backup og meta

Urethritis: Mga Sanhi, Sintomas, at Paggamot

Urethritis: Mga Sanhi, Sintomas, at Paggamot

Tinatawag na urethritis ang pamamaga ng urethra. Ang urethra ay ang tubo na nagdadala ng ihi mula sa pantog palabas ng katawan. Ano ang sanhi ng urethritis? Alamin natin dito. 

Maaaring magkaroon ng urethritis dahil sa impeksyon na nakukuha sa pakikipagtalik (STI). Kung minsan, maaaring mangyari ito dahil sa injury mula sa urinary catheter o exposure sa kemikal na nagdudulot ng iritasyon tulad ng spermicide o antiseptic.

Ang urethritis ay maaaring uriin sa dalawa: gonococcal urethritis – sanhi ng gonorrhea at nongonococcal urethritis – sanhi ng bacteria bukod sa gonorrhea.

Uri ng Urethritis

Gonococcal urethritis

Ang kondisyong ito ay sanhi ng Neisseria gonorrhoeae bacteria. Ito ay madaling maisalin nang tao sa tao sa pamamagitan ng sexual activity. Maaari ding magpasa ang isang babae ng gonococcal urethritis sa kanyang sanggol sa panahon ng panganganak.

Maaari ring maranasan ito ng lalaki at babae. Kung hindi ginagamot, ang kondisyong ito ay maaaring magdulot ng mga problema tulad ng:

Nongonococcal urethritis

Ang kondisyong ito ay sanhi ng sexually transmitted bacteria bukod sa N. gonorrhoeae. Kadalasan, ang nongonococcal urethritis ay sanhi ng chlamydia trachomatis bacteria, na nagreresulta sa sexually transmitted infection na Chlamydia.

Ang iba pang posibleng sanhi ng urethritis ay ang Ureaplasma urealyticum, Trichomonas vaginalis, at Mycoplasma genitalium 

Mga Sintomas ng Urethritis

Maaari kang makaranas ng mga sumusunod na sintomas ng urethritis:

  • Iritasyon at pangangati sa urethra
  • Pananakit o nasusunog na pakiramdam habang umiihi
  • Pamumula o pamamaga sa dulo ng ari ng lalaki
  • Malinaw o mala-mucus na likido mula sa vagina o penis

Ang iba pang mga sintomas na maaaring maranasan ng mga matatanda at bata ay:

  • Kawalan ng kontrol sa bladder
  • Pananakit ng tiyan
  • Hindi gustong umihi

Mga Sanhi ng Urethritis

Ang urethritis ay maaaring sanhi ng bakterya at mga virus. Ilang bakterya ang maaaring responsable sa kondisyong ito. Ito ang E. coli, N. gonorrhoeae, Chlamydia trachomatis, Ureaplasma urealyticum, Trichomonas vaginalis, at Mycoplasma genitalium. Maaaring magdulot UTI at ilang sexually transmitted diseases ang mga bacteria at parasites na mga ito 

Ang iba pang mga sanhi ng urethritis ay:

  • Pagkasensitibo sa mga kemikal na ginagamit sa mga foam, spermicide, at contraceptive jellies
  • Pinsala sa urethra

Kung minsan ang sanhi ng urethritis ay hindi matukoy.

Risk Factors ng Urethritis

Ang mga sumusunod ay nagpapataas ng panganib ng pagkakaroon ng urethritis:

  • High-risk, hindi ligtas na sexual behavior
  • Mayroong history ng sexually transmitted diseases

Ayon sa isang pag-aaral na inilathala sa Journal of Infectious Diseases, ang oral sex ay maaaring magpataas ng mga panganib para sa nongonococcal urethritis (NGU).

Bagaman ang sanhi ng urethritis ay hindi laging naisasalin sa pamamagitan ng sekswal na aktibidad, ang isang taong may maraming sexual partners ay maaaring nasa mas malaking panganib.   

Inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na sumailalim ang pasyenteng may nakumpirma o pinaghihinalaang urethritis sa chlamydia at gonorrhea tests. Makakatulong ito sa iyo na ipaalam sa partner mo na magpa-test at magpagamot.

Ang mga taong nasa panganib na magkaroon ng kondisyon ito ay: 

  • Mga Babae
  • Mga lalaki sa pagitan ng edad na 20 at 35
  • Pagkakaroon ng ilang sexual partners
  • Nakikipagtalik nang walang proteksyon

Diagnosis

Kapag may sintomas ng urethritis, siguraduhing komunsulta agad sa doktor.

Magsasagawa ng pisikal na eksaminasyon ang doktor mo at maaaring tanungin ka tungkol sa sexual health mo at mga hindi protektadong pakikipagtalik. Bukod dito maaaring tingnan ng doktor mo ang iyong sexual history at family medical history.

Titingnan ng doktor ang anumang abnormal discharge mula sa iyong urethra. Sa mga babae, susuriin ng doktor ang pelvic area at hahanapin ang malambot, pamumula, o abnormal discharge mula sa vagina at cervix.

Sa mga lalaki, susuriin ng doktor ang tiyan, bladder area, scrotum, at ari. Hahanapin ng doktor ang discharge mula sa ari. Gayundin, susuriin kung may malaking lymph node sa may singit.  

Dahil ang sanhi ng urethritis ay mga STI, titingnan ng doktor ang mga senyales ng iba pang mga impeksyon tulad ng syphilis at genital warts na dulot ng HPV at HIV. 

Ang pamamaga ng urethra dahil sa injury o chemical irritation ay hindi isasali batay sa medical history at walang nakakahawang sanhi.

Maaaring magmungkahi ang doktor ng ilang mga pagsusuri upang kumpirmahin ang urethritis, tulad ng:

  • Urinalysis and urine culture
  • Ultrasound
  • Urethral swab
  • C-reactive protein test
  • Nucleic acid test (NAT)
  • Tests para sa gonorrhea, chlamydia, at iba pang sexually transmitted illnesses (STIs)
  • Complete blood count (CBC)
  • Cystoscopy

Paggamot

Ang paggamot para sa urethritis ay depende sa kondisyon mo at resulta ng tests.

Para sa sanhi ng urethritis, ang layunin ay alisin ang impeksyon, mapabuti ang mga sintomas, at pigilan ang pagkalat ng impeksyon.  

Magrereseta ang iyong doktor ng antibiotics kung mayroon kang bacterial infection. Maaari mo ring gamitin ang parehong antibiotics at pain reliever para sa pangkalahatang pananakit ng katawan at localized urinary tract pain.

Papayuhan kang iwasan ang sekswal na aktibidad sa loob ng ilang linggo at gumamit ng condom habang nakikipagtalik. Kung ikaw ay diagnosed na may urethritis, ang partner mo ay dapat ding magamot.

At kung sakaling hindi nakakatulong ang antibiotics na mapabuti ang kondisyon, ipaalam kaagad sa iyong doktor. Kung ang kondisyong ito ay tumatagal ng 6 na linggo o higit pa, ito ay tinatawag na chronic urethritis.

Para sa chronic urethritis, magrereseta ang doktor mo ng ibang mga gamot upang gamutin ang kondisyon. 

Siguraduhing bumisita ka kaagad sa klinika ng doktor kung nakakaranas ka pa rin ng discharge mula sa ari o kung walang pagbabago ang kondisyon. Gayundin, kung may mataas na lagnat ka, magpatingin sa doktor.

Mga Pagbabago sa Pamumuhay

Dahil karamihan sa mga sanhi ng urethritis ay sinasabing dahil sa sexual activities, maaaring magmungkahi ang doktor ng ilang tips upang maiwasan ang kondisyong ito. 

Maaaring magbigay ang doktor ng ilang mungkahi tungkol sa condom tulad ng:

  • Gumamit ng external o internal condoms (male o female condoms) upang maiwasan ang pagkalat ng mga STI sa panahon ng vaginal, anal, at oral sex.
  • Suriing mabuti ang condom package. Huwag gumamit ng sirang condom. 
  • I-check ang expiration date ng condom bago gamitin.
  • Ang mga lumang condom ay dapat na itapon.
  • Maingat na alisin ang condom sa pakete. Huwag gumamit ng punit na condom.
  • Itago ang condom sa room temperature. 
  • Laging gumamit ng bagong condom tuwing nakikipagtalik ka. Huwag muling gamitin ang condom.
  • Palaging gumamit ng water-based lubricants na may male latex condom. Ang mga oil-based lubricants tulad ng petroleum jelly, baby oil, o lotion ay maaaring makasira ng latex.
  • Para sa water o oil-based lubricants, gumamit ng polyurethane/nitrile condom.

Maaaring magbigay ang iyong doktor ng mga sumusunod na tips upang maiwasan ang mga impeksyon na nakukuha sa pakikipagtalik (sexually transmitted infections (STIs):

  • Iwasang maghiraman ng mga tuwalya o damit
  • Hugasan ang iyong ari pagkatapos ng pakikipagtalik
  • Iwasan ang maraming sexual partners
  • Pigilan ang sexual activity kapag dumaranas ng anumang mga STI o STD

Tiyaking palagi kang gumagamit ng condom dahil pinoprotektahan ka nito at ang ka-partner mo laban sa mga STI at STD tulad ng syphilis, herpes simplex virus, at genital warts na kumakalat sa pamamagitan ng skin-to-skin contact.  

Matuto pa tungkol sa urological health, dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Urethritis/https://www.healthlinkbc.ca/healthlinkbc-files/urethritis/Accessed on 29/07/2020

Urethritis/https://www.healthnavigator.org.nz/health-a-z/u/urethritis/Accessed on 29/07/2020

Urethritis/https://ufhealth.org/urethritis/Accessed on 29/07/2020

Urethritis/http://www.antimicrobe.org/e14.asp/Accessed on 29/07/2020

Urethritis/https://www.health.harvard.edu/a_to_z/urethritis-a-to-z/Accessed on 29/07/2020

Urethritis/https://medlineplus.gov/ency/article/000439.htm/Accessed on 29/07/2020

Diseases Characterized by Urethritis and Cervicitis/https://www.cdc.gov/std/tg2015/urethritis-and-cervicitis.htm/Accessed on 29/07/2020

Etiologies of Nongonococcal Urethritis: Bacteria, Viruses, and the Association with Orogenital Exposure/https://academic.oup.com/jid/article/193/3/336/2191545/Accessed on 29/07/2020

Kasalukuyang Version

04/01/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Cystitis: Lahat ng Dapat Mong Malaman Tungkol Dito

Dugo Sa Ihi: Ano Ang Ipinapahiwatig Nito? Alamin Dito


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement