brand logo
Matuklasan
Mga tool sa kalusugan
Komunidad
Pangangalaga

Patalastas

Share

Ketong o Leprosy: Sanhi, Sintomas, Paggamot, At Pag-Iwas Sa Sakit Na Ito

Isa ang ketong sa mga kinatatakutan na sakit ng mga tao dahil pwede nitong mapinsala ang balat, ilong , mata, muka, at maging ang mga nerve ng ating katawan. Ang ketong ay kilala rin sa katawagan na leprosy, habang sa larangan ng medisina tinatawag itong “Hansen’s disease.” 

Ketong o Leprosy: Sanhi, Sintomas, Paggamot, At Pag-Iwas Sa Sakit Na Ito

Ayon sa mga iba’t ibang artikulo at pag-aaral, ang ketong ay isang mabagal na sakit pero progresibo na bunga ng bakterya na Mycobacterium leprae. Sa oras na naapektuhan ka ng sakit na ito, karaniwang nagsisimula ito sa balat na maaaring magdulot ng discomfort, pantal, sugat at iba pang sintomas.

Basahin ang artikulong ito para sa iba pang mahahalagang impormasyon tungkol sa leprosy.

Ano ang itsura at pwedeng maranasan sa pagkakaroon ng ketong?

Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng ketong pwede siyang magkaroon ng parang puti-puti o kaya’y pula-pulang mga pantal. Kung saan sa pagtagal ang mga pantal na ito ay nagiging nodules o bukol-bukol — at magiging abo ang kulay. Dagdag pa rito, kasabay ng mga pagbabago sa balat ang pagkakaroon ng mga pamamanhid sa mga sumusunod:

  • Braso
  • Kamay
  • Binti
  • Paa
  • Mukha

Maaari rin na makaranas ang taong may leprosy ng paglalagas ng buhok at mawalan ng kakayahan ang balat na magpawis. Bukod pa rito, ayon sa mga kasong naitala pwedeng magkaroon ng sugat-sugat ang mga balat, at isa-isang mawala ang sariling mga daliri sa paa at kamay.

Ano ang sanhi ng ketong?

Ang nag-iisang dahilan ng ketong ay ang bakterya na tinatawag na Mycobacterium leprae. Ang bakterya na ito ay matatagpuan lamang sa mga tao at ilang uri ng unggoy. Dagdag pa rito, ang bakterya na ito ay mahilig manirahan sa mga lugar na mainit at nagtataglay ng tropikal na klima tulag ng Pilipinas.

Anu-ano ang sintomas ng ketong?

Sa oras na makakuha ka ng leprosy pwedeng hindi mo agad maramdaman ang mga sintomas dahil maaaring lumabas ito pagkatapos ng 3-5 taon ng pagkakahawa. Sa iba pang mga kaso pwedeng magkaroon ka lamang ng sintomas pagkatapos ng 20 taon.

Narito ang mga sintomas na maaaring maranasan sa leprosy:

  • Pagkakaroon na mga parang pantal o an-an na may kasamang pamamanhid ng mga braso, binti, kamay, mukha, at paa
  • Mga pantal o an-an na tila hindi gumagaling
  • Pagkakaroon ng bukol-bukol na balat
  • Pagiging pula o kulay abo ng balat
  • Panghihina ng muscles
  • Pagkakaroon ng paglalagas ng buhok
  • Kawalan ng kakayahan ng balat na magpawis

Tandaan, sa oras na hindi magamot agad ang leprosy pwedeng humantong ito sa pagkawala ng iyong mga daliri sa paa at kamay. Maaaring maganap ang pagkaubos ng mga daliri nang hindi namamalayan ng pasyente, dahil pwede itong mabulok at maagnas.

Paano maaaring mahawaan ng leprosy?

May posibilidad na mahawa ang isang tao ng ketong sa pamamagitan ng paglanghap ng mga droplet na nagmumula sa pasyenteng may leprosy. Gayunpaman, hindi naman ito agarang nakakahawa dahil hindi ito tulad ng bulutong na mabilis na naipapasa o nakakahawa. Kinakailangan mgagkaroon ng paulit-ulit at matagal na exposure o pakikihalubilo ang isang taong sa pasyenteng may leprosy para ganap silang mahawa.

Anu-ano ang risk factors ng leprosy?

Narito ang list ng mga salik na pwedeng maging sanhi ng pagkakaroon ng kondisyong ito:

  • Pagiging bata
  • Pagkakaroon ng mahinang resistensya
  • Pagtira at exposure sa mga lugar na laganap ang ketong
  • Pagkakaroon ng mga kamag-anak o pasyenteng may sakit na leprosy
  • Pagkakalantad sa mga taong may leprosy dahil isa kang doktor o nurse
  • Pag-aalaga ng mga hayop na pwedeng nagtataglay ng bakterya na Mycobacterium leprae gaya ng African chimpanzee

Paano maiiwasan ang leprosy?

Narito ang ilang tips para maiwasan ang ketong:

  • Pag-iwas sa pakikihalubilo nang matagal sa mga taong may leprosy
  • Umiwas sa mga lugar kung saan may mataas na bilang na kaso ng leprosy
  • Huwag mag-alaga ng hayop na pwedeng nagtataglay ng bakterya na Mycobacterium leprae
  • Magkaroon ng healthy lifestyle at diet para palakasin ang resistensya
  • Ugaliin na mapanatiling malinis ang katawan at iyong kapaligiran

Key Takeaways

Ang ketong noon ay sobrang kinatatakutan dahil wala itong lunas. Ngunit sa panahon ngayon, pwede na mabigyan ng lunas ang sakit na ito sa pamamagitan ng mga antibiotics at gamot na maaaring irekomenda ng doktor sa iyong pagpapakonsulta o pagpapatingin. Kapag nakita na ang iyong leprosy ay malubha na maaaring mas magtagal ang gamutan para dito. Huwag mo ring kakalimutan na sa oras na may makitang kakaiba sa iyong balat at nakaranas ng ilang mga sintomas na nabanggit kaugnay sa leprosy, magpakonsulta agad sa doktor para sa wastong diagnosis, payo, at paggamot.

Matuto pa tungkol sa Nakakahawang Sakit sa Balat dito.

medical
Hello Doctor Medical Panel
Narebyung medikal ni
General Practitioner
Isinulat ni Lornalyn Austria · Na-update noong 3 linggo na ang nakalipas