backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

Gamot Sa Buni Na Mabilis At Epektibo

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD · Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

    Gamot Sa Buni Na Mabilis At Epektibo

    Karaniwan ang pagkakaroon ng mapula at makating pantal lalo na kapag may kagat tayo ng insekto. Gayunpaman, maaari ding indikasyon ito ng pagkakaroon ng buni na isang klase ng impeksyon sa balat. Sa artikulong ito, alamin kung ano ang gamot sa buni at papaano ito gagamutin nang mabilis.

    Ano Ang Ringworm Infection o Buni?

    Sa kabila ng katawagan nito sa ingles na “ringworm,” wala itong kinalaman sa anumang uri ng uod o bulate. Sa halip, ito ay sanhi ng dermatophytes na isang uri ng fungi. 

    Upang malaman kung mayroon kang ringworm infection o buni, kailangan mong tingnan ang iyong balat kung mayroong pulang mga batik o pantal. Karaniwang bilog o hugis singsing ang pantal, makaliskis at may nakaangat o kurbadang hugis ang palibot nito. Maaaring makati ang buni, ngunit may mga kaso rin namang hindi.

    Saan mo maaaring makita ang mga pantal na ito? Ayon sa mga doktor, puwede mo itong makita saan mang bahagi ng iyong katawan gaya ng:

    • Gitnang bahagi ng katawan, mga braso, at binti
    • Mga paa (mas kilala sa tawag na athlete’s foot)
    • Mga kuko sa kamay at paa
    • Singit (na sanhi ng jock itch)
    • Anit
    • Mukha

    Gamot Sa Buni

    Una, mahalagang malaman na mabilis kumalat ang impeksyong ito. Maaari itong kumalat sa iba’t ibang bahagi ng iyong katawan o makahawa sa ibang tao sa pamamagitan ng physical contact. Narito ang ilang halimbawang sitwasyon kung saan maaari itong makahawa:

    • Kinamot mo ang iyong buni at inihawak sa ibang bahagi ng katawan
    • Hinawakan mo ang iyong buni at saka ka humawak sa ibang tao

    Posible ring makahawa ng fungi na ito sa pamamagitan ng mga kontaminadong gamit gaya ng medyas, sapatos, tuwalya, at damit. Kaya naman, iwasan ang pagpapahiram ng mga damit at gamit.

    gamot sa buni

    1. Gumamit Ng Topical Treatment

    Ano ang gamit sa buni na mabilis at epektibo? Ang pinakamabilis na paraan ay sa pamamagitan ng gamot. Maaaring magbigay ang iyong doktor ng antifungal cream o lotion na puwede mong direktang ipahid sa apektadong bahagi ng iyong katawan.

    Kadalasan, dalawang beses mong kailangang pahiran ng cream o lotion ang buni sa isang araw — isang beses sa umaga at isa sa gabi. Bagaman magsisimulang mawala ang mga pantal pagkaraan ng ilang araw na tuloy-tuloy na pagpapahid nito, maaaring ipayo ng iyong doktor na ipagpatuloy pa ang paggamit sa loob ng isang buwan upang matiyak na hindi na babalik ang impeksyon.  

    Inirerekomenda ng mga doktor na kailangang ipahid ang cream o lotion hanggang lagpas sa paligid ng pantal. Ayon sa mga eksperto, sa oras na makita mong nawawala na ang mga pantal, hindi na ito makapanghahawa pa.

    Paalala: Sa pagpapahid ng topical treatment, gumamit ng cotton balls (bulak) o tissue. Paraan ito upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon sa iba pang bahagi ng iyong katawan. 

    2. Linisin At Patuyuin Nang Mabuti Ang Buni

    Isa pang mahalagang paraan upang gamutin ang buni nang mabilis ay sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis at tuyo nito. Nabubuhay ang fungi sa mainit-init at mamasang (moist) lugar. 

    Linisin ang buni gamit ang sabon at tubig, saka patuyuin nang mabuti.

    Isa pang mahalagang paalala: Gumamit ng hiwalay na tuwalya para sa iyong buni. Huwag gamitin ang tuwalyang ginagamit din sa ibang bahagi ng katawan.

    Dagdag pa, labhan ang tuwalyang ginamit sa buni sa mainit at masabong tubig bago gamitin ulit.

    3. Panatilihing Tuyo Ang Apektadong Lugar Na May Buni

    Baka maisip mo na kailangang takpan ang iyong buni upang hindi mo mahawakan o makamot nang hindi sinasadya at maikalat pa ito.

    Gayunpaman, sinasabi ng mga eksperto na upang mas mabilis itong magamot, kailangang panatilihin itong tuyo at hayaang “makahinga.” Ang paggamit ng mga benda o pantakip sa buni ay nagiging dahilan ng pamamasa (moist) na lalong bumubuhay sa fungi. Ibig sabihin, pinababagal ng pamamasa ang paggaling ng buni.

    Isa pang paraan upang mapanatiling tuyo ang parteng may impeksyon ay sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagsusuot ng mga damit, sapatos, o medyas na madali kang pagpawisan. Kung nag-wo-work out ka, maligo, patuyuing mabuti ang katawan (lalo na ang bahaging may pantal), at magpalit ng bagong damit.

    4. Gamutin Ang Lahat Ng Impeksyon Nang Sabay-Sabay

    Kung may mga pantal ka sa iba’t ibang bahagi ng katawan, binibigyang diin ng mga dermatologist na kailangang gamutin ang lahat ng ito nang sabay-sabay. Ano ang mabisang gamot sa buni? Kontrolin ang pagkalat nito.

    Sabihin na nating may athlete’s foot ka at may mga pantal ng buni sa iyong mga kamay. Mahalagang gamutin ang mga ito nang sabay-sabay upang maiwasan ang lalong pagkalat nito.

    5. Iwasang Makapanghawa

    Kahit gaano kagaling ang ginagamit mong tropical cream, lotion o anumang gamot sa buni, magiging mahirap na gamutin ang mga pantal ng buni kung patuloy na kumakalat ang fungi nito.

    Pagdating sa gamot sa buni, kailangang sundin ang mga karagdagan pang gabay upang maiwasan ang pagkalat nito:

  • Madalas na paghuhugas ng kamay, lalo na pagkatapos mahawakan ang buni.
  • Araw-araw na paglalaba ng damit, sapin ng kama, tuwalya, at medyas.
  • Dalhin ang iyong mga alagang hayop sa pinagkakatiwalaang veterinarian. Kadalasan kasing nakukuha ng tao ang impeksyong ito sa mga alagang aso at pusa na may buni. Kaya’t posibleng kung may buni ka, mayroon din ang alaga mo. 
  • Linisin ang mga lugar kung saan madalas na paglagian ng iyong mga alagang hayop.
  • Upang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon, ipinapayo sa mga taong may buni na iwasang magpahiram ng tuwalya, damit, sumbrero, sapatos, at tsinelas. Magsuot din ng mga damit na maluluwag. 

    Mahalagang Tandaan

    Ano ang mabisang gamot sa buni? Ang pinakamabuting gawin ay magpunta agad sa doktor sa oras na nakakita ka ng pulang mga pantal sa iyong balat. Makapagbibigay ito sa iyo ng tamang gamot sa buni at mga paraan upang maiwasan ang muling pagkakaroon nito.  

    Bukod pa sa antifungal lotion o cream, kasama rin sa paraan upang mawala ito ang pagpapanatiling malinis at tuyo ng balat na may buni, at gamutin nang sabay-sabay ang lahat ng ito upang maiwasan ang pagkalat ng fungi.

    Bilang pagtatapos, bagaman normal na makita ang mabilis na pagbabago sa iyong mga pantal pagkaraan ng ilang araw na gamutan, kailangang bumalik ka agad sa iyong dermatologist o doktor kung napapansin mong hindi gumagaling ang iyong buni. 

    Matuto pa tungkol sa kalusugan ng balat dito.

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyung medikal ni

    Mia Dacumos, MD

    Nephrology · Makati Medical Center


    Isinulat ni Daniel de Guzman · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement