Kadalasang alalahanin ng mga bagong magulang ay kung ano ang mabisang pampalambot ng dumi ng baby. Karaniwan sa mga bagong silang ang pagdudumi ng madalas. Ito ay nagsisimula bilang maitim na dumi na tinatawag na meconium at nagiging mas dilaw sa mga susunod na araw. Maaaring maalarma ka kapag nakita mong nahihirapang dumumi si baby. Ngunit paano mo nga ba malalaman kung may constipation ang iyong anak?
Sintomas Ng Constipation Sa Mga Sanggol
Ang paninigas ng dumi ay hindi lamang tungkol sa kung gaano kadalas tumae si baby. Ito rin ay tungkol sa kung gaano kahirap para sa kanya na gawin ito. Makipag-usap sa iyong doktor kung napapansin mong:
- Nahihirapan o hindi komportable si baby habang dumudumi
- Naglalabas ng matigas na dumi
- May dumi na duguan o itim
- Hindi nagdudumi kahit isang beses bawat 5 hanggang 10 araw
- Hindi kumakain ng normal
- May pamamaga na tiyan
Mabisang Pampalambot Ng Dumi Ni Baby
Ang mga sumusunod ay napatunayang mabisa para sa constipation ni baby:
Apple Juice
Ang Apple juice ay may napaka banayad na laxative effect. Madalas itong inirerekomenda para sa mga bata na may constipation dahil mayroon itong medyo mataas na ratio ng fructose sa glucose at sorbitol content. Subalit, ang mataas na dosage nito ay maaaring magdulot ng intestinal discomfort.
Ayon sa American Academy of Pediatrics (AAP), mas makakatulong kung bibigyan ng juice ang mga batang hindi bababa sa isang taong gulang. Maliban na lang kung inirekomenda ito ng doktor ng mas maaga para sa constipation.
Mabisang Pampalambot Ng Dumi Ng Baby Nga Ba Ang Mansanas?
Ang mansanas ay nagtataglay ng fiber na mahalaga para sa digestive health ni baby. Tumutulong ito sa:
- Pag kontrol ng paggamit ng glucose ng katawan
- Pamamahala ng mga antas ng blood glucose
- Pagpapababa ng LDL o bad cholesterol
Bagama’t mas mataas ang fiber content ng ibang prutas kumpara sa mansanas, mayroon pa rin itong sapat na halaga ng fiber na epektibo lalo na kapag kinain kasama ang pulp. Ang 100 grams ng hilaw na mansanas ay naglalaman ng 2.4 grams ng fiber. Ang isang 100-gram serving ng apple juice ay naglalaman lamang ng 0.2 grams ng fiber. Pero kung hindi pa kaya ni baby ang solids, mabisang pampalambot ng dumi ng baby pa rin ang apple juice.
Ang apple juice ay may sorbitol, isang uri ng carbohydrate na tinatawag na sugar alcohol. Ito ay kadalasang ginagamit bilang kapalit ng asukal sa iba’t ibang pagkain. Ginagamit din ito upang mapawi ang paminsan-minsang paninigas ng dumi. Ito ay gumagana sa pamamagitan ng pag-attract ng tubig sa bituka, na kailangan sa pagbuo ng malambot na dumi.
Pear Juice
Isa pang mabisang pampalambot ng dumi ni baby ang pear juice na mas maraming sorbitol kumpara sa apple juice. Ang juice na ito ay madalas ding inirerekomenda para sa mga bata na may constipation. Hindi man ito kasing-yaman sa bitamina gaya ng prune juice, mas gusto naman ng maraming bata ang lasa nito
Ang pear juice ay may natural na fruit sugars na sorbitol at fructose. Ito ay mga asukal na may osmotic effect at nagdadala ng tubig sa bituka. Kung kaya ang katas nito ay pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang paninigas ng dumi. Ang pear juice ay mayaman sa fiber na nagtataguyod ng panunaw at mas mabilis na pagdumi.
Prune Juice
Matagal nang ginagamit ang prune juice para maibsan ang constipation dahil sa kakayahan nitong pasiglahin ang digestive tract. Ang prune juice ay hindi gagana para sa bawat bata, at mahalagang kilalanin na ito ay may mga limitasyon bilang mabisang pampalambot ng dumi ng baby.
Ito ay galing sa mga pinatuyong plum na may mataas na nilalaman ng sorbitol. May laxative at diuretic na katangian ang mga sangkap na ito. Ang mga phenolic compound sa mga pinatuyong plum at prune juice ay mabisa ring laxatives. Kung ang iyong anak ay higit sa isang taong gulang, karaniwang ligtas na bigyan sila ng konting prune juice upang maibsan ang constipation.
Matuto pa tungkol sa Constipation dito.