brand logo
Matuklasan
Mga tool sa kalusugan
Komunidad
Pangangalaga

Patalastas

Share

Bukol Sa Gilagid: Anu-Ano Ang Maaaring Sanhi Nito?

Totoong nakababahala ang bukol sa gilagid dahil sa mga discomfort na pwede nitong idulot sa tao, gaya ng kahirapan sa pagsisipilyo at pagnguya ng pagkain. Ang mga bukol ay maaaring maging maliit o malaki na pwedeng sanhi ng non-cancerous cyst, singaw, fibroma, impeksyon, physical trauma, at marami pang iba. 

Bukol Sa Gilagid: Anu-Ano Ang Maaaring Sanhi Nito?

Ngunit sa ibang mga kaso ang bukol sa ating gilagid ay posibleng dahil sa kanser sa bibig. Gayunpaman, napakabihira lamang na maganap nito.

Mga Sintomas

Kapag nagkaroon ka ng bukol sa iyong gilagid maaari kang makaranas ng mga sumusunod:

  • Pamamaga ng iyong gilagid
  • Pananakit sa’yong gilagid na maaaring umabot sa panga, tenga, at leeg
  • Pagkakaroon ng pamumula ng gilagid
  • Pananakit ng iyong gilagid

Anu-Ano Ang Dahilan Ng Bukol Sa Gilagid?

Marami ang maaaring maging dahilan ng bukol sa ating gilagid. Gayunpaman, pwedeng hindi maging mapanganib ang mga sanhi ng bukol.

Bukod sa mga nabanggit sa artikulong ito, narito pa ang ilan sa mga sanhi ng bukol sa ating gilagid:

Singaw o Canker Sore

Isa itong uri ng mouth ulcer o mga sugat sa bibig na pwedeng tumubo sa ating gilagid, dila, at maging sa iba pang mga bahagi ng ating bibig. Kadalasan nagkakaroon ng singaw ang isang tao kapag kumikiskis ang ating mga ngipin, pustiso, braces sa balat ng loob ng bibig ng isang tao.

May mga pagkakataon din na nagkakasingaw ang isang indibidwal dahil sa init ng panahon at kakulangan ng nutrisyon. Nagiging daan ito para magkaroon ng sugat sa bibig ang tao. Maaaring makita ang mga sugat na ito sa anyo ng bahagyang nakaumbok o patag na sugat.

Pyogenic Granuloma

Ang bukol na ito sa gilagid ay kadalasang naglalaman ng dugo na pwedeng namuo sanhi ng mga nakuhang pinsala sa bibig. Maaari rin na dahil ito sa pagkakaroon ng hormonal changes ng mga nagbubuntis.

Hindi Angkop Na Paglilinis Ng Ngipin At Pangangalaga Ng Bibig

Sinasabi na ang hindi wastong paglilinis ng ating bibig ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng bukol sa gilagid. Kaya naman ipinapayo na iwasan ang napakadiin na pagsisipilyo upang hindi magkaroon ng physical injury at mga pag-umbok sa tissue ng ating bibig. Ugaliin na magsipilyo ng maayos para matanggal ang mga pagkain sa bibig at ngipin na nakaipit o naipit.

Periodontal Abscess

Isa itong uri ng bacterial infection sa ating bibig kung saan may mga nanang naiipon sa ilalim ng gilagid ng tao. Para maalis ang nana, kinakailangan na sumailalim ang indibidwal sa drainage procedure. Dahil sa oras na kumalat ang nana sa mga kalapit na ngipin ay maaari itong bunutin ng doktor.

Fibroma

Ang fibroma ay isa sa mga pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng bukol sa ating gilagid. Isa itong non-cancerous na mga bukol na namuo dahil sa iritasyon at pagkapinsala ng mga tissue ng gilagid. Gayunpaman, kadalasan na walang dulot ng pananakit ang fibroma sa tao.

Oral Thrush

Ang oral thrush ay isa sa mga sintomas ng candidiasis, isang uri ng yeast infection. Maaari itong maipasa sa ibang tao sa pamamagitan ng pakikipag-sex at pakikipaghalikan. Sa ibang mga malubhang kaso ang oral thrush ay halos natatabunan na ang dila at ngalangala ng tao, kung saan hindi na ito basta-basta bukol at umbok. Kaya naman ipinapayo ang magpapakonsulta sa doktor at mga eksperto para sa medikal na atensyon.

Cyst

Maaaring maging dahilan ng bukol sa gilagid ang cyst, kung saan naglalaman ito ng hangin, likido, at anumang soft material gaya ng laman o tissue. Ayon sa ilang mga pag-aaral at artikulo ang cyst ay madalas na tumubo sa paligid ng ating mga sirang ugat ng ngipin. Gayunpaman, hindi cancerous ang cyst pero nakakasagabal ito sa pagsasalita at pagkain.

May mga pagkakataon na kinakailangan na sumailalim ng mga pasyente sa simpleng surgical/drainage procedure para alisin ang cyst.

Pag-Inom Ng Ilang Uri Ng Gamot

Pwedeng maging dahilan ang ilang type ng gamot tulad ng corticosteroid sa pagkakaroon ng bukol sa gilagid. Sapagkat may mga indibidwal na nakakaranas ng allergic reaction sa ilang uri ng mga gamot. Kaugnay nito maaaring tubuan ang iba’t ibang bahagi ng ating bibig ng bukol kung saan kinakailangan ang agarang konsultasyon sa doktor.

Kanser Sa Bibig

Ang pagkakaroon ng kanser sa bibig ang pinakamapanganib na dahilan ng bukol sa ating gilagid. Gayunpaman hindi ito madalas na nagaganap sa tao. Ang mga sintomas ng kanser sa bibig ay kinabibilangan ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng bukol sa gilagid na kulay puti, o pulang mga patsi-patsi sa bibig ng tao
  • Pananakit ng bibig
  • Sugat sa bibig
  • Masakit na lalamunan
  • Pagkakaroon ng umuugang ngipin
  • Kahirapan sa pag-inom, pagkain, at iba pa

Anu-Ano Ang Mga Komplikasyon Na Pwedeng Idulot Nito?

Kapag napabayaan ang kondisyon na ito pwede humantong ito sa mga medikal na komplikasyon gaya ng mga sumusunod:

  • Pagkakaroon ng impeksyon sa ating bibig
  • Pulmonya
  • Pamamaga ng ating puso
  • Pagkaalis ng ating ngipin
  • Pagkakaroon natin ng benign jaw growth
  • Pagkakaroon ng mga nana sa ating utak
  • Pagkabasag ng ating panga
  • Pagkakaroon ng mga lamat sa ating panga
  • Pagkakaroon ng sepsis o impeksyon sa dugo
  • Pagkalat ng mga impeksyon sa ating panga, soft tissue at iba pang bahagi ng ating ulo

Key Takeaways

Lagi mong tatandaan na mahalaga ang pagpapakonsulta sa doktor lalo na kung malubha na ang discomfort na nararanasan dahil sa bukol sa iyong gilagid. Maiiwasan natin ang mga medikal na komplikasyon kung malalaman natin ang pinaka-ugat kung bakit tayo nagkaroon ng mga bukol sa ating gilagid. Kaya naman ipinapayo ang pagpapatingin sa doktor para matukoy rin ang tamang paggamot na pwedeng magamit sa kondisyon na kinakaharap.

Matuto pa tungkol sa Sakit sa Bibig at Gilagid dito.

medical
Hello Doctor Medical Panel
Narebyung medikal ni
General Practitioner
Isinulat ni Lornalyn Austria · Na-update noong 01/02/2028