Kadalasang hindi dapat ipag-alala ang paminsan-minsang pagdurugo ng ilong o sinus infection, ngunit kung madalas itong nararanasan, maaaring senyales na ito ng nakatagong problema. Isa sa posibleng sanhi ng paulit-ulit na problema sa ilong at paghinga ang deviated septum. Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang mga sintomas ng deviated septum na maaaring mayroon ka.
Nasal septum ang tawag sa manipis na pader sa pagitan ng iyong nostrils. Kapag ang manipis na pader na ito ay off-center, malaki ang tsansang deviated septum ito. Isa itong napakakaraniwang kondisyon, bagaman higit one-third ng mga tao ay hindi alam na mayroon sila nito.
May ilang mga taong ipinanganak na may deviated septum. Gayunpaman, mataas din ang posibilidad na magkaroon ka nito dulot ng injuries, irritations, at pamamaga ng nasal o sinus cavities. Maaaring hindi mo malamang may deviated septum ka maliban kung malala na ito. Sa mga kasong ganito, karaniwang nahaharangan ng ganitong kondisyon ang isang bahagi ng iyong ilong, na nakababawas sa daloy ng hangin kaya’t mahirap huminga.
Mga sintomas ng deviated septum na maaaring mayroon ka
Maaaring mapagkamalan bilang mga sintomas ng iba pang mga kondisyon ang mga sintomas ng deviated septum. Posible ring hindi makaranas ng anumang sintomas ang mga taong may mild na kaso nito. Kung sa tingin mo ay may deviated septum ka, kumonsulta sa doktor.
May harang ang butas ng ilong
Isa sa pangunahing sintomas ng deviated septum ay ang harang sa isa o parehong butas ng ilong. Mapapansin ito kapag nahihirapang huminga kahit walang sipon o allergy. Kaya naman, ang taong may deviated septum na nakararanas din ng allergy attack o sipon ay lalong mahihirapang huminga.
Kailangang matulog nang nakatagilid
Ang side kung saan ka natutulog ay maaaring isa sa mga sintomas ng deviated septum. Madalas tayong natutulog sa isang partikular na posisyon, ngunit posibleng mapansin mong madalas kang natutulog nang nakatagilid dahil mas madaling huminga. Maaaring maugnay ito sa harang sa butas ng ilong dahil nagiging mahirap ang paghinga kapag natulog sa bahagi kung saan may harang ang iyong ilong.
Paulit-ulit na pagdurugo ng ilong
Maaaring matuyo ang ibabaw ng nasal septum. Kapag mas tuyo ang mga nasal passage, pwede itong maging dahilan upang maging prone sa pagputok ang membrane sa iyong ilong, na nagpapataas ng panganib ng paulit-ulit na pagdurugo (2 hanggang 3 beses sa isang buwan).
Kapansin-pansing nasal cycle
Halos lahat ay may “nasal cycle”, kung saan nagpapalitan ang harang mula sa isang butas ng ilong papunta sa kabila. Gayunpaman, hindi karaniwang mapansin ng mga taong may normal septum ang ganitong cycle. Mas madalas na mapansin ito ng mga taong may deviated septum dahil mas nahihirapan silang huminga.
Maingay na paghinga habang natutulog
Isa pang halimbawa ng mga sintomas ng deviated septum ang maingay na paghinga. Isa ang deviated septum sa karaniwang dahilan kung bakit maingay huminga ang isang tao kapag natutulog. Ito rin ang sanhi ng paghihilik at/o sleep apnea sa ilang mga pasyente.
Isa sa mga posibleng rason kung bakit paulit-ulit na nakararamdam ng pagsakit ng mukha ay dahil sa matinding deviated septum sanhi ng pagtatama ng mga inner nose surface sa isa’t isa. Ang pagtatamang ito ay maaaring magdulot ng pressure o sakit.
Ang daanan ng iyong hangin ay posibleng maging barado kapag mayroon kang deviated septum. Mas madaling kapitan ng impeksyon ang mga baradong daanan ng hangin.
Ang mga taong may deviated septum ay maaaring mapansing parang “barado” ang kanilang ulo. Dahil sa deviated septum, hindi nakadaraan nang maayos ang hangin sa mga butas ng ilong. Ito ang nagreresulta sa pagkakaroon ng pressure at pagsakit ng ulo.
Mga komplikasyon ng deviated septum
Una, ang pangunahing problema kapag hindi pinansin ang deviated septum ay maaari itong lumala sa paglipas ng panahon. Hindi gumagaling nang kusa ang deviated septum, kaya’t malaki ang tsansang lumala ito kalaunan.
Ang normal na proseso ng pagtanda ay maaaring makapagpalala ng deviated septum. Ito ay dahil ang mga pagbabagong nararanasan ng katawan ay makaaapekto sa nasal structures.
Nakakaapekto sa pang-araw-araw na gawain o kalidad ng buhay ang mga senyales at sintomas ng deviated septum. Halimbawa, madalas na kailangang huminga sa bibig ng taong may deviated septum, kaya’t natutuyo ang bibig. Ang mga problema sa paghinga dulot ng deviated septum ay maaaring mauwi sa mga problema sa pagtulog at kawalan ng kakayahang gumawa ng mga matitinding pisikal na gawain tulad ng pag-eehersisyo.
Sa mas malalang mga kaso, maaaring maging sanhi ng permanenteng pinsala sa sinus at nasal mucosa ang deviated septum. Dulot ito ng altered ventilation ng nasal cavity.
Kailan magpupunta sa doktor
Kung nakitaan ka ng ilan o lahat ng mga sintomas ng deviated septum at hindi nawala gamit ang regular na treatment (tulad ng mga gamot at nasal sprays), kontakin ang iyong doktor. Malaki ang maitutulong ng mabilis na gamutan, lalo na kung malala na ang kaso mo.
Maaaring hindi halata sa una ang deviated septum, ngunit malaki ang maitutulong sa iyong kalusugan at kalidad ng buhay ang agarang pagtuklas sa mga senyales at paggamot dito. Kabilang sa mga karaniwang sintomas ng deviated septum ang paulit-ulit na pagdurugo ng ilong, pagsakit ng ulo, sinus infections, kapansin-pansing nasal cycle, at ang pangangailangang matulog sa isang partikular na posisyon.
Matuto pa tungkol sa mga kondisyon ng ilong dito.