Ang seizures ay isang kondisyon kung saan ang pasyente ay nakararanas ng panginginig at pagkahimatay. Gayunpaman, posibleng ang pasyente ay makaranas ng ibang mga epekto na hindi kapansin-pansin. Ano ang tiyak na nangyayari sa tuwing nagkakaroon ng seizures, at ano ang mga sanhi upang magkaroon ng ganitong reaksyon ang katawan.
Ano Ang Nangyayari Tuwing Nagkakaroon Ng Seizure?
Ang cells sa ating utak ay nakikipag-ugnayan sa iba pang cells gamit ang electrical impulses. Sa pamamagitan nito, nagagamit natin ang lahat ng ating senses, upang tayo ay makagalaw, makalakad, at magawa ng katawan ang lahat ng kailangan nitong gawin.
Gayunpaman, kung ang isang tao ay nakararanas ng seizure, nagkakaroon ng kaguluhan sa utak sanhi ng hindi regular na electrical impulses. Ang kaguluhang ito ay may iba-ibang kalubhaan, kaya’t ang mga sintomas na nararanas ng mga tao ay maaaring mula sa hindi gaanong malubha hanggang sa pinakamalubha.
Ang mga epekto ng seizures ay iba-iba rin depende sa bahagi ng utak na apektado. Maaaring maapektuhan lamang nito ang isang bahagi ng utak, parehong bahagi, o tiyak na lobes o bahagi ng utak.
Ang iba ay maaari ding makaranas ng tinatawag na “aura” o babala. Ito ay talagang bahagi ng seizure at isang senyales na magkakaroon ng hindi regular na impulses sa utak.
Gayunpaman, posible ring biglang mawalan ng malay ang isang tao at magsimulang magkaroon ng seizure nang walang anumang babala. Ang ganitong mga kaso ay maaaring maging mas mapanganib lalo na kung ang isang tao ay nahulog, o naaksidente habang nagmamaneho.
Bakit Nagiging Sanhi Ng Seizures Ang Panginginig At Pagkahimatay?
Ang panginginig at pagkahimatay ay dalawang pinakakaraniwang sintomas na iniuugnay ng mga tao sa seizures.
Nangyayari ang panginginig kung ang bahagi ng utak na responsable sa pagkontrol ng muscles ay apektado. Bilang resulta, ang muscles ng katawan ay hindi makontrol sa pag-contract at pag-relax. Ito ay dahil ang electrical impulses ay nagpapadala ng hindi normal na mga senyales sa muscles. Posibleng ang mga pasyente ay gising at may malay habang nangyayari ang seizure. Gayunpaman, hindi nila makontrol ang paggalaw ng kanilang katawan.
Ang mga tao ay maaari ding mahimatay o mawalan ng malay habang nagkakaroon ng seizure. Hindi ito nangangahulugang ang taong nakararanas ng seizure ay lubusang mahihimatay dahil posibleng sila ay malay habang nangyayari ito. Ang iba ay lumilikha ng tunog, tumatawa, umiiyak, o sumisigaw habang nagkakaroon ng seizure subalit hindi nila matatandaan ang anumang nangyari.
Ito ay dahil ang nangyayari dahil sa kaguluhan sa frontal lobe ng utak. Ang bahaging ito ng utak ay ang responsable sa mga alaala at emosyon. Kaya’t ang electrical disturbance ay posibleng maging sanhi ng pagkahimatay.
Ang seizures ay maaari ding maging sanhi ng iba pang reaksyon ng katawan. May ibang taong may malay subalit nakararanas ng hallucinations habang nagkakaroon ng seizures. May iba namang nawawalan ng malay, at ang kanilang katawan ay nananatili sa isang posisyon habang nangyayari ito.
Lubhang imposibleng mahulaan kung ano ang mangyayari kapag ang isang tao ay nagkaroon ng seizures. Ito ay dahil walang paraan upang malaman kung anong bahagi ng utak ang nagiging apektado. Kaya mahalaga para sa mga tao na malaman ang kanilang maaaring gawin kapag ang isang tao ay nagkaranas ng seizure.
Mga Dapat Tandaan
Mahalaga ang first aid sa seizures upang maiwasan ang injury. Narito ang ilang mahalagang first aid tips na dapat tandaan.
- Manatili sa tabi ng taong nakararanas ng seizures hanggang siya ay magising.
Karamihan sa seizures ay dapat tumigil sa loob ng dalawang minuto. Kung hindi tumigil ang kombulsyon sa loob ng nasabing panahon o kung wala pa rin siyang malay sa loob ng 5 minuto matapos ang seizure, humingi agad ng agarang tulong.
- Matapos ang seizure, kausapin siya nang kalmado at ipaliwanag ang nangyari.
- Mabuting ideya rin ang pagsusuri kung siya ay nasaktan o may injuries.
- Kung kinakailangan, huwag mag-alangang humingi ng medikal na tulong.
- Iwasan siyang hawakan, o huwag siya pigilang gumalaw.
- Magandang ideya rin kung hindi maglalagay ng anumang bagay sa kanyang bibig. Ito ay dahil ang kanyang ngipin o panga ay maaaring ma-injure.
Nakakabiglang makakita ng taong nagkakaroon ng seizure, lalo na kung siya ay nakararanas ng panginginig at pagkahimatay. Gayunpaman, karamihan sa mga tao ay nakare-recover mula sa seizures. Ito ay kadalasang hindi nagiging sanhi ng anomang permanenteng damage. Kung ikaw man o ang ibang tao ang nakaranas ng seizure, agad na kumonsulta sa doktor.
Matuto pa tungkol sa Seizure Disorders dito.