahon, maaari itong magresulta sa mga bagay na maaaring makaapekto sa buhay.

    Mga Pisikal Na Epekto

    Mga Epektong Sosyal

    • Mga problemang pampinansyal dahil sa paggugol ng masyadong maraming oras at pera sa mga sekswal na gawain at kaisipan
    • Pagkasira ng relasyon sa kasintahan, kaibigan, at pamilya dahil sa mga sekswal na gawain at kaisipan
    • Pagkasangkot sa mga krimen para lamang gumawa ng mga sekswal na gawain
    • Self-isolation

    Mga Epektong Emosyonal

    • Pakiramdam na nag-iisa
    • Pagkagalit  lalo na kung hindi nakagagawa ng sekswal na gawain
    • Pagiging mainipin o iritable kung hindi nakagagawa ng sekswal na gawain
    • Pagkabalisa

    Mga Risk Factors Ng Sexual Addiction

    Sinoman ay maaaring magkaroon ng sexual addiction ngunit ito ay mas madalas sa mga kalalakihan kaysa sa mga kababaihan. Ang mga mapapanganib na salik na maaaring maging sanhi ng sexual addiction ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

    • History ng anumang uri ng pang-aabuso
    • Mga sakit na nagdudulot ng hormonal imbalance
    • Substance abuse
    • Iba pang mga kondisyong pangkaisipan tulad ng depresyon at pagkabalisa

    Diagnosis

    Ano ang magagawa tungkol sa sex addiction? Upang ma-diagnose ang sexual addiction, aalamin ng isang propesyonal sa kalusugang pangkaisipan ang history ng pamilya ng indibidwal, mga naging karanasan, maging ang mga kasalukuyang sitwasyon na maaaring magdulot ng adiksyon. Ang psychologist ay maaaring magtanong ng mga katanungan tulad nito:

    • Nakokontrol mo ba ang iyong impulse na isipin o gawin ang pakikipagtalik?
    • Nahihiya ka ba pagkatapos gumawa ng mga sekswal na gawain?
    • Inililihim mo ba ang iyong mga sekswal na gawain, saloobin, at pag-uugali sa mga taong malapit sa iyo?
    • Nakakasagabal ba ang iyong mga sekswal na gawain sa mga pang-araw-araw mong gawain?
    • Nakaaapekto ba ang iyong sexual behavior sa relasyon mo sa mga tao sa iyong paligid?

    Ang layunin ng diagnosis ay malaman kung ang sexual behavior ay nakahahadlang sa isang tao na magkaroon ng normal na buhay. Ang sexual addiction ay maaaring mahirap ma-diagnose dahil sa mga aspetong sosyal at kultural na nakapaligid dito. Bilang karagdagan, ang sexual addiction ay hindi kasama bilang isang disorder sa DSM-5.

    Mahalaga ring tandaan na ang pagsasagawa ng labis na sekswal na gawain, kasama man ang ibang tao o sa pamamagitan ng masturbation, ay hindi nangangahulugang ang isang tao ay may sexual addiction.

    Key Takeaways

    Ang sexual addiction ay ang kawalan ng kakayahang kontrolin ang mga pagnanasa sa pakikipagtalik na nagreresulta sa labis o paulit-ulit na sekswal na gawain. Ang pakikipagtalik ay maaaring maituring na isang adiksyon kung ang sexual behavior ay negatibong nakaaapekto sa buhay ng isang tao. Kung ang mga sekswal na gawain at pag-iisip ay nagiging sanhi ng mga problema sa trabaho, paaralan o tahanan at nakahahadlang sa isang tao na gawin ang kanyang pang-araw-araw na gawain at responsibilidad, maaaring siya ay may sex addiction.

    Matuto pa tungkol sa Adiksyon dito.

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyu ng Eksperto

    Jessica Espanto, LPT, MA, RPsy

    Psychology · In Touch Community Services


    Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement