brand logo
Matuklasan
Mga tool sa kalusugan
Komunidad
Pangangalaga

Patalastas

Share

Ano Ang Mas Epektibo Sa Pagdidisiplina? Parusa, o Pabuya Sa Bata?

Kung ikaw ay isang millennial o kabilang sa mas matandang henerasyon, marahil ay pinalaki at dinisiplina ka ng iyong mga magulang sa pamamagitan ng parusa. Subalit ngayong tayo na mismo ang mga magulang, iniisip natin kung mayroon bang mas epektibong paraan upang disiplinahin ang ating mga sariling anak. Madalas nating itanong kung ano ang mas mabuti: parusa o pabuya? Sa artikulong ito, ating alamin ang dalawang paraan ng pagdidisiplina at subukan nating tukuyin kung alin ang dapat nating gamitin sa pagpapalaki ng ating mga anak.

Ano Ang Mas Epektibo Sa Pagdidisiplina? Parusa, o Pabuya Sa Bata?

Sikolohiya Sa Likod Ng Nagbabagong Pag-Uugali

Noong 1948, binuo ni B.F. Skinner, isang Amerikanong psychologist, ang kanyang teorya na ang pag-uugali ay maaaring mahubog sa pamamagitan ng parusa o pabuya. Sa tulong ng pabuya, nahihikayat ang isang tao na ulitin ang isang pag-uugali. Habang nilalayon naman ng parusa na bawasan ang pag-uulit ng isang pag-uugali. Ang pag-alam sa mga ito ay makatutulong upang maunawaan kung paano nagiging epektibo ang parusa o pabuya.

Ang positibong reinforcement (o pabuya) ay nagbibigay ng isang bagay sa magandang pag-uugali. Halimbawa, kung natapos ng iyong anak ang kanyang takdang-aralin, papayagan mo siyang manood ng TV. Sa kabilang banda, ang negatibong reinforcement (o parusa) ay nagtatanggal ng isang bagay upang mahikayat na ulitin ang isang pag-uugali. Halimbawa, kung natapos ng iyong anak ang kanyang takdang-aralin, hindi na niya kailangang gumawa ng mga gawaing bahay.

Tulad ng positibong reinforcement, ang positibong pagpaparusa ay nagdaragdag ng isang bagay upang hindi na ulitin ang isang pag-uugali. Halimbawa, kung hindi nilinis ng iyong anak ang kanyang kwarto, papaluin mo siya. Habang ang negatibong pagpaparusa naman ay ang pagtanggal ng isang bagay bilang resulta ng isang pag-uugali. Halimbawa, kung hindi nilinis ng iyong anak ang kanyang kwarto, kukumpiskahin mo ang kanyang cellphone.

Ayon sa mga eksperto, sa usapin ng parusa o pabuya, mas epektibo ang paubaya at mas mabilis na nababago nito ang pag-uugali.

Kailangan Dapat Gamitin Ang Parusa o Pabuya

Sa pamamagitan ng parusa, lumulubha ang problema at hindi nagaganap ang pagkatuto. Nagkakaroon ng tyansa na ang isang bata ay lumalaban o tumatakas sa kanyang mga magulang. Sa ganitong paraan, naisasantabi ang komplikadong pag-iisip sa frontal cortex upang makagawa ng simpleng defense mechanisms. Sa halip na tanggalin ang isang pag-uugali, ang parusa ay dahilan upang mas magtuon ang isang bata na hindi siya mahuli sa susunod na pagkakataong gawin niya ang isang maling pag-uugali. Gayundin, nakararamdam sila ng mga negatibong emosyon tulad ng pagkagalit, pagkahiya, at pagsuway.

Gayunpaman, narito ang mga dapat nating tandaan tungkol sa parusa o pabuya.

Ayon sa mga eksperto, ang pabuya ay maraming benepisyo sa mga bata. Ito ay maaaring makatulong sa pagpapaunlad ng kanilang pagpapahalaga sa sarili. Ang laging pagsasabi ng negatibong puna sa mga bata ay maaaring makapagpababa ng kanilang kumpiyansa sa sarili. Dagdag pa, tatanim sa kanilang isipan na wala silang kakayahang gumawa ng tama. Napauunlad din ng pabuya ang relasyon sa pagitan ng mga magulang at mga anak dahil parehas silang masaya. Gayunpaman, ang pabuya ay hindi laging kinakailangang maging isang bagay. Maaari din itong nasa anyo ng paglalambing, pagbibigay ng papuri, paglalaan ng oras, at pagbibigay ng atensyon.

Subalit ang pabuya ay maaaring mayroon ding epekto sa pansariling motibasyon at pagiging malikhain ng isang bata. Nakita sa isang pag-aaral na ang mga batang binigyan ng pabuya ay bumaba ang motibasyon upang gawin ang isang tiyak na pag-uugali. Sa isa pang pananaliksik, natuklasan na ang mga kalahok ay mas natagalan sa pagsasagawa ng isang gawain gamit ang kanilang malikhaing pag-iisip nang sabihin sa kanila na makatatanggap sila ng pabuya matapos ito. Sa kasong ito, ang mismong pabuya ang naging layunin ng mga kalahok sa halip na ang gawain. Dahil dito, nabawasan ang kanilang pakikilahok sa gawain.

Mahalagang Paalala Tungkol Sa Pisikal Na Pagpaparusa

Nagbigay ng paalala sa mga magulang ang mga eksperto sa pag-uugali ng bata laban sa pisikal na pagdidisiplina. Ito ay dahil ang pisikal na pagdidisiplina ay nagiging sanhi ng malubhang panganib sa mga bata. Ang pamamalo ay nagreresulta ng pagiging mas agresibo, pag-uugaling antisosyal, pisikal na pananakit, at problema sa kalusugang pangkaisipan. Hindi posibleng mawala na lamang bigla ang pag-uugaling hindi mo gusto.

Key Takeaways

Sa halip na gamitin ang konsepto ng parusa o pabuya bilang pangunahing paraan sa pagdidisiplina, maaari nating subukang solusyunan ang ibang sanhi ng pag-uugali ng ating mga anak. Maaari din natin silang hikayatin imbes na bigyan ng pabuya; ang pagkakaiba ay ang pagbabahagi ng kumpiyansa at tiwala sa ating mga anak na tama ang kanilang ginagawa. Dagdag pa, maaari natin silang tulungan sa halip na parusahan. Kung nagpapakita sila ng hindi kanais-nais na pag-uugali, tulungan nating sila sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila na hindi nila dapat ito gawin. Iwasan natin ang agad na pagpaparusa nang hindi sinasabi sa kanila kung bakit sila mali.
Sa pagdidisiplina ng mga bata, kailangan nating hayaan na mangibabaw higit sa lahat ang ating hindi matatawarang pagmamahal sa kanila. Kung magpapakita tayo ng empatiya at lubhang maglalaan ng oras upang pakinggan sila, mas mataas ang tyansa na ganito rin ang gagawin nila at makikinig sila sa atin. Ang mga bata ay nangangailangan ng tulong upang maunawaan at kontrolin ang kanilang mga emosyon. Tungkulin nating mga magulang na tulungan silang magawa ito.

Matuto pa tungkol sa Pagiging Magulang dito.

medical
Regina Victoria Boyles, MD
Narebyung medikal ni
Pediatrics
Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · Na-update noong 7 araw na ang nakalipas