Benepisyo Ng Ginseng, Anu-Ano Ang Mga Ito?
Benepisyo ng ginseng ang nais makamit ng kahit sinong tao na hangad ang mas malakas na immune system. Karaniwang kilala ito bilang red ginseng, Korean ginseng, Chinese ginseng o white ginseng. Hindi naman nakapagtataka ang mga pangalang ito dahil ang ginseng ay katutubo sa mga lugar na ito. Ginagamit ito para sa medikal na layunin partikular na sa traditional Chinese medicine.

Maraming klase ng ginseng subalit ang red at white ginseng ay tumutukoy sa dalawang magkaibang paraan ng paghahanda ng ginseng roots. Ang ugat ng ginseng ang bahagi na kadalasang ginagamit na panggamot. Maliban dito, kilala ang ginseng bilang “man-root”dahil ang ugat mismo ay korteng katawan ng tao.
Benepisyo ng ginseng sa katawan
Ang ugat ng Panax ginseng ay may napakahalagang papel sa folk medicine ng mga bansa sa East Asia kabilang na ang Korea, China at Japan. Kahulugan pa lamang ng salitang panax na nagmula sa panacea o lunas, ay indikasyon ng kahalagahan nito sa larangan ng tradisyunal na medisina. Popular na rin sa mga bansa sa Europa, Amerika at ibang bahagi ng mundo ang ginseng.
Benepisyo ng ginseng sa usapang pangkalusugan
Ang benepisyo ng ginseng sa katawan ng tao ay napatunayan sa maraming sakit at usapang pangkalusugan tulad ng sumusunod:
- Cancer
- Diabetes
- Cardiovascular diseases
- Pagpapalakas ng immune function
- Central nervous function
- Pagpapagaan ng stress
- Antioxidant
Mataas na enerhiya
Nakakaramdam ka ba ng panghihina at pagod? Maaaring makatulong ang ginseng sa pagpapasigla ng iyong pisikal at mental na aktibidad. Natuklasan ng isang pag-aaral na ang ginseng ay nakakatulong sa mga taong may talamak na pagkapagod, partikular na ang mga taong tumatanggap ng paggamot sa kanser.
Paggamot ng erectile dysfunction
Maaaring uminom ng ginseng ang mga lalaking nakakaranas ng erectile dysfunction. May mga pag-aaral na nagsasabing may benepisyo ang ginseng extract sa mga lalaking may banayad na erectile dysfunction. Gayunpaman, higit pang pananaliksik ang kailangan upang matukoy ang mga benepisyo ng ginseng laban sa erectile dysfunction.
Pagbaba ng blood sugar
Iminungkahi ng isang pag-aaral ang paggamit ng ginseng upang pababain ang blood sugar level ng mga taong may diabetes. Ang mga ginsenoside na nasa ginseng ay maaaring makaapekto sa produksyon ng insulin sa pancreas at mapabuti ang resistensya ng insulin gamit ang iba pang mga mekanismo. Kailangan pa rin ng mga klinikal na pag-aaral upang matukoy ang lawak ng benepisyo ng ginseng sa paggamot ng diabetes at ang partikular na dosage nito.
Pag-iwas sa flu
May mga pananaliksik na nagmungkahi ng posibleng ugnayan sa pagitan ng ginseng at ng paggamot at pag-iwas sa influenza at respiratory syncytial virus. May mga pag-aaral rin na nagmungkahi ng epekto ng red ginseng extract sa kaligtasan ng mga epithelial cell ng baga ng tao na nahawaan ng influenza virus.
Hindi pa tiyak kung paano gumagana ang mga anti-viral na benepisyo ng ginseng batay sa mga pag-aaral. Ang mga tao ay tradisyonal na umiinom ng ginseng bilang lunas sa maraming medikal na kondisyon.
Gayunpaman, higit pang pananaliksik ang kailangan upang kumpirmahin kung mayroon itong benepisyo bilang supplement. Naniniwala ang mga mananaliksik na ang mga ginsenosides ay may pananagutan sa anumang mga klinikal na epekto ng ginseng. Ang mga ginsenosides ay mga sangkap na kemikal na matatagpuan sa ginseng.
Ang mga siyentipiko ay madalas na nagtataka rin sa mga taong nagsasabing gumaling sila dahil sa benepisyo ng ginseng. Hanggang walang tiyak na katibayan tungkol sa tunay na pagiging epektibo nito, dapat suriin ang mga sangkap ng anumang produkto ng ginseng bago bumili o uminom nito.
Mas makabubuti kung kumunsulta ka muna sa iyong doktor bago uminom ng kahit anong herbal na gamot para maiwasan ang hindi magandang epekto sa iyong kalusugan.