Sa pandemya ng COVID-19, ang pulmonya ay karaniwang binabanggit na isa sa mga komplikasyon ng coronavirus. Dahil dito, maraming taong nagtatanong ng tanong na “Ano ang pulmonya?”
Bago pa magsimula ang pandemya ng COVID-19, kadalasan nang naririnig ng mga tao ito ngunit wala talagang ideya kung ano ang pulmonya.
Magbasa pa upang malaman kung ano ang pulmonya, mga sanhi nito, paano ginagamot, at paano maiiwasan.
Ano ang Pulmonya?
Nangyayari ang pulmonya kapag ang baga ng tao ay nahawaan ng kahit alinman sa sumusunod, virus, bakterya, o fungi. Nangangahulugan ito na ang pulmonya ay maaaring sanhi ng anumang sakit. Ang pinakakaraniwang sanhi ay maaaring dahil sa isang viral o bakteryal na impeksyon.
Nag-iiba-iba ang epekto ng pulmonya depende sa kung gaano kalubha ang impeksyon, pati na rin kung ano ang sanhi ng impeksyon sa una pa lang.
Dahil ang pulmonya ay nakaaapekto sa sistema ng paghinga ng isang tao, ang pulmonya ay maaaring magmukhang isang matinding sipon o trangkaso para sa ilang mga tao. Ngunit sa mga malubhang kaso, maaari itong magdulot ng problema sa paghinga, at maaaring permanenteng makapinsala sa mga baga ng isang tao, na kalaunan ay magreresulta sa kamatayan.
Ang pulmonya ay mas mapanganib sa mga sanggol, maliliit na bata, at mga taong may edad na 65 pataas, dahil ang kanilang immune system ay hindi pa ganoon kalakas. Nangangahulugan ito na ang impeksyon ay madaling magdulot ng pinsala at humantong sa mas matinding komplikasyon.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang pulmonya ay nangungunang pinakamalaking sanhi ng pagkamatay ng mga bata dahil sa impeksyon. Sa katunayan, noong 2017 lamang, 808,694 na batang wala pang 5 taong gulang ang namatay dahil sa pulmonya.
Habang sa Pilipinas, humigit-kumulang 1,591 katao ang namamatay sa araw-araw, o higit sa 580,000 pagkamatay taon-taon. Sa Luzon lamang, 6 sa 10 na namatay ay resulta ng pulmonya. Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan ang mga numero ay patuloy na tumataas.
Sanhi ng Pulmonya
Ang pulmonya ay maaaring sanhi ng anumang virus, bakterya, at kahit fungi. Narito ang ilan sa pinakakaraniwang dahilan:
- Streptococcus pneumoniae – bakteryal na impeksyon na pinakakaraniwang sanhi ng pulmonya sa mga bata
- Haemophilus influenzae – uri ng bakteryal na impeksyon, at isa pang karaniwang sanhi ng pulmonya
- Respiratory syncytial virus – ito ay viral infection, at pinakakaraniwang sanhi ng viral na pulmonya
- Pneumocystis jiroveci – ito ay fungal infection, at mas karaniwan sa mga sanggol na na-diagnose na may HIV
Ang iba pang virus tulad ng SARS-CoV o SARS-CoV2 ay maaari ding magdulot ng pulmonya, kasama ng iba pang uri ng bakterya at fungi.
Maaaring mag-iba ang kalubhaan ng pulmonya depende sa uri ng impeksyon, gayundin sa kalusugan ng tao. Mga sanggol, bata, at matatanda ang mas madaling kapitan ng mga malubhang anyo ng pulmonya dahil ang kanilang immune system ay hindi ganoon kalakas.
Mga Sintomas
Dahil ang pulmonya ay impeksyon sa baga, karamihan ng mga sintomas ay nakaaapekto sa sistema ng paghinga ng isang tao. Narito ang ilan sa mga sintomas na dapat bantayan:
- Masakit sa dibdib kapag umuubo o humihinga
- Pakiramdam na tila pagod
- Lagnat
- Hirap sa paghinga, o igsi ng paghinga
- Para sa bacterial pneumonia, ang ubo na may plema ay mas karaniwan, ngunit para sa viral, ito ay karaniwang tuyo na ubo
- Para sa mga matatandang pasyente, ang pagkalito ay isang pangkaraniwang sintomas
- Panginginig
Kung nakararanas ka ng alinman sa mga sintomas na ito, magandang magpasuri sa iyong doktor.
Maaaring suriin ng mga doktor ang pulmonya sa pamamagitan ng pakikinig sa iyong paghinga, o sa pamamagitan ng pagtingin sa iyong mga labi, o mga daliri upang makita kung ito nagkukulay ube. Nangangahulugan ito na maaari kang magkaroon ng mababang oxygen sa iyong dugo.
Ang diagnosis ay kadalasang kinukumpirma ng X-ray, kung saan malinaw na makikita ang impeksyon.
Upang higit pang matukoy ang sanhi ng pulmonya, maaaring dalhin ang sample ng iyong dugo o sample ng mucus sa laboratoryo upang masuri. Makatutulong ito sa pagtukoy ng partikular na sanhi ng impeksyon.
Mga Dahilan ng Pulmonya
Depende sa uri ng impeksyon kung posibleng maikalat ito sa pamamagitan ng hangin.
Nangangahulugan ito na maaaring maging sanhi ng impeksyon ang hawaan, ito ay sa pamamagitan ng pagkakalanghap ng patak ng likidong may bakterya o virus mula sa pag-ubo o pagbahing ng taong may sakit nito.
Karaniwan, ang immune system ng isang tao ay maaaring labanan ang impeksyon bago ito magdulot ng anumang pinsala. Gayunpaman, kung ang immune system ng isang tao ay nakompromiso, o hindi ito kayang labanan, maaari itong lumala at maging sanhi ng pulmonya.
Narito ang ilan pang posibleng dahilan ng pulmonya:
- Pagiging malnoris o kulang sa nutrisyon
- Patuloy na pagkakalantad sa polusyon sa hangin tulad ng usok
- Kung ang magulang o kamag-anak ay naninigarilyo, madaling makakapitan ng pulmonya ang isang tao, lalo na ang isang bata
- Hika, habang hindi pa ito sanhi ng pulmonya, maaaring maging mas madali ang pagkapit ng pulmonya
- Maaaring mahawaan ng ibang pasyente ang isang taong na-ospital
Paggamot at Pag-iwas
Karaniwang ginagamot ang pulmonyang sanhi ng bakteryal na impeksyon gamit ang isang antibiotic. Maaaring sa bahay lamang ang gamutan kung hindi malubha ang pulmonya. Gayunpaman, mahalagang uminom ng wastong gamot, dahil kung hindi ito ginagamot, maaaring mas lumala ito.
Ang pulmonya ay karaniwang tumatagal ng ilang araw para sa mga mild lamang ang sintomas, ngunit maaari itong magdulot ng pagkapagod o panghihina sa loob ng halos isang buwan pagkatapos magkaroon ng sakit.
Para sa mas malalang kaso nito, kailangang magtungo sa ospital dahil maaari itong magdulot ng problema sa paghinga. Sa ilang mga kaso, ang mga taong may malubhang pulmonya ay kailangang dalhin sa ICU, at ilagay sa isang ventilator o isang makinang panghinga upang matulungan ang kanilang paghinga.
Narito ang ilang mahahalagang paalala pagdating sa pag-iwas sa pulmonya:
- Siguraduhing kumain ng masustansyang pagkain upang mapanatiling malakas ang iyong immune system.
- Kung ikaw ay naninigarilyo, mas maiging ihinto ito upang mabawasan ang panganib hindi lamang sa pulmonya, kung hindi pati na rin ang iba pang mga sakit sa paghinga.
- Umiwas sa pagkakalantad sa polusyon sa hangin, usok, at anumang usok na maaaring magdulot ng iritasyon sa iyong mga baga.
- Maaaring magpabakuna ang matatanda at bata ng bakunang magpo-protekta sa pulmonya.
- Regular na maghugas ng kamay dahil ang bakterya o virus na mula sa iyong kamay ay maaaring maipasa sa iyong bibig at magiging sanhi ng impeksyon.
Key Takeaways
Mahalagang malaman ang sintomas, sanhi, at mga pag-iingat upang maiwasang magkaroon ng pulmonya. Katulad rin ng kahalagahan ng pagkonsulta sa iyong doktor kung sa palagay mo ikaw ay may impeksyon. Makatutulong ito upang maagapan, at maiwasan ang anumang komplikasyon na mula sa sakit.