Ano Ang Ibig Sabihin Ng Grado Ng Mata? Alamin Dito
Mahalaga ang pagsasagawa ng regular na test sa mga mata para malaman ang grado ng mata natin at mapanatili ang pagiging matalas ng ating paningin. Asahan mo na titingnan ng doktor sa mata, optometrist, o ophthalmologist, ang anumang mga palatandaan ng sakit sa mata na mayroon ka habang isinasagawa ang test sa’yong mga mata. Kapag nakita ng doktor na kailangang itama ang iyong paningin, bibigyan ka ng reseta para sa mga salamin sa mata o contact lens.

Bagamat maraming tao ang pamilyar sa ganitong gawain ng mga doktor sa mata, hindi pa rin maitatanggi na walang kaalaman ang ilan sa mga tao pagdating sa ibig sabihin ng grado ng mata. Ang kanilang kawalan sa kaalaman sa bagay na ito ay nauuwi kung minsan sa kakulangan nang pagbibigay ng angkop na treatment sa kondisyon at pangangailangan ng mata.
Kaya naman basahin ang artikulong ito para malaman kung ano ang ibig sabihin ng grado ng mata at malaman ang mga mahahalagang impormasyon tungkol dito.
Grado Ng Mata
Ang grado sa mata ay tumutukoy sa vision problem ng isang tao na kung tawagin ay “refractive errors.” Nagaganap ito kapag ang iyong eyeball ay hindi pangkaraniwan ang haba o ang laki, at maaaring hindi pantay o perpekto ang hugis ng iyong cornea. Bukod pa rito, sa mga karaniwang kaso nagkakaroon ng grado sa mata ang isang tao bilang bahagi ng kanyang pagkakaroon ng edad o pagtanda.
4 Na Uri Ng Panlalabo Ng Mata
Ang grado ng mata ay may kaugnayan sa paglabo ng paningin at pagkakaroon mo ng refractive errors. Kung saan mayroong tayong apat na uri ng refractive errors o panlalabo ng mata, narito ang mga sumusunod:
- Nearsightedness o myopic — ito ang malabong paningin sa pangmalayuan
- Farsightedness o hyperopic — malabong paningin sa malapitan
- Astigmatism — pagkakaroon ng malabong paningin sa malayuan at malapitan
- Presbyopia — isa itong age-related eye condition na mas nagiging kapansin-pansin kapag ang isang tao ay nasa edad 40 pataas. Ang dahilan sa kondisyong ito ay dahil nahihirapan na ang ating mata na magpokus sa mga malalapit na bagay. Kung saan dahilan ito para maging mas mahirap para sa atin ang pagbasa ng maliliit na text
Dagdag pa rito, ayon sa mga ekspertoang antas ng panlalabo ng mata ng tao ay nakadepende sa kung gaano kataas ang grado ng isang pasyente at refractive errors na nararanasan.
Maaari Bang Magkaroon Ng Higit Sa Isang Uri Ng Panlalabo Ang Isang Tao?
Para sa tanong na ito, ang sagot ay “oo” dahil pwedeng magkaroon ng kombinasyon ng panlalabo ng mata ang isang tao. Maaaring kombinasyon ng nearsightedness at astigmastism, o kaya naman ay farsightedness at astigmatism. Gayunpaman, pwede itong maitama sa pamamagitan ng pagsusuot mo ng contact lenses, prescription eyeglasses, at LASIK/refractive surgery.
Sino Ang Pwedeng Magkaroon Ng Refractive Errors?
Pwedeng magkaroon ng panlalabo ng mata ang kahit sino, anuman ang iyong edad at kasarian. Gayunpaman maraming pagkakataon na namamana ang pagkakaroon ng refractive errors sa mga magulang. Sa madaling sabi, kung mayroon ang iyong magulang ng kondisyon na ito ay maaaring magkaroon ka rin nito.
Mahalagang Paalala
Ugaliin na magpakonsulta sa doktor sa oras na makaranas ka ng panlalabo ng iyong mga mata. Iwasan ang pag-inom ng anumang mga gamot lalo na kung wala naman itong pahintulot ng doktor. Mas maganda kung makakakuha ka ng medikal na payo at diagnosis upang malaman mo rin ang kalubhaan ng iyong grado sa mata at makakuha nang angkop na medikal na paggamot at remedy.
Key Takeaways
Matuto pa tungkol sa Paglabo at Pagkawala ng Paningin dito.