Hindi maitatanggi na may mga pagkakataon kung saan tayo ay nakararanas ng mga maliliit na aksidente. Maaaring noong bata ka dahil sa pagiging aktibo at maliksi mo ay naranasan mo ring madapa, matalisod, o kung anuman na nagresulta sa isang sugat. Hindi kalaunan, ito ay naging peklat. Kung kaya, handa ang mga magulang sa mga ganitong pagkakataon at mayroon silang mga effective peklat remover na pwede nilang ipahid sa peklat ng kanilang mga anak. Alamin ang mga kilalang produkto para rito.
Ano ang Peklat? Bakit Nagkakaroon ng Ganito?
Ang peklat (o scars sa Ingles) ay ang natural na paraan ng katawan ng pagpapagaling at pagpapalit ng nawala o nasirang balat. Ito ay karaniwang binubuo ng fibrous tissue na naglalaman ng protina na collagen. Sinoman ay maaaring magkaroon ng peklat, ano pa man ang kanilang edad o kasarian.
Maaaring magkaroon ng peklat na may iba’t ibang hugis, sukat, at komposisyon sa iba’t ibang parte ng katawan. Ang ilang mga peklat ay malaki, masakit at makati, habang ang ilan ay halos hindi na nakikita. Depende sa kanilang laki, uri, at lokasyon, ito ay maaaring hindi kaaya-aya at maaari ring mahirap galawin. Bukod pa rito, maaari rin itong buhat ng iba’t ibang dahilan. Kadalasan, ito ay resulta ng impeksyon, operasyon, aksidente, o pamamaga ng tisyu.
Kabilang ang mga sumusunod sa ilang uri ng peklat:
- Contracture scar
- Depressed (atrophic) scar
- Flat scar
- Keloid scar
- Raised (hypertrophic) scar
- Stretch marks
Subalit, hindi naman lahat ng peklat ay nangangailangan ng treatment, mayroong mga iba na nawawala sa paglipas ng panahon. Kung ito ay nakakaabala o nagdudulot ng sakit, makatutulong ang ilang mga peklat remover bilang lunas para rito.
Anu-ano ang mga Kilalang Peklat Remover?
May ilang mga pangalan at produkto na matagal ng ginagamit ng mga Pinoy upang matanggal ang kanilang mga peklat. Narito ang ilan sa mga abot-kaya at possibleng effective peklat remover.
Sebo de Macho
Maaaring nakakita ka na nito sa inyong bahay marahil ito ay isang sikat na peklat remover.
Ang Sebo de Macho ay isang moisturizer na naglalaman ng purong mutton tallow, isang uri ng taba ng hayop na nakatutulong makapasok sa balat. Dahil dito, mabisa raw itong pampaputi ng mga peklat at maging hyperpigmentation.
Dagdag pa rito, pinipigilan din ng naturang produkto ang mga bagong sugat na humantong sa peklat. Ito ay dahil ang peklat remover na ito ay angkop din para sa lahat ng uri ng mga sugat tulad ng mga pasa, gasgas, contusions, o grazes.
Chin Chun Su
Isa pang matagal ng ginagamit ng mga Asyano sa loob ng mahabang panahon ay ang Chin Chun Su.
Ang Chin Chun Su ay isang sikat na facial cream na nakatutulong magpanatiling makinis at moisturize ang mukha. Ito ay napatunayang mabisa laban sa mga pimples, blemishes, acne scars, wrinkles, at senyales ng pagtanda.
Tulad ng Sebo de Macho, ito ay mabisa ring peklat remover dahil ito ay naglalaman ng beta-carotene. Ang sangkap na ito ay isang carotenoid na kabilang sa mga makapangyarihang antioxidants na nakatutulong sa pangkalahatang kalusugan ng balat.
Bio-oil
Gaya ng iminumungkahi sa kanilang tatak, ang Bio-oil ay isang oil product na tanyag sa larangan ng skincare.
Ang produktong ito ay tumutulong na ipabuti ang balat sa pamamagitan ng partikular na pag-target sa mga peklat at stretch mark.
Ano pa ang Ibang Peklat Treatments?
Bukod sa mga nabanggit na peklat remover, may ilang mga treatment na inirerekomenda ang mga doktor at propesyonal upang gumaling ang peklat.
Dermabrasion
Maaaring gamitin ang dermabrasion upang mabawasan ang mga sumusunod:
- Maliliit na peklat
- Maliliit na iregularidad sa ibabaw ng balat
- Mga surgical scars
- Acne scars
Gaya ng ipinahihiwatig ng pangalan, ito ay nagtatanggal ng epidermis gamit ang isang de-koryenteng makina na. Habang gumagaling ang balat mula sa pamamaraan, ang ibabaw ay lumilitaw na mas makinis at sariwa.
Chemical peels
Ang mga chemical peel ay kadalasang ginagamit upang mabawasan ang:
- Sun-damaged skin
- Iregular na kulay (pigment) ng balat
- Superficial scars
Ang ibabaw na parte ng balat ay tinatanggal gamit ang isang kemikal na aplikasyon sa balat. Sa pamamagitan nito, ang balat ay nagreregenerate, na nagpapabuti sa hitsura ng balat.
Laser resurfacing
Ang laser resurfacing ay gumagamit ng high-energy light upang sunugin ang nasirang balat. Maaari itong gamitin upang mabawasan ang mga wrinkles at mapino ang hypertrophic scars.
Cryosurgery
Makakatulong ang cryosurgery na bawasan ang laki ng mga peklat sa pamamagitan ng pagyeyelo sa ibabaw na bahagi ng balat. Ngunit, ang pagyeyelo ay nagiging sanhi ng paltos ng balat.
Collagen injections
Isang uri ng collagen (mula sa purified cow collagen) ay itinuturok sa ilalim ng balat. Pinapalitan nito ang natural na collagen ng katawan na nawala. Ang injectable collagen ay karaniwang ginagamit upang gamutin ang mga wrinkles, scars, at facial lines.
Cortisone injections
Ito ay nakatutulong sa pagpapalambot at pagpapaliit ng mga matitigas na peklat. Ang mga keloid at hypertrophic scars ay kadalasang lumalambot pagkatapos ng intralesional steroid injection.
Key Takeaways
Hindi maiiwasan ang pagkakaroong ng sugat at peklat. Kung kaya, marami ang naghahanda ng kanilang effective peklat remover sa mga ganitong pagkakataon.
Maaaring mabawasan ng mga ito ang laki o hitsura ng peklat, ngunit hinding ito mawawala basta-basta. Mainam na kausapin ang iyong dermatologist kung ano ang pinakaangkop na treatment para sa iyo at sa uri ng peklat na mayroon ka.
Alamin ang iba pa tungkol sa Pangangalaga at Paglinis ng Balat dito.
[embed-health-tool-bmi]