Ano Ang Carpal Tunnel Syndrome? At Paano Nagkakaroon Ang Isang Tao Nito?
Madalas ka bang makaranas ng pamamanhid ng palad ng kamay? Kung “oo” dapat mong alamin kung ano ang carpal tunnel syndrome, dahil isa itong medical condition na may malaking kinalaman sa pamamanhid ng iyong mga kamay. Ang carpal tunnel syndrome ay isang uri ng kondisyon kung saan naiipit ang iyong ugat sa mga kamay.

Ayon sa mga eksperto ang sobrang pagpindot sa keyboard at sa screen ng ating mga cellphone ay maaaring magresulta ng carpal tunnel Syndrome. Ipinapayo ng mga doktor ang katamtamang paggamit ng gadgets at pagta-type sa keyboard para maiwasan ang kondisyon na ito.
Para mas maunawaan kung ano ang carpal tunnel syndrome, halina’t basahin ang artikulong ito.
Ano Ang Carpal Tunnel?
Ang carpal tunnel ay isang makitid na kanal o tubo sa pulso, kung saan ang bahagi ng pulso ito ay nagbibigay-daan sa median nerve at tendons na ikonekta ang kamay at bisig. Ang mga bahagi ng tunel na ito ay kinabibilangan ng:
- Carpal bones — Ang mga butong ito ay ang bumubuo sa ilalim at gilid ng tunnel, kung saan ang mga ito ay nabuo o formed sa isang semi-circle.
- Ligament — Ito ang tuktok ng tunnel kung saan ang ligament ay isang malakas na tissue na humahawak sa tunnel nang magkasama.
Sa loob naman ng tunnel ay matatagpuan ang median nerve at tendons.
- Median nerve — Ang nerve na ito ay nagbibigay ng pakiramdam sa karamihan ng mga daliri sa kamay, at nagdaragdag din ito ng lakas sa base ng ating hinlalaki at hintuturo.
- Tendons o litid — Ang rope-like structures, at mga litid ay nag-uugnay sa mga kalamnan sa bisig sa mga buto sa kamay. Pinahihintulutan nilang yumuko ang ating mga daliri at hinlalaki.
Ano Ang Carpal Tunnel Syndrome?
Isang medical condition sa kamay ang Carpal tunnel syndrome (CTS) na bunga ng sobrang paggamit ng kamay. Ang mga taong may CTS ay kadalasang nakakaranas ng pamamanhid ng kamay dahil sa pagkaipit ng kanilang ugat na tinatawag na median nerve, na matatagpuan sa wrist o palad.
Dagdag pa rito, ang ating mga kamay ay nagtataglay ng mga daliri na may mga tendon o litid na tumitigas sa oras na ginagamit natin ang kamay. Sa oras na masobrahan ang paggamit ng ating mga kamay, pwedeng mauwi ito sa pamamaga ng mga litid, at maipit ang ating median nerve na maaaring humantong sa pamamanhid ng palad.
Unang inilarawan ang carpal tunnel syndrome noong mid-1800s. At ang unang surgery para sa release ng carpal tunnel ay ginawa noong 1930s. Ang kondisyon na ito ay kinikilala ng mga orthopaedic surgeon sa loob ng higit sa 40 na taon.
Sino Ang Madalas Na Nagkakaroon Ng Carpal Tunnel Syndrome?
Madalas ang mga computer at office worker ang nagkakaroon ng CTS. May mga pagkakataon ding magkaroon ng CTS ang mga indibidwal na laging ginagamit ang kamay sa trabaho. Ang mga waiter, karpentero, mananahi, at labandera ay nagkakaroon din ng CTS.
Dagdag pa rito, ayon na rin kay Dr. Willie Ong ang kababaihan ay mas madalas na nagkakaroon ng CTS kumpara sa mga lalaki. Bukod pa rito, nasa panganib ka rin ng pagkakaroon ng CTS kapag ikaw ay:
- matanda
- sobra sa timbang
- buntis
- nagtataglay ng mga kondisyon gaya ng rayuma, diabetes, thyroid gland hormone imbalance, alcoholism, at tumor sa carpal tunnel
- gumagawa ng mga aktibidad na napwepwersa ang mga daliri at kamay
- may magulang at kapatid na nagtataglay ng CTS
- nagkaroon ng wrist injury dati
- sumailalim sa hemodialysis
- nagkaroon ng amyloid deposits
Ano Ang Mga Sintomas Ng Carpal Tunnel Syndrome?
Ayon kay Dr. JJ Pua, isang orthopedic surgeon-hand specialist narito ang mga kilalang sintomas ng CTS:
- pamamanhid ng mga daliri maliban sa ating hinliliit
- pangangapal ng mga daliri na para bang may kuryente
Bukod sa mga nabanggit na sintomas ng CTS ni Dr. Pua narito pa ang ilang sa mga sintomas ng CTS na dapat mong makita:
- panghihina ng kamay at mga daliri
- pananakit ng kamay at mga daliri
Paano Dina-Diagnose Ang CTS?
Asahan mo na susuriin ng iyong doktor ang iyong medikal na kasaysayan at bibigyan ka ng pisikal na pagsusulit. Maaari rin siyang magrekomenda ng electrodiagnostic tests para sa iyong mga ugat. Ang mga test na ito ay ang pinakamahusay na paraan upang makita ang carpal tunnel syndrome. Pinasisigla kasi ng electrodiagnostic tests ang mga kalamnan at nerves sa iyong kamay para makita kung gaano kahusay ang mga ito.
Key Takeaways
Matuto pa tungkol sa Peripheral Nervous System Disorders dito.