backup og meta

Myomectomy: Mga Dapat Tandaan Sa Pagpapagaling At Ilan Pang Paalaala

Myomectomy: Mga Dapat Tandaan Sa Pagpapagaling At Ilan Pang Paalaala

Ano ang myomectomy? Ito ay isang uri ng operasyong isinasagawa upang tanggalin ang uterine fibroids nang hindi tinatanggal ang buong matres (hysterectomy). Ang uterine fibroids ay hindi normal na paglaking nangyayari sa matres. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga kababaihang may ganitong kondisyon ay maaaring hindi makaranas ng anomang sintomas.

Sa operasyong myomectomy, tinatanggal lamang ang fibroids nang hindi nakaaapeko sa matres. Samantala, ang hysterectomy ay isang operasyon kung saan tinatanggal ang fibroids sa pamamagitan ng pag-aalis ng buong matres. Ito’y nangangahulugang ang babae ay maaaring hindi na magbuntis sa hinaharap.

Kadalasan, nada-diagnose ang fibroids habang sinusuri ang pelvic o habang isinasagawa ang prenatal ultrasound para sa ibang mga kadahilanan. Ang mga nakararanas ng sintomas ay maaaring makaramdam ng pananakit sa bahagi ng pelvic, labis na pag-ihi, matinding pagdurugo, paglaki ng tiyan, at hindi regular na regla.

Maaaring mag-iba-iba ang sintomas nito ayon sa lokasyon, sukat, at bilang ng fibroids na mayroon. At maaaring imungkahi ng doktor ang operasyon kung ang fibroids ay nakasasagabal sa regular na mga gawain o nakaaapekto sa fertility.

May tatlong uri ng operasyong maaaring isagawa: abdominal myomectomy, laparoscopic myomectomy, at hysteroscopic myomectomy. Ang paggaling matapos ang myomectomy ay maaari ring magkakaiba depende sa paraang isinagawa at sa kabuoang kondisyong pangkalusugan.

Ano Ang Myomectomy? Mga Dapat Tandaan Bago Sumailalim Sa Operasyon 

Kung naplano mo na ang iyong operasyon, ang iyong doktor ay magbibigay ng kumpletong gabay na iyong dapat sundin. Maaaring resetahan ka ng doktor ng mga tiyak na gamot upang mapatigil ang iyong regla dahil ang myoma ay naapektuhan ng parehong hormones na responsable sa normal na siklo ng regla. Depende sa laki, ang pagpapatigil ng regla ay maaaring planuhin ng magkarelasyon ilang buwan bago ang operasyon.

Maaaring kailanganin ang pagsailalim sa mga tiyak na medikal na pagsusuri kabilang na ang blood tests, pelvic ultrasound, at MRI scan bago ang operasyon.

Sabihin sa iyong doktor ang mga gamot o supplements na iyong iniinom. Maaaring imungkahi ng doktor ang pag-iwas sa pag-inom ng mga tiyak na gamot na maaari itong makaapekto sa pagsusuri.

Ano Ang Myomectomy? Mga Uri Nito

Ang uri ng operasyon sa fibroid na maaaring isagawa sa pasyente ay nakabatay sa bilang ng fibroids, lokasyon nito, at kalubhaan ng kondisyon.

Abdominal myomectomy: Ito ay iminumungkahing gawin kung ang pasyente ay may fibroids na malaki o marami. Sa uri ng operasyong ito, hihiwain ng surgeon ang iyong tiyan at tatanggalin ang fibroids.

Laparoscopic myomectomy: Ang ganitong uri ng operasyon ay iminumungkahi kung ang pasyente ay may maliit o mas kakaunting fibroids. Sa operasyong ito, ipapasok ng doktor ang laparoscope, isang tila tubong instrument, sa pamamagitan ng maliit na hiwa sa tiyan. Ito ay isang paraang minimally invasive ma maaaring maging opsyon para sa mga nagnanais ng mas maliit hiwa at mas mabilis na paggaling.

Hysteroscopic myomectomy: Iminumungkahi naman ang paraang ito kung ang pasyente ay may mas maliliit na fibroids sa loob ng cavity ng uterus (submucous myoma). Sa operasyong ito, ang surgeon ay magpapasok ng maliit na scope sa puki na idadaan sa cervix upang marating nito ang uterus. Malalaman sa pamamagitan ng videoscope kung saang bahagi nakakabit ang myoma. Hindi kinakailangan sa uri ng operasyong ito ang anomang paghiwa sa tiyan.

Ano Ang Myomectomy? Paggaling Mula Rito

Ang iyong pananatili sa ospital ay maaaring nakadepende sa uri ng operasyon. Maaaring ito ay tumagal sa loob ng ilang mga araw, depende sa nararamdamang pananakit at kondisyon. Sa oras na makauwi na, kung ikaw ay sumailalim sa abdominal myomectomy, maaaring tumagal ng isa o dalawang buwan upang gumaling. Hindi naman nagtatagal ng isang buwan ang paggaling sa laparoscopic myomectomy. At hindi aabutin ng isang linggo ang paggaling kung sumailalim ka sa hysterectomy. Ang paggaling ay nangangahulugan na makakabalik ka sa karaniwang kalagayan bago ang operasyon. Iba-iba ang paggaling sa bawat pasyente depende sa kanilang iba pang kondisyong medikal.

Maaaring tulungan ka ng iyong doktor sa mga alituntunin kailangan mong sundin na maaaring kabilangan ng limitasyon sa diet at mga tiyak na gawain. Ang operasyon sa pagtanggal ng fibroids ay makatutulong upang maibsan ang mga nararanasang sintomas at mapabuti ang fertility

Maaaring makaranas ng pananakit at hindi komportableng pakiramdam sa loob ng ilang mga araw matapos ang operasyon. Upang mawala ito, maaaring magreseta ang doktor ng gamot para sa pananakit.

Ang paggaling ay nakadepende rin kung may anumang mga komplikasyon matapos ang operasyon. Sa karamihan ng mga kaso, ang mga kababaihan ay walang nararanasang anumang problema o sintomas matapos sumailalim sa operasyon, ngunit hindi ito nangangahulugang hindi na maaaring magkaroon muli ng fibroids. Maaaring ito ay sa ibang bahagi ng matres ngunit maaaring matatagalan bago ito mangyari.

Depende sa isinagawang operasyon, may tyansang magkaroon ng pilat sa tiyan kung saan isinagawa ang paghiwa. Ang pilat na ito ay kadalasang hindi permanente at maaaring tuluyang gumaling makalipas ang ilang mga buwan. Maaaring magreseta ang doktor ng cream na pantanggal ng pilat. Kung makaramdam ng hindi normal na pagbabago o pananakit sa inoperahang bahagi, kumonsulta sa iyong doktor.

Mga Komplikasyon Sa Operasyon

Tulad ng iba pang mga operasyon, ang myomectomy ay mayroon ding mga tiyak na komplikasyon. Hindi lahat ng mga kababaihan ay maaaring makaranas ng komplikasyon matapos ang operasyon. Ilan sa mga komplikasyong maaaring maranasan matapos nito ay ang impkesyon sa inoperahang bahagi, malalang pagdurugo, pananakit ng tiyan o ng naoperahan na bahagi, at ang pagkakaroon ng panibagong fibroids. Kung ikaw ay makaranas ng anumang side effects o mga komplikasyon, agad na komunsulta sa doktor.

Myomectomy At Pagbubuntis

Kung ikaw ay nagpaplanong magbuntis, kumonsulta sa doktor upang malaman kung gaano katagal ang kailangang hintayin bago ang tamang pagkakataon upang magbuntis.

Tulad ng nabanggit kanina, ang paraang ito ay nakatutulong sa pagtanggal ng fibroids upang mapanatili ang kaligtasan ng matres. Matapos ang operasyon, mahalagang tuluyang pagalingin ang matres. Depende sa kalubhaan ng kondisyon, maaaring  imungkahi ng doktor na huwag makipagtalik sa loob ng ilang mga buwan.

Nakatulong man ang operasyon sa pagpapabuti ng fertility, ang tyansa ng pagbubuntis ay lubhang nakadepende sa lokasyon at bilang ng fibroids. Maliban pa ito sa ibang mga salik na dapat isaalang-alang kabilang ang baseline na kondisyong medikal (halimbawa: polycystic ovarian syndrome, diabetes mellitus type 2, antiphospholipid antibody syndrome etc.) Dahil ang operasyon ay may malaking epekto sa matres, mas maaari itong mapunit sa mga huling yugto ng pagbubuntis o habang nanganganak.

Dahil dito, ang doktor ay magmumungkahing ikaw ay sumailalim sa cesarean na panganganak. Kakailanganin ang konsultasyon bago planuhin ang pagbubuntis, gayundin ang maayos na antenatal care upang masiguro ang malusog na panganganak.

Narito ang mga hakbang upang pangalagaan ang sarili:

  • Ang paggaling ay maaaring magtagal. Mahalagang magpahinga at hayaang gumaling nang lubos ang matres. Iminumungkahi ang pagkakaroon ng kahit dalawang linggong pagpapahinga.
  • Iwasan ang pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay o pagsasagawa ng anomang kilos na maaaring magbigay ng pressure sa tiyan.
  • Siguruhing inumin ang lahat ng mga gamot na inireseta ng doktor. Kahit bumuti na ang kondisyon, kinakailangan ang pag-inom ng kumpletong dosage na inirekomenda ng doktor.
  • Maaari ding imungkahi ng doktor ang pagsasagawa ng mga simpleng ehersisyo tatlo hanggang apat na linggo makalipas ang operasyon.
  • Kung nakararanas ng pagdurugo, pangangati, o hindi karaniwang mga sintomas, siguruhing agad na kumonsulta sa doktor.

Matuto pa tungkol sa pagkontrol sa Uterine Fibroids dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

The benefit of myomectomy in women aged 40 years and above: Experience in an urban teaching hospital in Nigeria, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3213745, Accessed on 17/06/2020

Myomectomy, https://www.mayoclinic.org/tests-procedures/myomectomy/about/pac-20384710, Accessed on 17/06/2020

Uterine fibroids, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/uterine-fibroids/symptoms-causes/syc-20354288, Accessed on 17/06/2020

Myomectomy: Recovery and Outlook, https://my.clevelandclinic.org/health/treatments/15448-myomectomy/recovery-and-outlook, Accessed on 17/06/2020

Robotic-Assisted Myomectomy, https://www.hopkinsmedicine.org/health/treatment-tests-and-therapies/roboticassisted-myomectomy, Accessed on 17/06/2020

Kasalukuyang Version

12/05/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Sintomas Ng May Problema Sa Matres, Alamin Dito

Totoo bang Nakaka-cancer ang Myoma?


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement