Karaniwan nang makakita tayo ng mga mushroom na basta na lang tumutubo o lumilitaw sa kung saan. Dahil dito, may mga taong nakahanap ng magandang paraan upang magamit ang nakakaing uri nito bilang bahagi ng kanilang lutuin. Ang pagdaragdag ng sangkap na ito sa pasta, burger, o sa mas kilalang mushroom burger steak ay hindi lamang nakapagpapasarap ngunit nagbibigay din ng sustansya at medikal na benepisyo. Alamin pa ang mga benepisyo ng mushroom dito.
Kilalanin Natin ang Mushroom
Kilala sa maliit, hugis kampanang anyo, ang mushroom ay magandang pagkunan ng mga sustansya kahit hindi ito karaniwang kasama sa listahan natin ng grocery.
Nagbibigay ito ng ilang vitamins at minerals, tulad ng:
- Vitamin B (B2, B3, B5, folate)
- Vitamin D
- Copper
- Phosphorus
- Selenium
- Potassium
Sa mga nakaaalam kung paano ito isasama sa kanilang menu ay alam na ang gamit nito. Ngunit sandali lang. Alam mo bang may mga benepisyo ang mushroom na higit pa sa inaasahan mo? Narito ang ilan sa mga benepisyo ng mushroom.
Nakatutulong ang Mushroom Upang Makontrol ang Timbang
Sinong mag-aakalang nakababawas ng sobrang timbang ang pagkain ng mushroom?
May parehong texture ang mushroom sa karne. Gayunpaman, hindi tulad ng karne, mababa sa calories, fat, at cholesterol ang mushroom. Kaya naman, maganda itong kainin ng mga taong nais magbawas ng timbang. Ayon sa preliminary investigation, may kasiya-siyang resulta ang pagkain ng low-caloric at high-volume food kaysa kumain ng karne. Kaya’t mabuting bawasan ang pang-araw-araw na pagkonsumo ng calorie at fat habang nakararamdam pa rin ng kabusugan at satisfaction.
Nakapagpapababa ng Blood Sugar Levels ang mga Mushroom
Dahil sa mga dietary fiber na mayroon ang nabanggit na fungi, mayroon ding ilang magandang benepisyo ang mushroom sa mga diabetic.
Ayon sa 2018 meta-analyses ng dietary fiber consumption at Type 2 Diabetes, ang pagkonsumo ng mataas na fiber diet ay nakatutulong upang mapababa ang tsansang magkaroon ng chronic condition. Kaya naman, makatutulong ang mushroom sa mga may diabetes upang makontrol nila ang kanilang blood sugar level.
Nakapagpapalakas ng Resistensya ang mga Mushroom
Mayroon itong nakapagandang kakayahang tulungan ang ating immune system. Nakaaapekto ito nang lubos sa mga specialized cell tulad ng:
- Hematopoietic stem cells
- Lymphocytes
- Macrophages
- T cells
- Dendritic cells
- Natural Killer cells
Kabilang din sa mga benepisyo ng mushroom ang anti-inflammatory properties nito na nakatutulong sa performance ng immune system. Pinalalakas nito ang tinatawag na macrophages upang mapaganda ang kakayahan ng sistemang labanan ang sumasalakay na mga germ na maaaring magdulot ng mga sakit.
Higit pa dyan, pinoprotektahan ng selenium at ergothioneine ng mga mushroom ang mga cell ng katawan mula sa pagkasira na nakaaambag sa pagkakaroon ng chronic diseases.
Maaaring Alternatibong Gamot ang Mushroom sa Iba’t Ibang Kondisyon
Marami sa mga tao ang nag-iisip na hindi talaga masustansya ang mushroom dahil sa katangian nito na pagiging fungi. Ngunit, isiniwalat ng nagdaang mga pag-aaral na nagamit na ito bilang gamot sa mga sakit. Ang pinakakilalang mga kondisyon na nakatulong ang mga mushroom ay:
- Sakit sa puso
- Diabetes
- Inflammatory diseases
- High blood pressure o altapresyon
- Cancer
Ang mga siyentipiko sa City of Hope ang ilan sa mga unang nakadiskubre kung paano napababagal ng mushroom ang pagtubo ng breast at prostate cancer cells sa mga cell culture at mga hayop. Ang mga plant compound at component na matatagpuan sa mushroom ay sinasabing may antioxidant, cardiovascular protector, antidiabetic, at anticancer medicinal properties.
Dagdag pa dyan, may ilang mga mushroom na mayaman sa physiologically active chemicals na may potensyal na therapeutic value sa Chinese medicine. Ilan sa mga halimbawa ng bioactive secondary metabolites na matatagpuan sa mushroom ay ang phenolic chemicals, sterols, at triterpenes.
May Brain-Protective Effect ang Pagkain ng Mushroom sa mga Matatanda
Tulad ng ibang gulay, mayroon itong anti-inflammatory at antioxidant properties na nakatutulong bilang proteksyon ng utak.
Napatunayang ang mataas na pagkonsumo ng mushroom ay nagbibigay proteksyon sa utak ng mas matatanda ayon sa dalawang epidemiological investigation. Ang mga component ng mushroom, partikular ang ergothioneine, ay maaaring makabawas sa pagbuo ng amyloid proteins na nauugnay sa dementia at nagsisilbing antioxidants.
Lumabas sa 2019 cross-sectional research na ang mga kumakain ng higit 2 servings ng mushroom bawat linggo ay may mas mababang panganib ng mild cognitive impairment. Ikinumpara ito sa mga kumakain nang mas kaunti sa 1 serving kada linggo (1 serving = ¾ tasang nilutong mushroom). Ang resulta, kinilala ng ilan ang mushroom bilang “superfood” para sa matatanda.
Gayunpaman, walang ibinibigay na katiyakan ang mga pag-aaral na ito. Ipinapakita lamang ng mga ito ang kaugnayan ng mga mushroom bilang bahagi ng iyong pagkain at pagpapababa ng panganib ng pagkawala ng memorya.
Key Takeaways
Talaga nga namang marami pa tayong maaaring matuklasan nang higit pa sa nakikita ng ating mga mata. Habang tinitingnan ng ilang tao ang mushroom bilang isang fungi sa kanilang hardin o bakuran, marami pa palang dapat malaman tungkol sa pangmalakasang pagkaing ito.
Ang mga nabanggit na benepisyo ng mushroom ay maaari mong ikonsidera upang isama ito sa susunod mong listahan kapag mamimili sa grocery.
Matuto pa tungkol sa special diets dito.
[embed-health-tool-bmr]