Paano Ginagamot Ang Carpal Tunnel Syndrome?
Ang carpal tunnel syndrome ay isang medical condition kung saan naiipit ang ating ugat na tinatawag na median nerve na dumadaan sa ating carpal tunnel sa palad. Maraming tao ang nagtatanong kung ano ang gamot sa carpal tunnel syndrome dahil sa pamamanhid ng kamay na nararanasan ng mga indibidwal na may ganitong kondisyon.

Basahin ang artikulong ito para malaman ang treatment at gamot sa carpal tunnel syndrome para maibsan ang discomfort na dulot ng sakit na ito.
Anu-ano Ang Pwedeng Paggamot Sa Carpal Tunnel Syndrome?
Ayon sa mga eksperto, ang labis na pagpindot sa keyboard at sa screen ng ating cellphone ay maaaring magbunga ng carpal tunnel syndrome. Dagdag pa rito, maaari rin na magkaroon ng carpal tunnel syndrome ang mga office worker, at ang mga taong sobrang pinupwersa ang kanilang kamay at daliri sa paggawa ng iba’t ibang aktibidad.
Narito ang ilang mga tip na mula sa mga doktor kung paano pwedeng maibsan at maiiwasan ang pananakit at pamamanhid ng kamay dahil sa carpal tunnel syndrome:
1. Pagbabawas ng timbang at pag-iwas sa pagkain ng mga maaalat.
Ang paliwanag dito ay dahil ang asin ay nakakatulong sa pagpapadami ng tubig sa’ting katawan. Maaari itong humantong sa pamamaga ng ating kamay at maging dahilan para lalo lang maipit ang ating median nerve.
2. Pagpahingain ang mga kamay.
Dapat mong bawasan ang sobrang pagta-trabaho gaya ng paglalaba, pagbubuhat ng mabigat, at pananahi. Kailangan mong maglaan ng oras sa pagpapahinga upang ma-relax ang iyong mga kamay.
3. I-exercise ang iyong mga kamay.
Huwag mong kakalimutan na may espesyal na ehersisyo para sa carpal tunnel na pwede mong gamitin, gaya ng pagtaas ng iyong mga kamay, at ikut-ikutin ito na para bang may binibilog ka. Maaari mong gamitin ang iyong wrist sa pabilog na aksyon at paraan na may layunin na paluwagin muli ang daanan ng naipit na median nerve.
4. Pagtaas ng iyong kamay habang ikaw ay nagpapahinga.
Tandaan na mas mainam kung nakataas ang iyong kamay sa iyong dibdib habang nagpapahinga upang makapag-relax din ang iyong mga daliri at kamay.
5. Huwag masyadong pwersahin ang mga kamay.
Hindi mo dapat inaabuso ang paggamit ng iyong mga kamay. Mas maganda kung matutunan mo ang tamang pagbabalanse lalo na kung nagbubuhat ka ng mga mabibigat na bagay. Huwag mong ilagay ang lahat ng pwersa at bigat sa’yong kamay dahil pwede mo ring magamit sa pagbubuhat ang iyong balikat o humingi ng tulong sa’yong kapwa.
6. Iwasan ang maling pag-bend ng kamay.
Sa oras na mali ang naging posture ng iyong kamay, maaaring maipit ang iyong median nerve. Dapat mong siguraduhin na komportable ang iyong mga daliri at kamay sa paggawa ng iba’t ibang gawain.
7. Iwasan na daganan ang kamay habang natutulog.
Hindi dapat madaganan ang iyong kamay habang natutulog, dahil sa oras na madaganan ito maaaring maipit ang iyong median nerve. Kinakailangan na maging tama ang posisyon nang paglagay ng kamay sa ibabaw ng dibdib habang natutulog para hindi ito maipit. Pwede mo ring ipatong ang iyong mga kamay sa unan na nasa iyong tabi.
8. Gumamit ng ice pack kapag masakit ang kamay.
Makakatulong ang paggamit nito para ma-relax ang iyong mga kamay at maibsan ang pagod na iyong nararamdaman.
9. Paggamit o paglalagay ng splint o kalso sa iyong kamay.
Maaari kang kumuha at gumamit ng isang matigas at pahabang cardboard, para i-tape sa ilalim ng iyong palad at wrist. Ginagawa ang pamamaraan na ito para hindi mo maling maibaluktot ang iyong kamay habang natutulog.
Mahalagang Paalala
Pag dating sa gamot sa carpal tunnel syndrome, mas maganda kung magkakaroon ka pa rin ng konsultasyon sa isang doktor. Maaaring nakadepende sa iyong kasalukuyang medikal na kondisyon at edad ang paggamot na gagawin para sa iyo.
Mahigit na ipinagbabawal ang pag-inom ng mga gamot na hindi naman aprubado at walang pahintulot ng doktor. Maaari itong maging sanhi ng pagkakaroon ng iba’t ibang medikal na komplikasyon.
Bukod rin sa mga nabanggit na mga paraan sa kung paano maaaring harapin ang carpal tunnel syndrome, mayroon pang dalawang pamamaraan na pwedeng gamitin bilang paggamot sa kondisyon ito: ang non-surgical treatment at surgery.
Kadalasan, ginagamit ang mga non-surgical na paggamot para sa hindi gaanong malubhang mga kaso. Nagbibigay-daan ito sa iyo upang maipatuloy ang pang-araw-araw na gawain nang walang pagkaantala. Ang surgical treatment naman ay ginagawa sa mas malalang kaso na nakapagbibigay naman ng positibong resulta.
Matuto pa tungkol sa Peripheral Nervous System Disorders dito.