Ang mga sakit sa baga ay mga sakit na negatibong nakaaapekto sa mga baga. Upang mauri kung anong kondisyon ang nakaaapekto sa pasyente, kailangan munang alamin ng doktor kung ito ba ay obstructive o restrictive lung disease. Maaaring maging mahirap sa una ang pagtukoy sa mga pagkakaiba ng obstructive at restrictive lung disease. Narito ang mga dapat malaman tungkol sa dalawang uri ng mga kondisyon sa baga.
Mga Sanhi Ng Obstructive At Restrictive Lung Disease
Sa pangkalahatan, ang obstructive lung diseases ay nagiging dahilan upang mahirapan ang isang tao na ilabas ang hangin mula sa kanyang baga. Sa kabilang banda, ang mga taong may restrictive lung diseases ay nahihirapang huminga.
Nangyayari ang obstructive lung disease kung ang mga daanan ng hangin ay namamaga, na nagiging dahilan ng lubhang pagkitid ng mga ito. Kung ang mga ito ay lumiit, bumabagal ang paglabas ng hangin, na nag-iiwan ng hindi karaniwang dami ng hangin sa mga baga. Ang pagtaas ng antas ng paghinga habang nag-eehersisyo ay bahagyang nagbibigay sa baga ng sapat na oras upang maglabas ng hangin. Kaya naman, habang nagsasagawa ng mga matitinding gawain, ang mga taong may obstructive lung disease ay mas nahihirapang huminga.
Sa kabilang banda, ang restrictive lung disease ay mga sakit na nakapagpapababa sa dami ng hangin sa baga. Ito ay maaaring maiugnay sa panghihinga ng muscles, pagkasira ng nerve, o ikalawang pamamaga ng tissues ng baga mula sa kondisyong tulad ng interstitial lung diseases (ILD). Ang taong may restrictive lung disease ay nahihirapang ganap na palakihin ang kanilang mga baga sa tuwing lumalanghap ng hangin. Gayundin, ang restrictive lung disease ay may kaugnayan sa pagbaba ng kakayahan ng baga.
Mga Kondisyon Sa Baga Na Obstructive At Restrictive
Obstructive
Ang ilan sa mga sakit sa baga na iniuuri bilang obstructive ay ang mga sumusunod:
- Chronic obstructive pulmonary disease (COPD). Ito ay tumutukoy sa grupo ng mga kondisyon sa baga na nagreresulta sa mga kahirapan sa paghinga. Ang emphysema at chronic bronchitis ay kabilang dito.
- Asthma. Ito ay nagiging sanhi ng malubhang pamamaga ng mga daanan ng hangin.
- Bronchiectasis. Inilalarawan ito bilang hindi normal na paglaki ng mga baga. Maaari itong humantong sa pamumuo ng mucus. Ito ay nagiging dahilan upang ang baga ay maging mas madaling kapitan ng mga impeksyon.
- Bronchiolitis. Ito ay kadalasang nangyayari dulot ng virus na nagiging sanhi ng pamamaga at pagsisikip ng bronchioles. Ang impeksyong ito sa baga ay laganap sa mga sanggol at mga bata.
- Cystic fibrosis (CF). Ito ay isang namamana, malubha, ay posibleng nakamamatay na kondisyong nakaaapekto sa respiratory at digestive system ng isang tao. Nakaaapekto ang CF sa paglabas ng fluid sa katawan sa pamamagitan ng pagkapal at pagiging malagkit ng fluid na ito. Kaya naman, nagiging barado ang mga daanan sa mga baga at pancreas.
Restrictive
Ang mga kondisyon sa baga na restrictive ay ang mga sumusunod:
- Pneumoconiosis. Ang ganito uri ng sakit sa baga ay nati-trigger ng paglanghap ng mga alikabok na nakapipinsala sa mga baga.
- Eosinophilic pneumonia. Ito ay tumutukoy sa mga sakit sa baga kung saan maraming eosinophil, isang uri ng white blood cell, ang matatagpuan sa mga baga.
- Sarcoidosis. Ito ay isang bihirang sakit na nagdudulot ng pamamaga. Nangyayari ito kung ang namamagang tissues (granulomas) ay lumalaki sa iba’t ibang organs ng katawan.
- Pulmonary fibrosis at idiopathic pulmonary fibrosis. Ang mga ito ay tumutukoy sa pagkakapilat o pagkasira ng tissues sa baga. Ang mga tumigas na tissues na may pilat ay nagiging dahilan upang mahirapan sa paggana ang mga baga at maging sanhi ng kakapusan sa paghinga.
- Asbestosis. Ang kondisyong ito ng baga ay nangyayari sa isang taong nakalalanghap ng asbestos. Humahantong ito sa pangmatagalang pagkakapilat at pamamaga sa mga baga.
- Silicosis. Ang mga taong may silicosis ay nakararanas ng mga problema sa paghinga na sanhi ng madalas na pagkakalanghap ng silica na naglalaman ng mga alikabok. Ang particles na ito ay maaaring bumara sa mga daanan ng hangin at maging sanhi ng pamamaga at pagkakapilat.
Obstructive o Restrictive
Ang ilang mga sakit sa baga ay maaaring obstructive o restrictive:
- Pneumonia. Ito ay mailalarawan sa pamamagitan ng pamamaga ng air sacs ng isa o parehong mga baga. Ito ay sanhi ng impeksyong dulot ng bakterya, virus, o fungi.
- Acute respiratory distress syndrome (ARDS). Ito ay isang malubhang sakit na baga. Nangyayari ito kung may pamumuo ng fluids sa air sacs ng mga baga. Ang fluid na ito ay nakahahadlang sa baga na panatilihin ang maraming hangin. Kaya naman, nababawasan ang dami ng oxygen sa mga daluyan ng dugo.
- Tuberculosis (TB). Ang lubhang nakahahawang sakit na ito ay sanhi ng bakteryang tinatawag na Mycobacterium tuberculosis. Karaniwan nitong tinatarget ang mga baga, ngunit maaari ding makahawa ng ibang organs.
Diagnosis
Upang matukoy ang uri ng sakit sa baga na nakaaapekto sa pasyente, ang doktor ay kadalasang nagmumungkahi ng pulmonary function tests (PFTs) o tests na sumusukat sa paggana ng mga baga ng isang tao. Ang mga ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng paghipan ng hangin sa spirometer. Kumakalkula ito sa dami ng hanging inilalabas at nilalanghap at kung gaano katagal ilabas ang mga hangin sa baga. Nakatutulong ang spirometry test upang matukoy ang uri at kalubhaan ng sakit sa baga.
Dagdag pa, maaaring irekomenda ng mga doktor sa pasyente ang pagsailalim sa maraming tests upang makumpira ang diagnosis:
- Pulse oximetry at/o arterial blood gas. Sinusukat ng test na ito ang saturation ng oxygen sa dugo.
- Imaging tests tulad ng chest x-ray at CT scans. Ito ay nagbibigay ng mas mainam na paglalarawan ng tissue ng baga at iba pang mga istruktura.
- Bronchoscopy. Isinasagawa ang prosesong ito sa pamamagitan ng pagpapasok ng bronchoscope sa ilong, pababa sa lalamunan, at papunta sa mga baga. Sa tulong nito ay nakikita ng doktor ang sitwasyon sa loob ng mga daanan ng hangin ng pasyente.
Key Takeaways
Ang pagkakaiba sa pagitan ng obstructive at restrictive lung disease ay bahagyang mahirap na matukoy. Ito ay dahil ang mga ito kinakikitaan ng halos mga parehong sintomas. Kung nakararanas ng kakapusan o kahirapan sa paghinga, pinakamainam na kumonsulta agad sa doktor upang magkaroon ng opisyal na diagnosis.
Bagama’t karamihan ng obstructive at restrictive lung disease ay hindi nalulunasan, maraming mga gamutan ang maaaring makatulong sa pagkontrol ng mga sintomas.
Matuto pa tungkol sa iba pang mga problemang respiratory dito.