Para sa maraming tao, isa lamang pansamantalang kondisyon ang anemia na madali nilang magamot gamit ang mga supplement o masustansyang pagkain. Gayunpaman, kung mayroon kang Thalassemia, tila nagiging palaging problema ang anemia. Ano ang mga sintomas ng Thalassemia, at paano mo ito makokontrol? Alamin ‘yan dito.
Isang namamanang karamdaman sa dugo ang Thalassemia na nangyayari kapag nahihirapan ang katawang gumawa ng sapat na functional hemoglobin, ang protina sa red blood cell na nagdadala ng oxygen.
Kapag hindi sapat ang hemoglobin, hindi rin gagana nang mabuti ang mga red blood cell at tatagal lamang ng sandaling panahon. Sa ibang salita, kakaunti lamang ang malusog na red blood cell mo.
Tandaang ang kakulangan sa bilang ng red blood cell ay may masamang epekto sa paghahatid ng oxygen sa buong katawan. Kapag walang sapat na oxygen, makararamdam ka ng pagod at kakapusan ng hininga.
Bago natin pag-usapan ang mga sintomas ng Thalassemia, pag-usapan muna natin ang mga uri nito, na maaaring tumukoy sa apektadong bahagi ng hemoglobin o ang tindi ng mga sintomas.
Kung makikita mo, binubuo ang hemoglobin ng dalawang protina: alpha at beta. Kung may problema sa gene na responsable para sa alpha protein, ibig sabihin ito ang alpha Thalassemia. Gayundin, kapag ang problema ay nasa gene na gumagawa ng beta protein, tinatawag itong beta Thalassemia.
Ngayon, maaari pang hatiin ang alpha at beta sa Thalassemia minor at major. Kapag namana ang may sirang gene mula sa parehong mga magulang, nauuwi ito sa Thalassemia major. Kapag ang namana namang gene na may sira ay mula lamang sa isang magulang, tinatawag itong Thalassemia minor.
Kung narinig mo na ang salitang intermedia, tumutukoy ito sa uri ng Thalassemia na nasa pagitan ng minor at major.
Madalas, ang mga taong may Thalassemia minor ay may mga mild na sintomas o carrier lamang: mayroon silang problema sa gene, ngunit wala silang sintomas. Sa kabilang banda, maaaring makaranas naman ng malalang sintomas ang mga taong may Thalassemia major.
Mga Senyales at Sintomas ng Thalassemia
Nagkakaiba-iba ang mga sintomas ng Thalassemia depende sa uri at tindi ng kondisyon.
May ilang mga taong may Thalassemia minor, lalo na ang alpha Thalassemia minor, na mga silent carrier lamang. Ganito ang nangyayari dahil ang kakulangan ng alpha protein ay napaka-minor lamang kaya’t maayos pa ring gumagana ang mga hemoglobin.
Gaya ng nauna, maaaring magkaroon din ng mga mild na sintomas o mild na anemia ang may Thalassemia minor. Tandaang ang mild anemia na dulot ng alpha thalassemia minor ay maaaring maipagkamali sa iron-deficiency anemia.
Mild hanggang Moderate Anemia at iba pang Sintomas
Maaari ding makaranas ang ibang tao ng mild hanggang moderate anemia kasabay ng iba pang sintomas, lalo na kung mayroon silang beta Thalassemia intermedia. Kabilang sa ilang sintomas ang:
- Mga problema sa buto
- Lumaking spleen
- Bumagal na paglaki o delayed puberty
Severe Anemia at Iba pang Sintomas
Ang severe na mga sintomas ng Thalassemia ay maaaring mangyari sa mga taong may beta Thalassemia major sa loob ng unang dalawang taon ng kanilang buhay. Kabilang sa mga sintomas nito ang:
- Mga problema sa buto
- Maitim na ihi
- Lumaking spleen, puso, o atay
- Jaundice (paninilaw ng mata at balat)
- Maputla at walang siglang itsura
- Walang gana
- Bumagal na paglaki o delayed puberty
Nakadepende ang gamutan sa uri at sintomas ng Thalassemia. Kung isa kang silent carrier o may mild na mga sintomas lamang, pwedeng hindi mo na kailangan ng gamutan.
Para sa moderate o severe na mga sintomas, gayunpaman, maaaring irekomenda sa iyo ng doktor ang:
- Madalas na pagsasalin ng dugo, na posibleng kada ilang linggo. Pakitandaang ang madalas na pagsasalin ng dugo ay maaaring maging sanhi ng iron accumulation, na nauuwi sa mga problema sa puso o atay.
- Iron chelation therapy, na gumagamit ng mga gamot upang tanggalin ang sobrang iron sa katawan.
- Folic acid supplements upang makatulong na makagawa ng malusog na red blood cells.
Nagkakaroon ng Thalassemia kapag nahihirapan kang gumawa ng hemoglobin, isang oxygen-carrying protein na matatagpuan sa mga red blood cell. Nakadepende ang mga sintomas ng Thalassemia sa uri at tindi ng kondisyon. Maaari kang maging carrier na walang sintomas, makaranas ng mild na mga sintomas, o magkaroon ng malalang anemia kasabay ng iba pang problema sa kalusugan.
Kung sa tingin mo ay may anemia ka, lalo na ang moderate hanggang severe na klase nito, makipagkita na agad sa doktor.
Matuto pa tungkol sa Karamdaman sa Dugo dito.