Totoong nakakapawi ng pagod ang mga ngiti ng bagong panganak na bata. Iba ang sigla at saya na naibibigay ng mga sanggol sa kanilang magulang. Kaya naman hindi maitatanggi na malaking bagay para sa isang ina at ama ang bawat pagkilos ng kanilang baby, dahil para sa kanila isa itong “milestones” na dapat ipagmalaki at tandaan.
Kaugnay nito, may mga pagkakataon na hindi maiiwasan ng mga magulang ang mag-alala para sa kanilang bagong silang na anak. Lalo na kung mapapansin nila na madalas nararanasan ng sanggol ang kawalan ng pagkontrol sa kanilang pagkilos. Subalit ang ganitong alalahanin ay hindi dapat lubos na ipag-alala lalo na kung nasa unang 8 linggo ang bata, dahil lahat ng kanilang galaw at pisikal na aktibidad ay “involuntary” o “reflex.”
Para mas maunawaan ninyo kung bakit nararanasan ng sanggol ang kawalan ng kontrol sa sarili sa unang 8 linggo, patuloy na basahin ang artikulong ito.
Bakit Nararanasan Ng Sanggol Ang ‘Reflex’ Na Pagkilos?
Mapapansin sa maraming galaw ng iyong sanggol sa kanilang unang 8 linggo ay nagagawa sa pamamagitan ng reflex. Ibig sabihin nito ang paggalaw ng bata ay hindi sinasadya (involuntary) o nagaganap ang paggalaw kahit hindi sinusubukan ng iyong baby.
Maaaring makita ang kanilang involuntary na paggalaw sa pamamagitan ng paglalagay mo ng iyong daliri sa kanilang bibig. Kung saan pwedeng gumawa ng pagkilos ng paghigop ang iyong baby nang hindi nila kinokontrol.
Tandaan na ang hindi sinasadyang pagkilos ng bata ay normal nararanasan ng sanggol dahil bahagi ito ng kanilang normal na aktibidad bilang bagong panganak.
Bakit Mahalaga Ang Reflexes Ng Mga Bagong Panganak Na Sanggol?
Ang hindi sinasadyang paggalaw o pagkilos ay tinatawag na reflexes. Ang ilang mga paggalaw ay kusang-loob at hindi nakokontrol. At ang ibang reflexes naman ay tugon sa ilang mga aksyon.
Mahalaga ang reflexes para sa pagsusuri ng mga healthcare provider para matukoy kung gumagana nang maayos ang utak at nervous system ng isang sanggol. Gayunpaman, ang ilang reflexes ay nagaganap lamang sa unang 8 linggo at sa ilang mga tiyak na panahon ng pag-unlad. Narito ang mga sumusunod na normal na reflexes na nakikita sa mga bagong silang na sanggol:
Ang stepping reflex ay kilala rin sa tawag na “walking” o “dance reflex.” Maaaring makita sa bata ang reflexes na ito sa pamamagitan ng pagsuporta at hawak sa ilalim ng kanyang kilikili o balikat para makatayo siya. Sa oras na makatayo ang bata at sumayad ang kanyang paa sa sahig makikita ang kanyang paghakbang at tumatagal ang reflex na ito ng 2 buwan.
Nagsisimula ang rooting reflex kapag ang sulok ng bibig ng sanggol ay hinaplos o hinawakan. Makikita na ang baby ay iikot ang kanyang ulo at bubuksan ang kanyang bibig para sumunod sa direksyon ng paghaplos.
Ang reflexes na ito ay nakakatulong sa sanggol para mahanap ang suso o bote para makakain at ang reflex na ito ay tumatagal ng 4 na buwan.
Kadalasang tinatawag na “startle reflex” ang moro reflex. Nagaganap ito kapag ang isang baby ay nagulat sa isang malakas na tunog o paggalaw. Bilang tugon nila sa tunog, ibinabaling o ibinabalik ng baby ang kanyang ulo, iniunat ang kanyang mga braso at binti, umiiyak, pagkatapos ay hinihila nila pabalik ang kanilang mga braso at binti.
Dagdag pa rito, ang pag-iyak ng sanggol ay maaari rin mag-trigger ng kanyang moro reflex. Ang reflex na ito ay tumatagal ng humigit-kumulang 2 buwan.
Kapag ang ulo ng isang baby ay nakabaling sa isang side o bahagi, ang kanilang braso sa gilid na iyon ay nakaunat at ang kabilang braso naman nila ay nakayuko sa siko. Ang tawag sa ganitong involuntary movement ay tonic neck reflex, kung saan kilala rin ito bilang “fencing position.”
Ang tonic neck reflex ay maaaring tumagal ng humigit-kumulang 5 hanggang 7 buwang gulang.

Ang paghaplos sa palad ng kamay ng sanggol ay nagiging dahilan din ng pagsara ng mga daliri ng baby. Tinatawag itong “grasp reflex” na tumatagal ng humigit-kumulang 5 hanggang 6 na buwang gulang. Ang katulad na reflexes sa mga daliri ng paa ay tumatagal naman ng 9 hanggang 12 buwan.
Key Takeaways
Kung nararanasan ng sanggol ang pagkawala ng kontrol sa kanilang pagkilos sa kanyang unang 8 linggo, huwag kang mag-aalala dahil normal lang ito. Ang pagkakaroon nila ng involuntary movements at reflexes ay bahagi ng kanilang pag-unlad.
Dagdag pa rito, ang ilang reflexes ay hindi lamang nagaganap sa unang 8 linggo. Pwede rin makita ito sa ilang mga tiyak na panahon ng pag-unlad. Ang stepping, rooting, moro, tonic neck, at grasp reflex ang ilan sa mga reflex ng baby.
Ugaliin rin na ipatingin sa doktor ang anak, lalo na kung may mapapansin kayong kakaiba sa kalusugan ng iyong anak.
Matuto pa tungkol sa Unang Taon ni Baby dito.