Ano Ang Bunion At Paano Nade-Deform Ang Daliri Sa Paa?
May mga pagkakataon na hindi alam ng isang tao ang kung ano ang uri ng kondisyon ang mayrooon siya dahil sa iba’t ibang factors, gaya ng kakulangan sa kaalaman tungkol sa sakit na umiiral sa sarili. Isa sa mga halimbawa ng mga kondisyon na kadalasan na hindi alam ng tao ay ang bunion. Kung saan ang bunion ay isang deformity sa paa na maaaring maging sanhi ng iyong pag-aalala dahil sa karaniwang nagiging itsura nito. Kaya naman basahin mo ang artikulong ito para malaman kung ano ang bunion, at paano nagkakaroon ang isang tao nito.

Ano Ang Bunion?
Ang bunion (hallux valgus) ay isang deformity ng paa, kung saan nabubuo ang bukol sa labas na base ng hinlalaki sa paa. Maaari rin na tukuyin ang bunion bilang isang masakit na “bony bump.” Kung saan pwedeng magkaroon ang isang tao nito kapag ang ilan sa kanilang mga buto sa harap na bahagi ng paa ay nawala sa lugar, na nagreresulta ng pagbabago sa pagkakahanay ng kanilang mga buto. Ang malilit na bunion (bunionettes) ay maaaring mabuo sa kasukasuan ng iyong hinliliit.
Paano Nagkakaroon Ng Bunion Ang Isang Tao?
Kadalasang umuunlad nang mabagal ang bunion, at ang pagpindot sa kasukasuan ng hinlalaki sa paa ay nagiging dahilan ng paghilig ng hinlalaki sa paa patungo sa pangalawang daliri. Sa paglipas ng panahon nagbabago ang normal na posisyon ng ating mga buto, tendons, at ligaments, na nagreresulta sa deformity. Kadalasan, ang bunion ay unti-unting lumalala sa paglipas ng panahon, at pwedeng maging masakit para sa atin ang pagsusuot ng sapatos o paglalakad.
Karamihan sa bunion ay nabubuo sa pagtanda at pwedeng resulta ito ng paulit-ulit na micro-trauma, at mula sa pagsusuot ng sapatos na may heel lift at makitid na kahon ng daliri.
Dagdag pa rito, maraming mga teorya tungkol sa kung paano nabuo ang bunion ayon sa Mayo Clinic. Gayunpaman sinasabi rin na pwedeng nabuo ang bunion dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:
- Manang uri ng paa o inherited foot type
- Stress o pinsala sa paa
- Mga deformidad na naroroon sa kapanganakan
Sino Ang Mas Madalas Magkaroon Ng Bunion?
Ang bunion ay mas karaniwan sa mga babae kaysa sa mga lalaki. Ayon sa mga artikulo at pag-aaral ang mga taong nagkakaroon nito ay may family history ng bunion. Nagmumungkahi ito na mayroong malaking bahagi ang genetic component sa pagbuo ng bunion sa paa. Bukod pa rito, maaaring nauugnay ang bunion sa ilang partikular na uri ng arthritis, lalo na sa mga inflammatory types, gaya ng rheumatoid arthritis. Kaya naman ang mga taong may ganitong karamdaman at kondisyon ay may posibilidad rin na magkaroon ng bunion.
Anu-Ano Ang Sintomas Ng Bunion?
Narito ang mga palatandaan ng bunion na dapat mong malaman:
- Corns o kalyo, kadalasang nabubuo kung saan ang una at pangalawang daliri ay nagkikiskisan sa isa’t isa
- Patuloy na pagsakit ng daliri o pagsakit na biglang dumarating at nawawala
- Limitado ang paggalaw ng hinlalaki sa paa
- Isang nakaumbok na bukol sa labas ng base ng iyong hinlalaki sa paa
- Pamamaga, pamumula o pananakit sa paligid ng iyong big toe joint
Anu-Ano Ang Risk Factors Ng Bunion?
Narito ang mga risk na pwedeng magpataas ng iyong posibilad sa pagkakaroon ng bunion:
- Hindi angkop na sapatos — Ang mga taong nagsusuot ng sapatos na masyadong masikip, masyadong makitid o masyadong matulis ay mas malamang na magkaroon ng bunion.
- Heredity o namana — Ang posibilidad na magkaroon ng bunion ay maaaring resulta ng isang minanang problema sa istraktura o anatomya ng iyong paa.
- Mataas na takong – Ang pagsusuot ng matataas na takong ay nagiging dahilan upang pilitin ang iyong mga daliri sa paa na magsiksikan at magkiskisan para maisuot ang high heels.
- Rheumatoid arthritis — Ang pagkakaroon ng ganitong kondisyon ay maaaring maging sanhi ng bunion.
Anu-Ano Ang Mga Posibleng Komplikasyon Ng Bunion?
Narito ang mga komplikasyon na pwedeng maranasan dahil sa bunion:
- Hammer toe — Ito ang abnormal na pagbaluktot na nagaganap sa gitnang kasukasuan ng isang daliri ng paa. Kadalasan ang daliri ng paa sa tabi ng iyong hinlalaki ay maaaring magdulot ng pananakit at presyon.
- Metatarsalgia — Ang kundisyong ito ay nagdudulot ng pananakit at pamamaga sa ball ng iyong paa.
- Bursitis — Ang painful condition na ito ay nagaganap kapag ang small-fluid-filled pads na bumabalot sa mga buto malapit sa iyong mga kasukasuan ay namamaga.
Kailan Ka Dapat Magpakonsulta Sa Doktor?
Bagama’t madalas na hindi nangangailangan ng medikal na paggamot ang bunion, huwag mo pa ring kakalimutan na magpatingin sa eksperto sa paggamot sa mga sakit sa paa (podiatrist o orthopedic foot specialist) kung mayroon ka ng mga sumusunod:
- Patuloy na pananakit ng hinlalaki o paa
- May malaking bukol sa iyong big toe joint
- Nabawasan ang paggalaw ng iyong hinlalaki sa paa o ang iyong mismong paa
- Nahihirapang maghanap ng mga sapatos na kasya nang maayos dahil sa bunion
Key Takeaways
Dagdag pa rito, isang magandang hakbang rin na maging maingat sa sapatos na bibilhin. Dapat na masigurado mo na magiging komportable ang iyong mga paa at kasya ito sa’yo. Lagi mo ring tatandaan na dapat ang iyong mga sapatos ay umaayon sa hugis ng iyong mga paa. Siguraduhing hindi pinipiga o pinindot ang anumang bahagi ng iyong paa at daliri.
Matuto pa tungkol sa Orthopedics dito.