backup og meta

Higit 100,000 Katao Apektado ng Ashfall Mula sa Bulkang Mayon

Noong May 2 ay nagkaroon ng pagputok ang Bulkang Mayon, na nagdulot ng malawakang ashfall sa ilang bahagi ng Albay. Dahil dito, maraming komunidad ang naapektuhan, at muling naging sentro ng usapan ang kahalagahan ng paghahanda sa mga ganitong kalamidad.

Higit 100,000 Katao Apektado ng Ashfall Mula sa Bulkang Mayon

Ayon sa mga ulat, umabot na sa higit 100,000 katao ang naapektuhan ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon. Libo-libo rin ang napilitang lumikas upang makaiwas sa panganib. Sa ilang lugar, naging makapal ang pagbagsak ng abo na halos magdulot ng kadiliman kahit araw, na nakaapekto sa biyahe, trabaho, at pang-araw-araw na gawain ng mga residente. May mga paaralan at establisimyento rin na pansamantalang nagsara para sa kaligtasan ng lahat.

Hindi lang tao ang direktang tinamaan ng ashfall. Malaki rin ang naging epekto nito sa agrikultura. Ang mga pananim tulad ng palay at gulay ay natabunan ng abo, na maaaring magpahina o tuluyang pumatay sa mga ito. Malaking dagok ito sa mga magsasaka, dahil bukod sa epekto ng El Nino ay kinakailangan pa nilang harapin ang epekto ng ashfall na dulot ng pagputok ng Bulkang Mayon.

Pati ang mga alagang livestock tulad ng baka, kambing, at manok, ay naapektuhan ng ashfall. Ang paglanghap ng abo ay maaaring magdulot ng problema sa kanilang paghinga. Bukod dito, maaari ring makontamina ang kanilang pagkain at tubig, na lalong nagpapalala sa kanilang kondisyon. Ito ay dagdag pasanin sa mga pamilyang umaasa sa pag-aalaga ng hayop bilang kabuhayan.

Maliban sa agarang epekto, may pangmatagalang epekto rin ang ashfall sa kapaligiran. Ang makapal na abo ay maaaring magdulot ng pagbabago sa kalidad ng lupa at tubig. Bagama’t sa ilang pagkakataon ay maaaring maging pataba ang volcanic ash, sa simula ay maaari itong makasira sa balanse ng ecosystem, lalo na kung sobrang kapal ang deposito nito.

Mga panganib ng ashfall at ano ang dapat gawin

Mahalagang tandaan na ang ashfall mula sa Bulkang Mayon ay hindi simpleng alikabok lamang. Ito ay binubuo ng maliliit na piraso ng bato at mineral na maaaring makasama sa kalusugan. Kapag nalanghap, maaari itong magdulot ng ubo, iritasyon sa lalamunan, at hirap sa paghinga. Mas delikado ito para sa mga bata, matatanda, at may mga kondisyon tulad ng hika o sakit sa baga. Maaari rin itong magdulot ng pangangati sa mata at balat.

Bukod sa kalusugan, maaari ring maapektuhan ang suplay ng malinis na tubig at pagkain. Kapag nahaluan ng abo ang tubig, maaari itong maging hindi ligtas inumin kung hindi maayos na malilinis. Ang abo rin ay maaaring magdulot ng pinsala sa mga bubong ng bahay kapag naipon at nabasa, dahil bumibigat ito at maaaring magdulot ng pagbagsak.

Para maprotektahan ang sarili at pamilya, narito ang ilang praktikal na hakbang:

  • Manatili sa loob ng bahay hangga’t maaari, lalo na kung malakas ang ashfall
  • Gumamit ng face mask o kahit basang tela upang matakpan ang ilong at bibig kapag lalabas
  • Isara ang mga bintana at pintuan upang hindi makapasok ang abo
  • Iwasang kuskusin ang mata kapag may pumasok na abo; hugasan ito ng malinis na tubig
  • Linisin ang bubong at paligid ng bahay upang maiwasan ang pag-ipon ng mabigat na abo
  • Siguraduhing malinis at ligtas ang iniinom na tubig

Key Takeaways

Sa ganitong sitwasyon, napakahalaga ng pakikinig sa mga anunsyo ng lokal na pamahalaan at mga eksperto. Ang maagap na paglikas at pagsunod sa safety protocols ay makakatulong upang maiwasan ang mas malalang pinsala.
Sa huli, ang nangyayari sa Bulkang Mayon ay paalala na ang kalikasan ay may sariling lakas na hindi natin kayang kontrolin. Ngunit sa tamang kaalaman at paghahanda, mas kaya nating protektahan ang ating sarili, pamilya, at komunidad.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

  1. OCD: Over 102,000 people affected by eruption of Mayon Volcano, https://newsinfo.inquirer.net/2222929/ocd-over-102000-people-affected-by-eruption-of-mayon-volcano, date accessed May 4, 2026
  2. Mayon ashfall affects 91,225 people; livestock losses reported, https://newsinfo.inquirer.net/2222696/mayon-ashfall-affects-91225-people-livestock-losses-reported, date accessed May 4, 2026
  3. Panic in Philippines as Mayon volcano ashfall blankets towns in total darkness, https://www.scmp.com/news/asia/southeast-asia/article/3352320/panic-philippines-mayon-volcano-ashfall-blankets-towns-total-darkness, date accessed May 4, 2026
  4. Ashfall from Mayon displaces villagers, kills livestock, https://newsinfo.inquirer.net/2222801/ashfall-from-mayon-displaces-villagers-kills-livestock, date accessed May 4, 2026
  5. Philippines says thousands evacuated as Mayon Volcano erupts, https://www.straitstimes.com/asia/se-asia/philippines-says-thousands-evacuated-as-mayon-volcano-erupts, date accessed May 4, 2026

 

 

Kasalukuyang Version

05/04/2026

Isinulat ni Jan Alwyn Batara

Sinuri ang mga impormasyon ni Jan Alwyn Batara

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

'Super Flu' sa Pilipinas: Dapat ba itong ikabahala?

Cancer Assistance Fund Para Sa Mga Pasyente, Available Na Nga Ba?


Sinuri ang mga impormasyon ni

Jan Alwyn Batara


Isinulat ni Jan Alwyn Batara · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas