Pag-aalaga sa batang may ADHD ay makakatulong upang matulungan silang umunlad. Ang lahat ng mga bata ay magkakaiba. Bilang mga magulang, ang unang misyon ay pagyamanin ang mga natatanging katangian at tulungan ang mga anak na makamit ang kanilang mithiin. Upang matulungan silang umunlad, maaaring mag-focus sa kanilang mga positibo habang hindi gaanong binibigyang pansin ang mga negatibo.
Lumilitaw ang mga problema kapag itinuring ng magulang ang mga kapansin-pansing pagkakaibang ito bilang mga kakulangan. Maaaring humadlang sa pagiging produktibo at atensyon nila ang pagiging hyperactive at iba pang mga sintomas ng attention deficit hyperactivity disorder (ADHD). Ngunit maaari ding umunlad ang mga batang ito kapag napamahalaan ng mabuti.
Ano ang ADHD
Mahalaga ang pag-aalaga sa batang may ADHD lalo na kapag nahihirapan ang iyong anak na tumuon sa isang aktibidad o tila may mapusok na pag-uugali. Kapag ang mga sintomas ay sapat na malubha at nagiging sanhi ng patuloy na mga problema, maaaring ito ay isang senyales ng isang neurobehavioral disorder, tulad ng ADHD. Ito ay isang kondisyon na nakakaapekto sa milyun-milyong bata at kadalasang nagpapatuloy hanggang sa pagtanda. Kasama sa ADHD ang isang kumbinasyon ng:
- Kahirapan sa pagpapanatili ng atensyon
- Hyperactivity
- Impulsive behavior
- Mababang pagpapahalaga sa sarili
- Pagkabalisa sa paaralan
- Magulong pakikipagrelasyon
Diagnosis at pag-aalaga sa batang may ADHD
Ang ADHD ay isang medikal na kondisyon na nangangailangan ng tamang diagnosis. Hindi ito problema sa pag-uugali o resulta ng pagiging masamang pagiging magulang. Para sa kadahilanang ito, ang pag-aalaga sa isang batang may ADHD ay nagsisimula sa pagtulong sa kanila na makakuha ng tamang paggamot tulad ng sumusunod:
- Therapy
- Parent training in behavior management
- Mga diskarte sa pagbabago ng pag-uugali
- Suporta sa paaralan
Inirerekomenda ng American Academy of Pediatrics sa mga batang wala pang anim na taong gulang ang parent training in behavior management, bago subukan ang pag-iinom ng gamot. Ito ay ang sapat na pagsasanay ng magulang sa pamamahala ng pag-uugali. Kinabibilangan ito ng positive reinforcement, paglikha ng isang structured at predictable na kapaligiran, at paglinang ng mga positibong pakikipag-ugnayan.
Pakikipag-usap at pag-aalaga sa batang may ADHD
Kung ang iyong anak ay may ADHD, mahalagang kausapin siya tungkol dito upang mas maunawaan niya ang kondisyon. Ayon kay Dr. Terry Dickson na isang ADHD coach at may dalawang anak na may ADHD, dapat ay angkop sa edad ng bata ang pakikipag-usap. Ang layunin ay upang matulungan siyang maging matagumpay sa paaralan at sa buhay. Paulit-ulit mo itong gagawin habang lumalaki ang iyong anak. Ngunit dapat marunong ka ring magbalanse dahil sa kasamaang-palad, madalas nalilimutan ang katotohanan na may iba ka pang anak na naaapektuhan nito. Dahil ang buong atensyon ay nasa isang anak na may ADHD, maaaring nakakaramdam ng galit sa loob ang isa mo pang anak, na maaaring idirekta sa iyo o sa kapatid na may ADHD.
Pagmamahal at pag-aalaga sa batang may ADHD
Siguraduhin na nararamdaman ng iyong anak na minamahal at tinatanggap sya ng buong pamilya. Tulungan siyang maunawaan na ang ADHD ay walang kinalaman sa kanyang katalinuhan o sa kanyang kakayahan, at hindi ito isang depekto. Maaari mong sabihin sa kanya na ang paggamot ay makakatulong sa kanyang utak na mag-focus nang mas mahusay. Ihambing ito sa isang taong nagsusuot ng salamin upang makakita ng mas mahusay.
Dapat malaman ng iyong anak na hindi siya nag-iisa. Marami pang ibang tao ang may ADHD, at lahat sila ay maaaring maging matagumpay tulad nila:
- Walt Disney
- Michael Phelps
- Bill Gates
- Leonardo da Vinci
Mga Karagdagang Payo
Kasama rin ang pagbibigay ng tamang nutrisyon sa tamang pag-aalaga sa batang may ADHD. Makakatulong na may healthy lifestyle ang batang may ADHD dahil ito ay maaaring makatulong sa pagbabawas ng sintomas na kaakibat ng ADHD.
Alamin pa ang tungkol sa ADHD dito.