backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

Mga Pagkakaiba Ng Thyroid At Parathyroid Glands

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD · General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    Mga Pagkakaiba Ng Thyroid At Parathyroid Glands

    Ano ang thyroid at parathyroid gland?

    Thyroid Gland

    Ang thyroid gland ay matatagpuan sa mismong harap ng trachea o daluyan ng hangin, at sa ibaba ng larynx. Kasinghugis ito ng paru-paro na ang mga pakpak ay magkakonekta sa gitna. Ito ay maaaring maramdaman mula sa labas ng leeg kahit na ito ay may normal na laki.

    Ito ay brownish-red ang kulay at maraming ugat na daluyan ng dugo ang matatagpuan dito. Ang nerves na mahalaga sa pagkontrol sa kalidad ng boses ay dumaraan din sa bahaging ito.

    Nagpoprodyus ang thyroid gland ng maraming hormones na kolektibong tinatawag na thyroid hormones. Ang pangunahing hormone na pinoprodyus nito ay ang thyroxine, na tinatawag ding T4.

    Nakaaapekto sa buong katawan ang thyroid hormones. Ito ay may epekto sa paglaki, pagdebelol, at metabolismo. Ang pagkakaroon ng sapat na thyroid hormones ay mahalaga rin habang sanggol at bata pa upang matiyak ang wastong pagdebelop.

    Parathyroid Glands

    Ang parathyroid glands ay apat na glands na hugis oval. Matatagpuan ang mga ito sa mismong katabi ng thyroid glands. Bawat isa nito ay kasinglaki ng isang gisantes. Ang mga ito ay naglalabas ng parathyroid hormone. Mahalaga ito sa regulasyon ng lebel ng calcium sa dugo. Ang wastong lebel ng calcium sa katawan ay mahalaga dahil ang maliit na pagbabago nito ay maaaring humantong sa mga malulubhang problema sa nerve at muscle.

    Pinangangasiwaan din ng parathyroid hormone ang pagsipsip ng calcium mula sa mga pagkain at inilalabas ito sa daluyan ng dugo.

    Ano Ang Thyroid At Parathyroid Gland: Mga Kondisyon Ng Thyroid Gland

    Maraming mga kondisyon ang maaaring makaapekto sa impact at paggana ng thyroid gland.

    Ang mga problemang ito sa thyroid ay karaniwan. Halimbawa, mahigit 1 bilyong tao ang may tyansang makaranas ng kakulangan sa iodine na maaaring magresulta sa mga problema sa thyroid. Isa pang karaniwang sanhi ng mga problema sa thyroid ay ang autoimmune na sakit.

    Kabilang sa mga karaniwang sakit sa thyroid sa mga kababaihan ay ang mga sumusunod:

  • Hypothyroidism
  • Hyperthyroidism
  • Thyroid cancer
  • Ang hypothyroidism at hyperthyroidism ay sampung beses na mas karaniwan sa mga kababaihan.

    Tinatayang nasa 200 milyong tao sa buong mundo ang may ilang uri ng sakit sa thyroid. Karamihan sa kanila ay hindi alam na mayroon silang ganitong problema sa kalusugan.

    Hyperthyroidism

    Nangyayari ang hyperthyroidism kung ang thyroid gland ay naging lubhang aktibo at nagpoprodyus ng sobrang hormones. Ang karaniwang sanhi nito sa mga kababaihan ay ang Graves’ disease, na isang autoimmune problem. Sa kondisyong ito, tinatarget ng antibodies ang thyroid gland, na humahantong sa pagtaas ng produksyon ng hormone.

    Hypothyroidism

    Minsan, ang produksyon ng hormone ng thyroid ay hind sapat sa kailangan ng katawan. Ito ay maaaring dulot ng hindi wastong pagkakabuo ng thyroid glands habang nasa sinapupunan pa lamang ang isang sanggol, o dahil sa ibang kadahilanan. Humahantong sa hypothyroidism ang mga ito.

    Ang hypothyroidism ay maaaring sanhi ng isang autoimmune na sakit na tinatawag na Hashimoto’s disease. Ang sakit na ito ay ang sanhi upang atakehin ng antibodies ang thyroid gland. Dahil dito, nasisira ang kakayahan nitong magprodyus ng hormones.

    Thyroid Cancer

    Ang thyroid cancer ay ang pinakakaraniwang uri ng endocrine cancer sa kasalukuyan. May apat na uri ang thyroid cancer:

    • Papillar
    • Follicular
    • Medullary
    • Anaplastic

    Mabuti na lamang, marami sa mga uri ng thyroid cancers ay nadedebelop nang mabagal. Ibig sabihin, may magandang tyansa na ang paglaki ay made-detect at magagamot nang mabilis.

    Mga Problema Sa Thyroid At Pagbubuntis

    Ang mga problema sa thyroid ay may kaugnayan sa mga problema sa pagbubuntis, miscarriages at maging sa infertility. Ang mga sanggol na isinilang mga inang may problema sa thyroid ay maaaring magkaroon ng mababang timbang pagkasilang at mga problemang debelopmental. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para sa mga buntis na alamin ang kalagayan ng kanilang thyroid glands.

    Ano Ang Thyroid At Parathyroid Gland: Mga Kondisyon Ng Parathyroid Gland

    Ang mga kababaihan ay may dalawang beses na tyansang magkaroon ng mga problema sa parathyroid gland kaysa sa mga kalalakihan. Kabilang sa mga kondisyong ito ay ay ang parathyroid adenoma, isa sa mga pinakakaraniwang kondisyon ng parathyroid glands.

    May mga pagkakataon ang hindi cancerous na paglaki ay nakikita sa parathyroid glands. Ang paglaking ito ay tinatawag na adenomas. Ito ay nagiging dahilan upang ang glands ay magprodyus ng maraming parathyroid hormone na higit pa sa kailangan ng katawan. Ang sobrang parathyroid hormone ay makasisira sa calcium balance ng katawan.

    Ang sobrang calcium sa daluyan ng dugo na dulot ng parathyroid adenoma ay maaaring maging sanhi ng:

    • Pananakit sa bahagi ng tiyan
    • Pagkapagod
    • Pagbabago ng mood at pagiging iritable
    • Kidney stones
    • Mga tigyawat na walang tiyak na sanhi

    Posibleng ang mga taong may ganitong kondisyon ay hindi makaranas ng anomang mga sintomas.

    Nada-diagnose ng mga doktor ang parathyroid adenoma sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mataas na lebel ng calcium sa dugo habang nagsasagawa ng routine na pagsusuri sa dugo. Ang pinakakaraniwang anyo ng gamutan para sa parathyroid adenoma ay ang pagtanggal sa lumaking glands. Operasyon ang solusyon sa problema sa 98% ng ganitong mga kaso. Ngunit mayroon ding mga kaso kung saan ang lubhang may sakit para dito. Sa ganitong mga sitwasyon, gamot lamang ang tanging solusyon.

    Key Takeaways

    Ano ang thyroid at parathyroid gland? Ang glands na ito ay may mahalagang gampanin sa kalusugan ng mga tao. Nakatutulong ang thyroid sa pagkontrol ng paglaki, pagdebelop, at metabolismo. Ang parathyroid glands, na matatagpuan sa tabi ng thyroid glands, ay responsable sa pagkontrol ng lebel ng calcium sa katawan. Ang mga kababaihan ay mas may tyansang makaranas ng mga kondisyong ito na nakaaapekto sa thyroid and parathyroid glands.

    Matuto pa tungkol sa hormonal imbalance ng mga kababaihan dito.

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyung medikal ni

    Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

    General Practitioner


    Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement