Paano ginagawa ang IVF
Paano ginagawa ang IVF kung handa ka nang magbuntis ngunit hindi naman nakikisama ang iyong matris? Kapag handa ka nang magsimula ng pamilya, ang paghihintay ang huling bagay na gusto mong gawin. Bagama’t may kinalaman ang Inang Kalikasan sa timing ng pagbubuntis mo, may ilang bagay na makakatulong upang madagdagan ang iyong pagkakataong mabuntis sa lalong madaling panahon

Kapag nag-iisip ka ng mga karaniwang paggamot sa fertility o pagkamayabong, malamang na lumalabas ang in vitro fertilization sa iyong listahan. Maraming dekada nang ginagamit ang IVF, ang proseso ng pagsasama-sama at pagpreserba ng itlog at sperm sa labas ng katawan. Ngunit marami pa sa IVF na nangyayari bago at pagkatapos nito. Narito ang mga mahahalagang hakbang sa proseso ng IVF.
1. Pagpapalakas ng produksyon ng itlog
Ang proseso ng superovulation ay ang unang hakbang kung paano ginagawa ang IVF. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpapainom sa iyo ng mga gamot sa fertility. Ang mga gamot na naglalaman ng Follicle Stimulating Hormone ay magsasabi sa iyong katawan na gumawa ng higit pa sa normal na isang itlog bawat buwan. Kung mas maraming itlog ang iyong mabubuo, mas maraming pagkakataon na magkakaroon ka ng matagumpay na fertilization sa kalaunan ng paggamot. Regular na ipapagawa sa iyo ang transvaginal ultrasound at mga pagsusuri sa dugo. Ito ang paraan upang suriin ang iyong obaryo at subaybayan ang antas ng iyong hormones.
2. Paano ginagawa ang IVF gamit ang itlog sa iyong katawan
Bibigyan ka ng hormone na iniksyon upang mapabilis ang paghahanda ng itlog bago pa man ito tanggalin sa iyong katawan. Sasailalim ka sa follicular aspiration, isang menor na operasyon para alisin ang mga itlog. Sa tulong ng ultrasound, ipapasok ang isang manipis na karayom sa iyong mga obaryo upang sipsipin ang mga itlog. Bibigyan ka naman ng doktor ng medisina upang hindi mo masyadong maramdaman ang sakit ng proseso. Maaari kang makaranas ng cramps pagkatapos, ngunit ito ay kadalasang nawawala sa loob ng isang araw.
3.Pagkolekta ng sperm
Ang pagkuha ng malusog na sperm ay isa rin sa mahalagang proseso kung paano ginagawa ang IVF. Tinatawag na testicular sperm aspiration (TESA) ang proseso ng pagkuha ng sperm sa lalaki. Ginagawa ito gamit ang local anesthesia sa operating room o opisina. Ang isang karayom ay ipinapasok sa testicle upang makuha ang tamod. Habang kinukuha ang iyong itlog, magbibigay din ng sample ng kanyang sperm ang iyong asawa, kapartner, o donor. Hahanapin ngayon ang pinakamalusog na sperm sa pamamagitan ng “high-speed wash” at “spin cycle”. Mas makakabuti kung hihinto muna sa anumang sekswal na aktibidad ang magbibigay ng sperm. Hindi ito dapat bababa sa dalawang araw ngunit hindi hihigit sa limang araw bago makuha ang sampol ng semilya.
4. Pagsamahin ang sperm at itlog
Ang pinakapamilyar na bahagi kung paano ginagawa ang IVF ay ang pagsasama ng sperm at itlog. Tinatawag na insemination ang yugtong ito. Karaniwang tumatagal ng ilang oras upang ma-fertilize ng semilya ang isang itlog. Maaari ding mag-iniksyon ng sperm nang direkta sa itlog at ang prosesong ito ay kilala bilang intracytoplasmic sperm injection (ICSI). Sa tradisyonal na IVF, 50,000 o higit pang dami ng sperm ang inilalagay sa tabi ng itlog sa isang lalagyan sa laboratoryo.. Ang fertilization ay nangyayari kapag ang isa sa sperm ay pumasok sa cytoplasm ng itlog. Sa karaniwan, magkakaroon ng 70 hanggang 85 porsyento ng mga ganap na hinog na itlog ang mape-fertilize.
5. Paglipat ng embryo sa matris
Isang napakahalagang proseso kung paano ginagawa ang IVF ay ang paglipat ng embryo sa matris. Kapag nakolekta na ang iyong mga itlog ay bibigyan ka ng gamot upang ihanda ang lining ng iyong matris sa pagtanggap ng mga embryo na ililipat pabalik dito. Mga tatlo hanggang limang araw pagkatapos ng fertilization, ilalagay na ng doktor ang mga embryo sa iyong matris gamit ang isang catheter. Tulad ng ikatlong hakbang, ang bahaging ito ng IVF ay ginagawa sa opisina ng iyong doktor habang ikaw ay gising. Maraming embryo ang inililipat sa matris upang tumaas ang tsansa na ikaw ay mabuntis. Kung minsan, higit sa isa ang mabubuo kung kaya karaniwan sa IVF ang maramihang pagbubuntis.
Paano ginagawa ang IVF gamit ang teknolohiya?
Ang IVF ay ang pinaka-epektibong paraan ng pagbubuntis gamit ang teknolohiya. Maaari itong gawin gamit ang sariling mga itlog at sperm ng mag-asawa o ng donor. Kung minsan naman, maaaring direktang ilalagay ang embryo sa sinapupunan ng ibang babae na tinatawag na gestational carrier.