Ang atherosclerosis ay resulta ng pamumuo ng plaque o fatty deposits sa mga ugat ng tao. Isa itong progressive disease, na unti-unting nabubuo sa paglipas ng panahon. Ito ang dahilan kung bakit iba-iba ang mga sintomas at senyales ng atherosclerosis. Lahat ito ay nakadepende sa kung anong ugat ang apektado, at ang kabuoang kalusugan ng tao.
Sa paglipas ng panahon, maaaring mabawasan o tuluyang maharangan ng plaque na ito ang mga ugat at makasabagal sa tamang sirkulasyon ng dugo. Ito ang maaaring magdulot ng atake sa puso o maging ng stroke.
Gayunpaman, posible ring ang mga sintomas at senyales ng atherosclerosis ay hindi agad lumitaw, at lumabas lamang kapag isa nang banta sa buhay ang sakit.
Sa kabila nito, napakahalagang malaman ang mga sintomas at senyales ng atherosclerosis, dahil ito ang paraan upang malamang oras na upang magsimulang baguhin ang paraan ng pamumuhay at mapigilan ang sakit na ito.
Mga Sintomas at Senyales ng Atherosclerosis
Nakaaapekto ang atherosclerosis sa mga ugat sa buong katawan. Ngunit karaniwan itong nakaaapekto sa coronary, carotid, peripheral, at renal arteries. Ang mga grupong ito ng mga ugat ang kumokontrol sa daloy ng dugo papunta sa magkakaibang bahagi ng katawan.
Kaya naman magkakaiba ang paglitaw ng atherosclerosis depende sa kung anong mga ugat ang apektado. May magkakaibang pangalan ang atherosclerosis depende sa apektadong ugat.
Sa coronary arteries (Coronary Artery Disease): Mga Sintomas at Senyales ng Atherosclerosis
Ang mga coronary artery ay pangkat ng mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa iyong puso. Kapag nabawasan o naharangan ang daloy ng dugo sa coronary arteries, makaaapekto ito sa paggana ng puso, at maaaring maging sanhi ng atake sa puso.
Narito ang ilan sa mga sintomas na dapat bantayan:
- Angina o pagsakit ng dibdib
- Nahihirapang huminga
- Hindi regular na tibok ng puso o arrhythmia
- Masakit o pakiramdam na parang pinipiga ang iyong dibdib
- Pagkapagod o pagkahapo
- Kakulangan sa lakas
Sa carotid arteries (Carotid Artery Diseases): Mga Sintomas at Senyales ng Atherosclerosis
Ang carotid arteries ay ang mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa utak. Anumang pagpigil o pagharang sa daloy ng dugo sa carotid arteries ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa utak, at stroke.
Narito ang ilan sa mga posibleng sintomas ang senyales ng atherosclerosis sa carotid arteries:
- Nahihirapang huminga
- Matindi at hindi maipaliwanag na sakit ng ulo
- Nahihirapang magsalita o slurred speech
- Pagkaparalisa sa isang side ng mukha o katawan
- Pagkahilo, pagkalito, o kawalan ng koordinasyon
- Pagkahimatay
Sa peripheral arteries (Peripheral Artery Disease): Mga Sintomas at Senyales ng Atherosclerosis
Nagsusuplay ng dugo sa mga binti at braso ang peripheral arteries. Ang limitasyon o pagkaharang ng daloy ng dugo sa peripheral arteries ay maaaring maging sanhi ng mga impeksyon, pagsakit at pamamanhid, at ng kondisyong tinatawag na peripheral artery disease.
Nagdudulot ng pagsakit ng binti, mga impeksyon, at maging ng gangrene ang peripheral artery disease. Maaari din itong mauwi kalaunan sa leg amputation kapag sobra nang lala nito.
Narito ang ilan sa iba pang mga sintomas na dapat bantayan:
- Pamamanhid ng mga kamay at binti
- Pagsakit ng binti o paa, lalo na kapag umaakyat ng hagdan
- Pagsakit o pagbigat ng mga kalamnan ng binti
- Mga sugat na mabagal gumaling
Sa renal arteries (Renal Artery Stenosis): Mga Sintomas at Senyales ng Atherosclerosis
Ang renal arteries ang responsable sa pagdadala ng dugo sa mga kidney. Kapag nabawasan ang dumadaloy na dugo sa mga kidney, maaari itong mauwi sa chronic kidney disease. Posible itong makagambala sa kakayahan ng kidney na salain ang dugo.
Walang gamot sa chronic kidney disease. At kung lalong lalala, karaniwan nang kailangang mag-dialysis upang mabuhay. Kalaunan, maaaring mangailangan na rin ng transplant para sa severely damaged kidneys.
Narito ang ilan sa mga sintomas ng atherosclerosis sa mga renal artery:
- Pwedeng sobrang dalas umihi o sobrang dalang
- Kawalan ng ganang kumain
- Pagsusuka
- Pamamaga ng mga kamay at paa
- Pamamaga ng kasukasuan
- Pagkapagod
- Pamumulikat ng mga kalamnan
- Dugo sa ihi
- Biglaang pagbaba ng timbang
Paano mo maiiwasan ang atherosclerosis?
Isa sa mahahalagang bagay na dapat tandaan ay isang progressive illness ang atherosclerosis.
At dahil mabagal na nade-develop ang atherosclerosis, malaki ang tsansang hindi makaranas ng anumang sintomas ang isang tao hanggang sa maging malala na ito.
Ang atherosclerosis ay hindi isang reversible condition. Ang ibig sabihin, kapag na-diagnose na may ganito kang sakit, mapababagal mo lang ito o mapipigilan ang paglala. Ngunit hindi mo ito magagamot nang lubos.
Sa ilang mga kaso, maaaring mangailangan ng surgery upang maiwasan ang anumang nakamamatay na komplikasyon na resulta ng kondisyong ito.
Ito ang dahilan kung bakit napakahalagang maging mulat sa mga hakbang upang maiwasan ang atherosclerosis sa una pa lang.
Narito ang ilan sa mahahalagang bagay na dapat tandaan upang maiwasan ang atherosclerosis:
- Ang mataas na level ng fat at cholesterol sa katawan ay nakakatulong sa pagkakaroon ng atherosclerosis. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang magkaroon ng diet na mayaman sa fiber, vitamins, at minerals, at mababa sa cholesterol at saturated fats.
- Mahalaga ang pananatili sa malusog na timbang upang mabawasan ang panganib ng atherosclerosis. Kaya naman, mas maganda kung magkaroon ng hindi bababa sa 30 minutong ehersisyo kada araw.
- Dahil likas na tumitigas ang ating mga ugat sa pagtanda, mas mainam na magpatingin sa doktor kada taon kapag nasa 40s ka na upang matiyak na wala ka sa panganib ng atherosclerosis.
- Ang mga taong may diabetes ay kailangang maging mas maingat sa atherosclerosis dahil napag-alamang nakapagpapabilis ito ng paglala ng atherosclerosis.
- Ang mga taong pre-hypertensive at hypertensive ay kailangan ding maging maingat dahil ang kanilang kondisyon ay naglalagay sa kanila sa panganib ng atherosclerosis.
- Mailalagay ka rin sa panganib ng atherosclerosis at iba pang mga sakit kung naninigarilyo ka at umiinom ng alak. Kaya naman magandang huminto na dito sa lalong madaling panahon upang mabawasan ang panganib.
Pagdating sa mga sakit na hindi na lubos na nagagamot na may kinalaman sa puso at circulatory system, ang maagang interbensyon pa rin sa pamamagitan ng pagbabago sa paraan ng pamumuhay ang pinakamainam na anyo ng pag-iwas.
Matuto pa tungkol sa Atherosclerosis dito.