brand logo
Matuklasan
Mga tool sa kalusugan
Komunidad
Pangangalaga

Patalastas

Share

Alagang Aso at Alagang Pusa: Paano Nakatutulong sa Kalusugan?

Pag-uwi mo galing trabaho, sasalubungin ka ng kawag ng buntot o ng pag-ikot ng pusa sa paanan mo. Nakakagaan ng pakiramdam at nakakawala ng pagod, di ba? May dahilan pala iyon. Marami nang pag-aaral ang nagsasabing may totoong naitutulong ang alagang aso at alagang pusa sa ating katawan at isipan. Pag-usapan natin kung ano ang mga iyon, at kung paano nakatutulong ang pagkakaroon ng alaga sa iyong kalusugan.

Alagang Aso at Alagang Pusa: Paano Nakatutulong sa Kalusugan?

Ano ang Naitutulong ng Alagang Aso at Alagang Pusa sa Katawan Mo?

Ayon sa United States CDC, ang pagkakaroon ng alagang hayop ay nakakatulong magpababa ng blood pressure, cholesterol, at triglycerides [1]. Dagdag pa nila na mas dumadami ang pagkakataon mong mag-ehersisyo at lumabas ng bahay [1].

Halimbawa, pag may alagang aso ka, kailangan mo siyang ilakad. Sa isang pag-aaral noong 2017, mas mahaba nang humigit-kumulang 22 minuto ang nilalakad kada araw ng mga may aso kumpara sa wala [2]. Maliit na bagay lang ito, pero kapag inulit-ulit araw-araw, malaking tulong na sa puso mo.

Speaking of puso, may isa pang interesting na impormasyon tungkol sa pagkakaroonn ng alaga. Iniulat sa journal na Circulation noong 2019 na mas mababa nang 31 porsiyento ang tsansang mamatay ng mga may aso matapos ang atake sa puso o stroke [2]. Siyempre, hindi ibig sabihing gamot sa sakit sa puso ang aso. Pero hindi maitatanggi na mayroong naitutulong ang aktibong pamumuhay na hatid nito.

E paano kung alagang pusa naman ang meron ka at hindi mo naman siya mailalakad? Totoo na walang kinakailangang paglalakad sa pusa, pero nandiyan pa rin ang pagbabawas ng lungkot at ang kasamang laging nariyan sa bahay [1]. Mas lalo itong nararamdaman kapag mag-isa kang nakatira. Tutal, napag-usapan na natin ang lungkot, doon naman tayo sa epekto ng mga alaga sa iyong mental health.

Benepisyo ng Alagang Aso at Alagang Pusa sa Mental Health

Hindi lang katawan ang nakikinabang. Madalas, ang isip at puso ang mas nangangailangan ng kasama.

Pampagaan ng Loob

Naranasan mo na bang malungkot tapos lumapit ang pusa mo at nahiga sa tabi mo? Hindi mo man ito maipaliwanag, nakakagaan talaga. Sinasabi ng CDC na nakakatulong ang mga alagang hayop na malabanan ang lungkot at depresyon dahil sa companionship na ibinibigay nila [1].

May pag-aaral din sa International Journal of Social Psychiatry noong 2020. Lumabas dito na mas kaunti ang nadamang pag-iisa ng mga may-ari ng aso sa Australia noong kasagsagan ng COVID-19 dahil sa kasama nila sa bahay [2]. Alam nating lahat kung gaano kabigat ang panahong iyon, kaya makabuluhan ang resultang ito. Para sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bayan o nakatira nang mag-isa sa condo, ganitong klaseng kasama ang malaking bagay.

Gayunpaman, tandaan na hindi pamalit ang alagang hayop sa propesyonal na tulong. Kung matagal mo nang dinadala ang lungkot, kausapin ang doktor o isang eksperto sa mental health.

Daan Para Magkaroon ng Mas Maraming Kaibigan

Eto ang hindi inaasahan ng marami. Mas madalas daw makilala ng mga may alagang hayop ang mga kapitbahay nila kumpara sa wala, ayon sa pag-aaral sa PLOS One noong 2015 [2]. Totoo ito kung iisipin mo. Sino bang hindi hihinto para tanungin kung anong lahi ng aso mo, o kung ilang taon na ang pusa mo, habang naglalakad kayo sa village?

Bukod pa roon, ayon sa pag-aaral sa Aging & Mental Health noong 2019, natulungan ng alagang hayop ang mga nasa edad 65 pataas na makipag-ugnayan ulit sa mga dating kaibigan at makabuo ng mga bago [2]. Kaya kung may lolo o lola kayo sa bahay, baka magandang idea ang isang alaga. Isipin lang muna kung kaya nilang alagaan ito nang maayos.

Paano Mapapanatiling Ligtas ang Pamilya at ang Alagang Aso at Alagang Pusa?

Hindi lahat ay puro saya. May kaakibat na responsibilidad ang pag-aalaga. Ang pinakamahalaga rito sa ating bansa ay ang rabies.

Mabigat ang datos. Nagtala ang Department of Health (DOH) ng 426 na pagkamatay dahil sa rabies noong 2024, isang record. Sa mga kasong iyon, 193 o 45 porsiyento ay nakagat ng alagang aso o pusa [3]. Ang masakit pa, ayon kay Health Secretary Teodoro Herbosa, 100 porsiyentong nakamamatay ang rabies kapag lumabas na ang sintomas, pero 100 porsiyento rin itong mapipigilan sa pamamagitan ng bakuna sa aso at pusa at agarang gamutan matapos makagat [4].

Ano ang dapat mong gawin? Ito ang mga paalala ng DOH:

  • Pabakunahan ang alagang aso at alagang pusa laban sa rabies bawat taon [5].
  • Iparehistro sila sa inyong barangay [5].
  • Huwag silang hayaang gumala nang walang bantay [5].
  • Kapag nakagat o nakalmot, pumunta agad sa Animal Bite Treatment Center [5].

May iba pang panganib na dapat tandaan. Puwedeng magdala ng mikrobyo ang mga alaga kahit mukha silang malusog [1]. Kaya maghugas ng kamay pagkatapos silang hawakan, pakainin, o linisan, at dalhin sila sa beterinaryo nang regular [1]. Kung may mga batang edad lima pababa sa bahay, bantayan sila habang nakikipaglaro sa alaga [1].

Para naman sa mga may mahinang immune system, magandang kumonsulta muna sa beterinaryo bago pumili ng alaga [1].

Key Takeaways

Kaya sa susunod na sasalubungin ka ng alagang aso mo o hihiga sa lap mo ang alagang pusa mo, alam mo nang may dagdag na pakinabang iyon sa kalusugan mo. Pero ang pinakamabuting regalo na maibibigay mo sa kanila, at sa sarili mo, ay ang pagiging responsableng may-ari. Bakuna, hugas ng kamay, at regular na check-up sa beterinaryo ang simula.

medical
Hello Doctor Medical Panel
Narebyung medikal ni
General Practitioner
Isinulat ni Jan Alwyn Batara · Na-update noong ngayon lang