backup og meta

Gamot Sa Almoranas: Anu-Ano Ang Maaaring Gamitin?

Gamot Sa Almoranas: Anu-Ano Ang Maaaring Gamitin?

Ang almoranas ay karaniwang problema ng halos lahat ng tao, lalaki man o babae. Halos limampung porsyento ng mga tao ay nakakaranas ng mga sintomas ng almoranas sa edad na singkwenta.

Marami ang nagtatanong kung ano ang gamot sa almoranas, lalo na ang mga buntis at bagong panganak. Ito ay dahil nagdudulot ng dagdag na stress sa mga daluyan ng dugo sa may puwet ng babae ang dinadalang sanggol.

Ano Ang Almoranas?

Ang almoranas o hemorrhoid ay namamagang ugat na maaaring nabuo sa loob o labas ng tumbong. Kadalasan ito ay resulta ng pagpipilit habang dumudumi, pag-upo sa banyo ng matagal, o kapag ang stool ay matigas at mahirap ilabas.

Panlabas Na Almoranas

Ang panlabas na almoranas ay karaniwan ngunit pinakamahirap. Ito ay maaaring magdulot ng pagdurugo, pananakit, pangangati at pagbibitak ng tumbong at ng balat na malapit dito. Ang karaniwang gamot sa almoranas na ito ay yung tinatawag na home remedies. Maliban na lamang kung magkakaroon ng thrombus o namumuong dugo.

Panloob Na Almoranas

Nasa loob ng tumbong ang panloob na almoranas at karaniwang hindi ito nakikita o nararamdaman. Gayunpaman, maaaring makaranas ng walang sakit na pagdurugo kapag pinipilit na dumumi. Mapapansin mo na lang ang bahagya ngunit matingkad na pulang dugo sa banyo.

Ano Ang Gamot Sa Almoranas?

Ang mga sintomas ng almoranas tulad ng pananakit at pagdurugo ay maaaring tumagal ngunit kadalasan ay nawawala na lamang. May mga pansamantalang hakbang na pwede mong gawin upang maibsan ang sintomas ng almoranas. Maaari din  kumunsulta sa isang doktor kung malubha ang iyong sintomas.

Natural Na Remedyo Sa Almoranas

May mga natural na remedyo upang maibsan ang sintomas ng almoranas. Karamihan dito ay mga simpleng pagbabago sa iyong pamumuhay gaya ng sumusunod:

  • Magdagdag ng fiber sa diet gaya ng gulay, prutas at butil
  • Uminom ng maraming tubig
  • Iwasan ang pagpipilit dumumi
  • Warm sitz bath o pagbabad ng pwet sa maligamgam na tubig
  • Paglagay ng ice packs upang maibsan ang pamamaga

Over-The-Counter Na Gamot Sa Almoranas

May mga topical medications para sa sintomas ng almoranas na maaaring mabili sa botika. Ang mga over-the-counter creams, ointments at iba pang gamot ay pwede pansamantalang remedyo sa pananakit, pangangati at pamamaga ng tumbong. 

Operasyon 

Kapag di nakatulong ang natural o over-the-counter na remedyo, at kung malaki ang almoranas, maaaring kailangan ng operasyon para dito. May iba’t-ibang paraan na maaaring gamitin ng doctor para matanggal ang almoranas gaya ng laser, goma (rubber band ligation), kemikal (sclerotherapy), o scalpel. 

Dalawang uri ng operasyon para sa panlabas na almoranas:

  • Paghiwa sa namuong dugo sa panlabas na almoranas at pag-alis ng dugo galing dito. Ito ay ginagamitan ng local anesthesia. Hindi man nito inaalis ang mismong almoranas, maaari naman itong makapagbigay ng mabilis na lunas kapag naisagawa sa loob ng 48 oras ng pagbuo ng almoranas.
  • Ang pangalawang paraan ay tinatawag na Hemorrhoidectomy, isang operasyon upang alisin ang panloob o panlabas na almoranas . Ito ay ginagamitan ng general anesthesia at ganap na nag-aalis ng almoranas.

Mga Paraan Ng Pag-Iwas Sa Almoranas

Maraming pagpipiliang gamot sa almoranas, ngunit mas mabuting iwasan na lamang ang kondisyong ito. Mas mainam pa rin panatilihin ang kalusugan ng iyong bituka upang maiwasan ang problema sa pagdumi na maaaring mauwi sa almoranas.

Bukod sa pagpuno sa katawan ng pagkaing mayaman sa hibla o fiber, makakatulong din ang pag-inom ng sapat na tubig araw-araw. Ang pisikal na aktibidad gaya ng ehersisyo at pagsali sa isports ay makakatulong na natural na paggalaw ng bituka. Ugaliin ang regular na pagdumi at iwasang maantala ito.

Tandaan, hindi lamang gamot sa almoranas ang solusyon sa problema. Ang mga simpleng pagbabago sa iyong pamumuhay ay maaaring magtaguyod ng iyong pangkalahatang kalusugan.

Matuto pa tungkol sa Hemorrhoids dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Kasalukuyang Version

09/23/2022

Isinulat ni Lovely Carillo

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Mga Uri Ng Almoranas? Heto Ang Lahat Ng Dapat Mong Malaman

Anu-Anong Mga Pagkain Ang Bawal Sa Almoranas?


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Lovely Carillo · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement