Karaniwan na sa atin ang nagpapa-check up lang kapag may nararamdaman na. Pero paano kung may paraan para maagapan ang sakit bago pa ito lumala? Ito ang layunin ng PhilHealth YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program. Ito ay isang programa na layuning gawing priority ang regular na pag-aalaga sa kalusugan at hindi lang sa pagpapagamot kapag may sakit na.
Ang PhilHealth YAKAP ay bahagi ng pagpapalawak ng primary care services sa bansa. Sa madaling salita, layunin nitong gawing mas madali para sa mga Pilipino ang pag-access sa pangunahing serbisyong pangkalusugan tulad ng konsultasyon, screening, laboratory tests, at ilang kinakailangang gamot. Isa rin itong mas pinalawak na bersyon ng dating PhilHealth Konsulta Program.
Ano ang saklaw ng PhilHealth YAKAP?
Sa ilalim ng programa, hinihikayat ang mga miyembro at kanilang mga dependent na magparehistro sa isang YAKAP-accredited primary care provider o clinic. Kapag rehistrado na, maaaring makatanggap ng mga serbisyong nakatuon sa pag-iwas at maagang pagtukoy ng sakit.
Kabilang sa mga benepisyong maaaring makuha ang:
- Regular na konsultasyon at health assessment
- Mga piling laboratory tests
- Access sa mga gamot para sa ilang karaniwang kondisyon
- Mga screening para sa ilang uri ng kanser
- Health counseling at preventive care
Kasama sa mga laboratory services ang ilang karaniwang test gaya ng blood sugar monitoring, lipid profile, urinalysis, chest X-ray, at iba pang pagsusuri depende sa pangangailangan ng pasyente. May mga cancer screening services din para sa piling kondisyon upang mas maagang matukoy ang posibleng problema sa kalusugan.
Sino ang maaaring makinabang?
Isa sa pinakamagandang bahagi ng YAKAP ay ang layunin nitong maging mas inklusibo. Ayon sa PhilHealth, maaaring makinabang ang lahat ng Pilipino, miyembro man o dependent, bata man o matanda, kapag nakarehistro sa isang YAKAP provider. (PhilHealth)
Kasama rito ang iba’t ibang grupo gaya ng mga bata, kasambahay, solo parent, persons with disability (PWD), overseas Filipino workers (OFWs), at iba pang sakop ng PhilHealth coverage.
May gamot din bang kasama?
Oo. Bahagi ng YAKAP ang pagbibigay ng access sa mga piling essential medicines para sa outpatient care. Kasama rito ang ilang gamot na ginagamit para sa karaniwang kondisyon gaya ng altapresyon, diabetes, impeksyon, hika, at iba pang kondisyon na nangangailangan ng tuloy-tuloy na gamutan. Patuloy ding pinalalawak ng PhilHealth ang listahan ng mga available na gamot sa ilalim ng programa.

Paano mag-register para sa PhilHealth YAKAP?
Ang pinakaunang kinakailangan ay maging rehistradong miyembro ng PhilHealth dahil kakailanganin dito ang iyong PhilHealth PIN. Kinakailangan ding up-to-date ang iyong mga kontribusyon dahil kung ikaw ay inactivee, maaaring hindi makapag-avail sa mga benepisyo ng PhilHealth.
Kung okay na ang iyong PhilHealth membership, maaaring mag-register gamit ang eGovPH app, PhilHealth Member Portal, kahit anong PhilHealth Local Health Insurance Office, o kaya sa iyong napiling YAKAP clinic. Sa pagpaparehistro, kailangan mong pumili ng accredited YAKAP clinic. Ang clinic na ito ang magiging primary care provider para sa YAKAP program kaya’t mahalagang pumili ng lokasyon na convenient para sa iyo.
Pagkatapos ng online registration ay kailangan mo ring pumunta sa napiling clinic upang tapusin ang registration doon. Dito, hihingin ng clinic ang ilang impormasyon tungkol sa iyong kalusugan upang makapagbigay ng wastong alaga. Kailangan mo ring pirmahan ang YAKAP Empanelment Slip na magsasabing sa napiling YAKAP clinic ka nakarehistro.
Pagkatapos mong gawin ang mga hakbang na ito, maaari ka nang makapag-avail sa PhilHealth YAKAP.
Bakit mahalaga ang ganitong programa?
Ayon sa mga eksperto sa public health, ang primary care ang isa sa pinakamabisang paraan para mabawasan ang paglala ng sakit at maiwasan ang hindi kinakailangang pagpapa-ospital. Sa halip na hintaying lumubha ang kondisyon, mas nabibigyan ng pagkakataon ang mga tao na mabantayan ang kanilang kalusugan nang mas maaga.
Sa huli, ang PhilHealth YAKAP ay paalala na ang pangangalaga sa kalusugan ay hindi lang para kapag may sakit na. Ang regular na pagpapatingin, tamang screening, at maagang paggamot ay maaaring maging susi para manatiling mas malusog para sa sarili at sa buong pamilya. Kung may nais pang malamang impormasyon, maaaring puntahan ang kanilang FAQ o kaya ay sumangguni mismo sa PhilHealth.