Paano Ginagamot Ang Tongue Tie At Ano Ang Epekto Nito Sa Kalusugan?
Pamilyar ba kayo sa kondisyon na tinatawag na tongue tie o oral ties? Marahil ang ilan sa inyo ay pamilyar, habang ang iba naman ay walang alam tungkol sa kondisyon na ito. Sa katunayan, mahalagang matukoy kung paano ginagamot ang tongue tie, kaya dapat malaman ng bawat isa ang kalikasan o nature ng kondisyon na ito. Kapag ang isang taong may tongue tie ay hindi nabigyan ng angkop na medikal na atensyon, maaari itong mauwi sa pagkakaroon ng mga problema sa kalusugan, lalo’t ang kondisyon na ito ay namamana.

Basahin ang artikulong ito para sa mga mahahalagang impormasyon kung paano ginagamot ang tongue tie, at anu-ano ang epekto nito sa kalusugan.
Ano ang tongue tie?
Ang tongue tie ay isang congenital na kondisyon na dala-dala ng bata buhat ng kanyang kapanganakan. Maaari rin na tawagin na “ankyloglossia” ang kondisyon na ito kung saan ang lingual frenulum ng isang bata ang nagdudugtong o nagkokonekta sa dila at sa ibabang bahagi ng bibig ay masyadong maikli.
Bukod pa rito, sa pagkakaroon ng tongue tie maaaring mahirapan ang isang tao na maigalaw ang kanyang dila na dahilan upang mahirapan sila sa pagsasalita, pagsuso, pagkain, at paglunok.
Ano ang dahilan ng tongue tie?
Ang pagkakaroon ng tongue tie ng isang tao ay nanatiling “unknown” o hindi pa rin alam, ngunit ang ilang mga kaso ng tongue tie ay nauugnay sa ilang mga partikular na genetic factors.
Anu-ano ang sintomas ng tongue tie?
Narito ang mga palatandaan na dapat mong tandaan tungkol sa pagkakaroon ng tongue tie:
- Kahirapan sa pag-angat ng kanilang dila sa itaas na bahagi ng ngipin, o kahirapan sa paglipat ng dila mula sa gilid papunta sa isa pang gilid
- Pagtataglay ng problema sa paglalabas ng dila na lampas sa ibabang bahagi ng ngipin sa harap
- Pagkakaroon ng isang dila na parang bingot o hugis puso kapag nailabas
Paano nakakaapekto sa kalusugan ang tongue tie?
Ang mga bagong silang na sanggol ang karaniwan na nagkakaroon ng ganitong kondisyon. Kung saan maaari itong maging sanhi ng mga sumusunod:
- Kahirapan sa pagsuso o pagdede sa ina
- Pagkakaroon ng paghihirap sa pagsasalita o speech defect sa kanilang paglaki
- Hindi maayos na pagkain at paglunok
Ang mga nabanggit na pwedeng maging epekto ng tongue tie sa isang tao ay maaaring maging dahilan ng mga masamang epekto sa kalusugan, gaya ng hindi pagsuso nang maayos sa ina.
Sa oras kasi na hindi makasuso o makadede nang maayos ang bata sa kanyang ina, pwede itong magdulot ng matinding gutom sa bata. Dagdag pa rito, maaari rin masaktan ang ina sa pagpapasuso ng anak tulad ng naging kaso ng anak ng sikat na vloggers na sina Viy at Cong.
Paano ginagamot ang tongue tie?
Dapat na magpakonsulta sa doktor ang mga ina na nagkakaroon ng kahirapan sa pagpapasuso ng anak upang matukoy ang tunay na kalagayan ng bata at magulang.
Gayunpaman sa oras na mapatunayan na may tongue tie ang anak, may mga ilang procedure ang pwedeng gawin para gamutin ito. Narito ang mga sumusunod:
- Frenotomy — Ang pamamaraan na ito ay tinatawag ding “tongue-tie revision,” kung saan dito pwedeng gawin ang paggupit ng tissue o frenulum upang maigalaw ng bata nang maayos ang kanilang dila. Ang pamamaraan na ito ay ginagawa lamang ng mga doktor sa loob ng ilang minuto.
- Laser o sterile scissors — Sa procedure naman na ito dito nagaganap ang bahagyang paggupit ng frenulum na nagdurugtong sa dila at sa ibabang bahagi na bibig ng bata.
Key Takeaways
Gayunpaman, kahit mayroon tayong kaalaman sa mga sintomas ng tongue tie dapat mo pa ring iwasan ang paggawa ng sariling diagnosis at paggamot, lalo na kung hindi ka naman doktor. Mas maganda kung makukumpirma ng doktor ang sakit o kondisyon para maiwasan ang maling paggamot at mga komplikasyon.
Matuto pa tungkol sa Iba Pang Isyu sa Oral na Kalusugan dito.