Ang heart disease ay ilan sa mga sakit na pwedeng pumatay sa tao kaya mahalaga para sa marami ang pag-alam ng mga bawal na pagkain sa sakit sa puso. Malaki kasi ang nagagawa ng proper diet upang maiwasan ang pamumuo ng mga taba sa artery at pagtaas ng presyon ng dugo. Kaya naman gumawa kami ng isang maikling listahan ng mga pagkain na dapat mong iwasan kung ikaw ay may sakit sa puso o cardiovascular disease.
Narito ang mga sumusunod na bawal na pagkain sa sakit sa puso:
Mga Processed At Cured Meat
Ang mga ilang naprosesong pagkain ay maaaring magtaglay ng mataas na sodium, kung saan ang pagkonsumo nito ay pwedeng maging dahilan ng pagtaas ng blood pressure. Sa oras na tumaas ang presyon mo sa dugo pwedeng makaapekto ito sa’yong puso at kalusugan. Ipinapayo ang palagiang pag-check sa mga processed food kung ito ba ay nagtataglay ng mataas na sodium, upang makontrol ang pagkain nito.
Mga Deep-Fried Food
Lumabas sa ilang mga pag-aaral na ang pagkain ng fried foods gaya ng french fries at fried chicken ay nagpapataas ng risk sa pagkakaroon ng sakit sa puso. Ang conventional na pagpriprito ay nakakapagpataas masyado ng bad cholesterol na hindi maganda para sa ating kalusugan.
Soda o Soft Drinks
Ang sobra-sobrang pag-inom ng soda ay pwedeng maging sanhi ng labis na katabaan dahil sa sugar na iyong naiinom mula sa soft drinks. Bukod pa rito, pwede ito maging sanhi ng high blood pressure, type 2 diabetes, at sakit sa puso. Mas mainam na inumin lamang ang mga soda sa katamtamang dami.
Alcohol
Tandaan na ang sobrang pag-inom ng alak para sa mga may sakit sa puso ay pwedeng humantong sa pagtaas ng presyon ng dugo, heart failure, at stroke. Mas maganda na magpakonsulta sa doktor para malaman ang wastong dami ng alak na pwede mong inumin.
Red Meat
Ang labis na pagkain ng red meat gaya ng beef, tupa, at pork ay maaaring makapagpataas ng iyong risk sa pagkakaroon ng diabetes at sakit sa puso. Ito ay dahil nagtataglay ng mataas saturated fat ang mga pagkain na ito na pwedeng makapagpataas ng iyong kolesterol. Kaya naman kung mayroon ka ng sakit sa puso at sobra-sobra pa rin ang pagkain mo ng red meat, maaari itong humantong sa ilang mga komplikasyon at problemang medikal.
Pizza
Ang mga take-out pizza at frozen pies ay nagtataglay ng mataas na amount ng sodium, fat, at calories na pwedeng magpataas ng iyong risk sa pagkakaroon ng atake sa puso. Kung nais mong kumain ng pizza mas maganda kung gawin ito sa bahay para masigurado mo na magiging malusog at masustansya ang pagbuo ng pizza.
[embed-health-tool-bmr]
Mga Hakbang Para Sa Pangangalaga Ng Puso
Narito ang ilang tips na pwede mong subukan upang mapangalagaan ang iyong puso:
- Pagkakaroon ng malusog na lifestyle
- Pag-inom ng iyong medications sa wastong oras at dami
- Pagtigil sa paninigarilyo
- Pag-iwas sa stress
Mahalagang Paalala
Ang lahat ng mga pagkaing nabanggit ay maaari mo pa rin naman ikonsumo lalo na kung kakainin ito sa katamtaman at wastong dami. Subalit, huwag kakalimutang mag-ingat dahil ang sobrang pagkain nito ay pwedeng makasama sa’yong puso at kalusugan. Maganda kung hihingi ka ng patnubay sa doktor para sa pagkakaroon ng angkop na diyeta sa’yong kasalukuyang kalagayan at sitwasyon. Sa mga malalang kaso, ang mga pagkain na nabanggit ay maaaring tuluyang ipagbawal sa’yo ng doktor kung ang iyong sakit sa puso ay naging sobrang lubha na. Ngunit tandaan, ito pa rin ay nakadepende sa’yong kasalukuyang medikal na kondisyon.
Key Takeaways
Ang mga pagkain na may mataas na sodium, sugar, saturated fat, at refined carbs ay maaaring magpataas ng iyong panganib sa pagkakaroon ng heart attack at stroke. Ipinapayo ng mga eksperto na magpokus sa kung paano mapapabuti ang iyong overall diet. Upang makamit ito pwede kang humingi ng payo sa mga nutritionist at doktor.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan sa Puso dito.