Napakahalaga para sa mga Pilipino na malaman ang plataporma para sa kalusugan ng mga kandidatong tumatakbo sa pagka-Pangulo. Habang papalapit ang eleksyon 2022, lalo pang tumitindi ang usapin sa “Health Platforms” ng Presidential Candidates sa social media.
Ang kalusugan ang isa sa mga pangunahing alalahanin ng mga Pilipino. Maraming tao ang patuloy na nagdurusa, dahil sa kawalan ng kamalayan at access sa bagay na ito. At hindi rin maitatanggi na lalo pang naghihirap ang masang-Pilipino. Dahil sa dalawang taon na pagharap sa pandemya.
Basahin ang artikulong ito para sa napapanahong impormasyon tungkol sa Health Platforms ng Presidential Candidates.
Plataporma Para Sa Kalusugan: Leni Robredo
Isa sa mga tumatakbo sa pagka-Pangulo ang kasalukuyang Bise Presidente ng Pilipinas — si Leni Robredo. Siya ang nag-iisang “Independent Candidate” na babae sa lahat ng Presidential Bets.
Nakakuha ang Office of the Vice President (OVP) ng highest audit rating mula sa Commission on Audit sa 3 consecutive years (2018-2020). At nagsagawa rin ng iba’t ibang pandemic response programs ang opisina ni Leni Robredo — tulad ng E-Konsulta.
Kaugnay nito, hindi inilayo ni Leni Robredo ang kanyang health platforms sa COVID-19. Narito ang mga sumusunod na plataporma ni Leni Robredo para sa pangkalusugan:
Kalayaan Sa COVID Plan
Maraming biktima ng COVID-19 ang natulungan ng Office of the Vice President. Dahil sa mabilis at maayos na pag-response ng team ni Robredo. Naging daan ito para makasalamuha nila ang iba’t ibang uri ng tao sa lipunan.
Kaya naman nakapaloob sa Kalayaan sa Covid Plan ang mga benepisyo na pwedeng makuha ng healthcare workers at ng mga tao. Narito ang mga sumusunod:
Alaga Sa Nag-Aalaga At May Sakit
- Sapat na sahod para sa frontliners
Ayon sa plataporma, ang lahat ng benepisyong nakasaad sa Magna Carta for Health workers, tulad ng hazard pay ay makakarating agad sa healthcare workers. Kasama rin sa benefits na makukuha nila, ang libre at regular na COVID Testing, bayad na COVID sick leave (bukod sa sick leave). Maging ang medical insurance; at allowance sa transportasyon at pagkain. Titiyakin din ang regularisasyon ng healthcare workers, at bibigyan sila ng exemption sa Personnel Salary Cap.
- Pagsuporta ng sapat sa pangangailangan ng ospital
- Libre at accessible na healthcare para sa lahat ng Filipino
- Pagkakaroon ng libreng konsultasyon gamit ang teknolohiya
- Bawat barangay ay magkakaroon ng kahandaan at nars
Maayos At Mas Mapagkakatiwalaang Philhealth
Binigyang-diin din ng health platform na ito na kailangan ng mahusay at matinong pamumuno. Para mas makapagsilbi at magamit pa ng mas nakakaraming Pilipino sa panahon ng pangangailangan.
Bakuna Distribution Network
Ito ang pagpapalakas sa Local Health Units para maisagawa ang pagbabakuna sa kanilang lokalidad. Magkakaroon ng karagdagang personnel at training sa mga local health worker. Bubuo rin ng mas maayos na delivery chain, upang hindi matigil o antala ang mga bakuna.
Sa pagbubuod, nilalayon ng platapormang ito na matugunan ang atensyong medikal ng mga Pilipino, at maibigay ang angkop na benepisyo para sa healthcare workers. Maging ang pagkakaroon ng pagsasaayos sa health care system ng bansa.
Healthcare Para Sa Mga Taong May Kapansanan
Bukod sa Kalayaan Covid Plan, kung mananalo si Leni Robredo bilang susunod na Pangulo ng bansa. Nais din niyang pagtuunan ng pansin ang sektor ng kapansanan. Nangako siya sa full implementation ng accessibility law, at mandatory health insurance — para sa mga taong may disabilities (PWDs).
“Alam ‘nyo din na disability runs in the family. Kaya personal ito sa amin. Hindi lang siya parang advocacy na in-adopt, pero personal na pakikipaglaban dahil sa pamilya ay…maraming mga members of the family ang may kapansanan,” pahayag ni Robredo.
Lumahok si Leni Robredo sa 21 iba pang lumagda, mula sa iba’t ibang disability-affiliated organization. Para pumirma sa agenda ng kapansanan sa isang virtual ceremony na ginanap noong Pebrero 17.
Bukod sa pagpapalakas sa mga existing government policy. Nilalayon din ni Leni Robredo ang pagsuporta sa paghahanap ng trabaho ng mga PWD.
Plataporma Para Sa Kalusugan: Leody de Guzman
Matunog din ang pangalan ng isa sa presidential aspirant na si Leody de Guzman. Isa siyang labor leader na nagtulak ng mga polisiya para matiyak ang karapatan ng mga manggagawa mula 1984. Siya ay tumakbong senador noong 2019 sa ilalim ng tagline “Manggagawa Naman”, subalit natalo sa eleksyon.
Sa pagtakbo niya sa kandidatura ng pagka-Presidente, bukod sa pagsusulong niya ng karapatan ng mga manggagawa. Nais din niyang maisagawa ang libreng COVID-19 mass testing. Bilang bahagi ng pagtugon sa problema at krisis na kinahaharap, dahil sa pandemya.
Plataporma Para Sa Kalusugan: Isko Moreno Domagoso
Kasalukuyang mayor ng Lungsod ng Maynila si Francisco “Isko Moreno” Domagoso. Siya’y nagsilbing Vice Mayor mula 2007-2016 sa Lungsod din ng Maynila — at tumakbo siya sa pagka-Senador, subalit natalo sa eleksyon noong 2016.
Naging chairman ng board ng North Luzon Railways Corporation, dahil sa pag-appoint sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte. At kinalaunan, naging undersecretary siya sa Department of Social Welfare and Development.
Ngayong 2022 election, siya ay tumatakbo sa pagka-Pangulo, at narito ang kanyang mga sumusunod na plataporma para sa sektor ng pangkalusugan:
Healthcare Benefits
Ayon sa standard bearer ng Aksyon Demokratiko na si Isko Moreno Domagoso. Sa oras na mahalal siya bilang Pangulo — ang gobyerno ay magbibigay ng additional healthcare benefits. Partikular sa mga manggagawa ng iba’t ibang economic at industrial zones sa bansa.
Dagdag pa rito, nais din siguraduhin ni Isko Moreno na magkakaroon ng increase sa sweldo — at makukuha ng mga empleyado ang kanilang Special Risk Allowance (SRAs).
Ipinangako din ng presidential aspirant, ang pagkakaroon ng healthcare benefits ng mga Pilipino. At para makamit ito, hindi pipili ng unqualified ‘retirees — bagkus, ang pipiliin lamang ay finance experts para mag-lead sa PhilHealth.
Isa pa sa iminumungkahi ni Isko Moreno, ang pagpapatayo at pag-upgrade sa regional hospitals, para sa world-class standard. Ito ay kanyang ipapatupad sa oras na siya ay mahalal sa pagka-Pangulo.
Scholarship Para Sa Medical Students
Nilalayon ni Isko Moreno ang pagkakaroon ng 10,000 scholars taon-taon sa medical field. Para mas lumakas ang puwersa ng mga manggagamot sa bansa.
Kalusugan Ng Isip
Nais bigyang-pansin ni Isko Moreno ang mental health issues na kinakaharap ng mga Pilipino, ayon sa kanyang pahayag sa interview sa News5.