backup og meta

Ano ang Lupus, at Paano Ito Ginagamot?

Ano ang Lupus, at Paano Ito Ginagamot?

Ano ang lupus? Ang Systemic Lupus Erythematous (SLE), o karaniwang kilala sa lupus, ay isang chronic autoimmune disease na nangyayari kapag inatake ng immune system ang sarili nitong malulusog at normal na tissue at organ. Maaari din itong magdulot ng pamamaga at pagsakit na nakaaapekto sa magkakaibang bahagi ng katawan. Kabilang dito ang balat, bato, kasukasuan, baga, utak, selula ng dugo, at puso.

Hindi direktang naaapektuhan ng pamamaga ang puso, ngunit napabibilis nito ang pamumuo ng blood clots. Sa mga pasyenteng nagkaroon ng lupus nang higit 5 taon, ang pangunahing dahilan ng pagkamatay ay sakit sa puso.

Ano ang Lupus: Mga Sanhi

Karamihan sa mga kaso, hindi malinaw ang sanhi ng sakit na ito, ngunit naniniwala ang ibang mga doktor na ang kombinasyon ng genetics at environment ay maaaring magdulot ng lupus.

Maaaring mag-trigger ng lupus ang ilang kondisyong pangkapaligiran para sa mga taong (genetically) mayroon nang lupus. Kabilang sa mga kondisyong ito ang:

  • Sinag ng araw. Ang mga taong madaling kapitan ng sakit ay maaaring magkaroon ng skin lesions o iba pang internal responses kapag madalas silang nabibilad sa araw.
  • Impeksyon. Maaaring mag-trigger ng flare-ups o maging sanhi ng muling pagkakaroon nito.
  • Gamutan. May mga pagkakataong ang paglitaw ng sakit na ito ay dulot ng ilang uri ng gamutan para sa blood pressure, mga anti-seizure na gamot at antibiotics. Bumubuti ang kalagayan ng pasyente kapag itinigil nito ang paggamit ng gamot.

Ano ang Lupus: Mga Senyales at Sintomas

Maaaring makaranas ng iba’t ibang sintomas ang mga pasyente. Maaaring mabilis o dahan-dahan ang paglitaw ng mga sintomas. Puwede ring mild o malala. Puwede ring permanente na ang mga sintomas o pansamantala lang. May mga pasyenteng nakararanas ng mga sintomas ng lupus na malala, at nawawala rin pagkaraan ng ilang oras.

Ang mga sintomas ay depende sa apektadong bahagi o body system. Ang mga karaniwang senyales at sintomas nito ay:

  • Lagnat
  • Pagkapagod
  • Pamamaga, pagsakit ng kasukasuan, at paninigas
  • Mga kondisyon sa balat dulot ng pagkakababad sa sinag ng araw
  • Kinakapos ng hininga
  • Pagsakit ng ulo at pagkawala ng alaala
  • Pagkatuyo ng mga mata at pananakit ng dibdib
  • Pagputi ng kulay ng mga daliri sa kamay at paa kapag nalalamigan o kapag stress
  • Mga rashes na hugis paruparo na bumabalot sa linya ng ilong at pisngi

Mahirap matukoy ang lupus dahil sa mga sintomas nitong maaaring kapareho ng iba pang sakit. Pinakamainam na kumonsulta sa doktor kung makaranas ka ng hindi maipaliwanag na pamamantal, lagnat, pagkapagod, at pananakit ng katawan.

Ano ang Lupus: Mga Panganib at Komplikasyon

Maaari kang magkaroon ng Lupus dahil sa mga sumusunod na panganib:

  • Kasarian. Mas karaniwan ito sa mga babae
  • Edad. Kadalasang nada-diagnose ang ganitong kondisyon sa pagitan ng edad 15 at 45, ngunit maaari pa ring makaapekto sa anumang edad ng tao.
  • Lahi. Mas madalas na magkaroon nito ang mga African American, Asian American, at Hispanic people.

Maaaring magdulot ng mga komplikasyon ang lupus na nakaaapekto sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan. Kabilang na ang:

  • Dugo at blood vessels o daaanan ng dugo. Maaaring magdulot ng pamamaga ng blood vessel ang lupus. Puwede itong mauwi sa mga problema tulad ng anemia, blood clotting, o pagdurugo.
  • Puso. Pinatataas ng lupus ang panganib ng atake sa puso, at sakit sa puso. Maaari din itong magdulot ng pamamaga ng mga artery at mga parte ng puso.
  • Baga. Ang pamamaga sa chest cavity ay nagpapataas ng tsansang magkaroon ng pulmonya.
  • Bato. Puwedeng makasira ng bato o kidney ang lupus, na minsa’y nauuwi sa kidney failure na pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga pasyenteng may lupus.
  • Utak at central nervous system. Ang pagsakit ng ulo, pagkalito, pagkawala ng alaala, problema sa paningin, o stroke ay maaaring maranasan kapag naapektuhan ng lupus ang utak.

Puwede ring mapataas ang panganib ng:

  • Impeksyon. Ang gamutan para sa lupus ay nakapagpapahina ng immune system, kaya’t mas kinakapitan sila ng mga impeksyon.
  • Komplikasyon sa pagbubuntis. Mas mataas ang panganib ng miscarriage sa mga buntis na may lupus. Inirerekomendang huwag munang magbuntis hanggang sa makontrol at magamot na ang sakit.
  • Cancer. Tumataas ang panganib ng pagkakaroon ng cancer.
  • Pagkamatay ng bone tissue. Ang pagkawala ng buto ay nagreresulta sa mas mahina, at mas madaling masirang mga buto kaya’t mas madali rin itong mabali at magkaroon ng osteoporosis. Mas madalas ito sa mga babae, lalo na pagkatapos ng menopause.

Ano ang Lupus: Diagnosis at Treatment

Malaki ang pagkakapareho ng mga sintomas nito sa sintomas ng iba pang karamdaman. Kaya’t mahirap masuri at matukoy. Maaaring ma-diagnose ang lupus gamit ang iba’t ibang test at physical examination. Kabilang dito ang:

Mga Laboratory Test

Serye ng laboratory examination ang ginagawa upang ma-diagnose ang lupus. 

  • Complete blood count
  • Erythrocyte sedimentation rate (test para sa blood cells sedimentation)
  • Kidney at liver assessment
  • Urinalysis
  • Anti-nuclear antibody or ANA test (sinusuri dito ang antibodies na ginagawa ng immune system.

Mga Imaging Test

Kung may posibilidad ng pinsala sa baga at puso, ipapayo ng iyong doktor ang mga sumusunod na test:

  • Chest x-ray
  • Echocardiogram

Biopsy

Sa ilang mga kaso, may maliit na sample ng tissue mula sa bato o kidney ang kinukuha upang matulungang matukoy ang pinakaakmang gamutan para sa lupus na nakaaapekto sa bato. Maaari ding gawin ang skin biopsy upang makumpirma kung naaapektuhan ng lupus ang balat.

Treatment

May iba’t ibang pamamaraan ng gamutan ang lupus, depende ito sa mga senyales at sintomas nito. Ang paglitaw ng lupus at mga sintomas nito ay maaaring biglaan at matindi at biglang huhupa habang naggagamot ka. Dapat na alam ng iyong doktor ang mga pagbabagong ito at kailangang mag-adjust ng gamot at dosage.

Ang mga karaniwang gamot na ginagamit upang makontrol ang lupus ay:

  • Antimalarial drugs. Kadalasang nakatutulong ang mga gamot sa malaria upang mabawasan ang paglitaw ng lupus. Ilan sa mga side effect nito ang masamang tiyan o sa bibihirang kaso, pinsala sa retina ng mata.
  • Nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs). Maaari itong panggamot sa pamamaga, pagsakit, at lagnat na dulot ng lupus.
  • Immunosuppressants. Sa malalang kaso, ang gamot na nagsu-suppress sa immune system ay ipinapayo. Kabilang sa mga side effect ang pagbaba ng fertility, impeksyon, pagkasira ng atay, at pagtaas ng panganib ng cancer.
  • Biologics. Nakatutulong ito upang mabawasan ang mga sintomas. Kabilang sa mga side effect ang pagtatae, impeksyon, at pagduduwal. Maaari ding magkaroon ng paglala ng depression.
  • Corticosteroids. Nakatutulong ang gamutang ito upang kontrahin ang pamamaga ng lupus.

Kung malaman na may lupus ka, mahalagang magdoble ingat upang maiwasan ang lupus flares at umiwas sa mga bagay na magti-trigger ng mga sintomas. Dapat kang:

  • Regular na magpatingin sa doktor
  • Iwasang maarawan
  • Mag-ehersisyo araw-araw
  • Huwag manigarilyo
  • Sundin ang mga pag-iingat sa mga kinakain at kumain ng masusustansya
  • Uminom ng mga bitamina, supplement, at kung ano ang inireseta ng doktor

Key Takeaways

Ang lupus ay isang chronic autoimmune disease kung saan inaatake ng sariling immune system ang malusog at normal na mga tissue. Isa itong sakit na nauuwi sa maraming komplikasyon. Hindi lamang nito naaapektuhan ang katawan, kundi maging ang iyong mental at emotional health.

Ang pag-aaral at kabatiran tungkol sa iyong kondisyon ay makatutulong upang lubos na maunawaan at malampasan ang sakit na ito. Kapag sa tingin mo ay pasok ka sa criteria ng pagkakaroon ng lupus, dapat ay kumunsulta sa doktor. Kung ikaw ay diagnosed na ng sakit na ito, maaari kang makipag-ugnayan sa ibang tao na may lupus para sa support group o online message boards.

Matuto pa tungkol sa kaalaman sa pangkalahatang kalusugan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Lupus facts and statistics | Lupus Foundation of America, https://www.lupus.org/resources/lupus-facts-and-statistics

Accessed April 20, 2021

Lupus, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/lupus/diagnosis-treatment/drc-20365790

Accessed April 21, 2021

Diagnosing and Treating Lupus | CDC, https://www.cdc.gov/lupus/basics/diagnosing.htm

Accessed April 21, 2021

Lupus (SLE) | Causes, symptoms, treatment | Versus Arthritis, https://www.versusarthritis.org/about-arthritis/conditions/lupus-sle/

Accessed April 21, 2021

What is a lupus flare?, https://www.lupus.org/resources/what-is-a-flare

Accessed May 7, 2021

 

Kasalukuyang Version

10/23/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

4 Na Pwedeng Mangyari Sa’yo Kapag Tinamaan Ka Ng Kidlat

Pahinga: Bakit ito Mahalaga Para sa Iyong Kalusugan?


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement